You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Kahit Nasaan Pa

Maricel Puertellano

Kahit Nasaan Pa

Isa ako sa mga taong nangarap na makarating sa Canada. Sabi nila, pag narating mo ang lugar na ito, natupad na din ang mga pangarap mo. Kaya mula sa pagiging isang guro, lumipat ako sa pagiging caregiver upang subukan ang aking kapalaran sa pangingibang bansa.

Dahil mahirap makarating patungong Canada mula sa Pinas, ipinasya kong magtungo muna sa Israel ng magkaroon ako ng pagkakataon, upang doon muna manilbihan sa loob ng isang taon habang inaayos ko ang aking mga papeles patungo sa aking destinasyon..Noon punong puno ako ng pangarap, kay layo nang aking tinatanaw na pag asa.

Ngunit hindi naging madali ang naging buhay ko sa Israel, ang isang taong palugit sa aking sarili ay naging dalawa, tatlo, apat, hanggang maging pitong taon na. Noon ko napatunayan na ang buhay ay hindi lamang nakasalalay sa iyong mga kamay at mga kagustuhan. May mga pangyayaring hindi inaasahan katulad ng isang bagyong minsan, mag iiwan sa iyo ng mga bakas pagkasira at kabiguan. Mahirap bumangon at mag umpisa muli, ngunit katulad din ng isang unos, gaano man ito kasungit, ito din ay may katapusan. Sa paglisan ng mga unos sa aking buhay, kasabay nitong sumikat ang bagong araw at bagong pag asa.

Sa paglipat ko sa Canada, katulad ng una ay punung puno ako ng pag asa at pangarap. Punung puno ng ambisyon at uhaw na uhaw ako tamis ng pangako ng bansang matagal ko ng pinanabikang marating. Bagong bansa, bagong buhay, bagong pakikipagsapalaran.

Ngunit pagkatapos ng dalawang taon mula ng ako ay pumasok sa bansang ito,walang araw na hindi ako umiiyak at nagdadalamhati sa hirap na aking pinagdadaanan. Kay hirap ng wala kang kasama sa bawat araw ng buhay. Pagal ang aking katawan sa hirap ng mga gawain, minsan, manhid na ang aking pakiramdam pati ang damdamin sa sobrang kabiguan sa aking kasalukuyang sitwasyon. Kinalimutan ko ang lahat, ang aking mga nakasanayang gawin. Naging mas lalong limitado ang aking panahon sa pakikipagkaibigan, kaya hanggang ngayon, mabibilang sa aking daliri ang mga taong napalapit sa akin, natigil ako sa mga boluntaryong gawain, kahit pa ang mga bagay na nagpapasaya sa akin ay tinalikuran ko din. Dalawang taon akong nag iisa, natatakot makipag usap sa tao, dalawang taong parang pakiramdam ko walang halaga ang aking buhay at pagkatao dahil puro trabaho ang umaalipin sa akin. Nakakapagod. Nakakasawa. Gusto kong kumawala pero alam kong hindi pa ngayon ang tamang panahon. Hindi ko din alam kung anong kahihitnan ng aking buhay pagkatapos nito. Ang lugar na ito, wala din palang pinag-iba sa aking pinanggalingan at kung meron man, siguro sa panahong ito, hindi ko pa lubos na nauunawaan. Hanggang ngayon, hinahabol ko pa din ang aking mga pangarap, kung hanggang saan at kailan, Diyos lang ang nakakaalam.

Ngayon ko napagtanto, hindi mahalaga kung saang lupalop ng mundo ka mapunta. Pare pareho lamang ang pinagdadaanan ng isang taong malayo sa mahal niya sa buhay. Iba iba man ang mga mukha at bagsik ng mga bagyong dumadaan, iba iba man ang mga nagiging pagsubok sa buhay, pero pare pareho lamang na nasasaktan, nagdurusa at humuhugot ng lakas mula sa kanyang sarili, sa pamilya at sa Panginoon upang mapaglabanan ang lahat ng sakit at kabiguan. Makailan mang pagbagsak ay pilit na ibabangon, lilinisin ang sarili at ipagpapatuloy ang nasimulang laban.

Hindi pala mahalaga kung saan ka mapunta, kung sa Asia, Amerika, Europa o kahit saan pa, wala sa lugar ang ikakaginhawa ng buhay ng isang OFW kung hindi nasa kanyang sarili mismo. Kung paano niya disiplinahin ang kanyang sarili, kung paano niya ipapaplano ang kanyang buhay at ikabubuti ng kanyang pamilya. Nasa paraan kung paano mag iimpok sa limitadong kinikita sa natatanging pagkakataon. Sa kung paano magiging mas matatag para sa mas matinding hamon ng buhay.

Kahit nasaan ka man, hindi mahalaga ang iyong kinaroroonan. Lakas at tibay ng loob, disiplina, karanasan at pagkatuto mula sa mga dagok ng buhay, pananampalataya sa Panginoon, pagmamahal sa iyong pamilya at sarili ang pinakamahalagang sangkap upang maging isang matagumpay na OFW.

~~REINAEMOTERA~~

Maricel Puertellano is an OFW and a migrants’ rights advocate. She once worked in Israel where she founded FilMoDHA in August 2011. FilMoDHA – Filipino Modern Day Heroes Association is an active migrant advocacy group assisting the distress OFWs in Israel. In March 2012, Maricel transferred to Canada to work as a caregiver.