You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Feature Story: PATULOY NA PAGLALAKBAY

PATULOY NA PAGLALAKBAY
TALAMBUHAY : DITTZ CENTENO-DE JESUS

Taong 2004, buwan ng Disyembre, nang simulan ko ang isang paglalakbay patungo sa isang dayuhang bansa, ang Italya, kung saan ay mahigit na dalawang taon nang pinamamalagian ng aking mahal na kabiyak ng puso, si Gene. Hindi ko alam kung tama ba ang aming desisyon na ako ay magtungo din duon bunga ng kanyang pagpetisyon, iwan ang aming dalawang anak na sina Hydee at Hadji sa aking mga magulang, at samahan siya sa pakikipagsapalaran bilang dayuhang manggagawa.

Pagtapak pa lamang ng aking mga paa sa Guglielmo Marconi Airport sa Bologna, alam ko, simula na ito ng isang bagong buhay na kakaharapin ko, puno ng pangungulila sa mga anak at tigib ng pangamba sa kung ano ang nakalaan para sa akin.

Iniwan ko sa Pilipinas ang papasimula na sanang propesyon ng pagsusulat sa diyaryo at inihinto na rin ang negosyong Arts and Crafts na siyang bumuhay sa amin noon at inasahan sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Naging kainip-inip sa araw-araw ang paghihintay , wala pa akong hanap-buhay, at lalo lamang naging masidhi ang pagnanais na bumalik na lamang sa Pilipinas . Kung magkaminsan ay may mga pagkakataong naisasama ako ng aking asawa sa kanyang pagtatrabaho at lalo lamang lumalalim ang pagmamahal ko sa kanya habang pinapanood ko siya sa pagganap sa gawaing-bahay na dati’y ako lamang ang nakakaalam kung paano isagawa. Unti-unti ay itinuturo niya sa akin kung paano ang mga dapat gawin, ang tamang paglilinis, pagliligpit, paglalaba at pamamalantsa. Nangingilid ang luha ko at palihim itong pinapahid dahil parang di matanggap ng sarili ko na ito na nga ang magiging daigdig na gagalawan ko na rin sa mga susunod na araw, buwan at taon.

Sa mga araw na ako lamang ang naiiwan sa aming tahanan, madalas ay nakapanungaw ako sa may bintana at tinatanaw ang mga batang mag-aaral sa kalapit na paaralan. Naalala ko ang aking mga anak, sila kaya ay nakakayanan ang aming pagkakalayo? Hanggang kailan kaya magiging ganito ang aming sitwasyon?

Lumipas ang mga buwan, kinailangan ko na ring matutuhan ang dayuhang salita, sa una’y napakahirap pero habang dumadaan ang panahon ay unti-unting nasanay ang aking pandinig sa lengguwaheng Italyano. Sabi ko sa sarili ko ay hindi uusad ang buhay ko kung hindi ko pag-aaralan ito. Kaya’t kasabay ng pag-aaral nito ay natanggap ako sa ilang trabaho bilang kapalit na panandalian ng mga kaanak na magbabakasyon sa Pilipinas. Swerte ko na lamang at natapat ako sa mga pamilyang nakakapagsalita ng Ingles at mababait din naman sila.

Pagkaraan ng dalawang taon, natantiya ko na sa sarili ko na kaya ko nang pumalaot nang husto sa buhay-katulong at namasukan nang stay-in sa isang pamilya. Mahirap dahil kailangang tiisin naming mag-asawa ang mga panandaliang pagkalayo sa isa’t isa. Maaari din naman kasi siyang tumuloy sa inilaan sa aking maliit na tuluyan kaya nagkakasama pa rin kami. Ang mahirap na parte ay kapag isinama na ako sa malalayong lugar at tumatagal kami doon ng ilang araw o ilang lingo o tatlong buwan. Doon ko naisip na hindi ito ang ginusto kong buhay dahil ang pamilyang pinaglilingkuran ko ay patuloy ang pamumuhay samantalang ako ay sa kanila na lamang umiikot ang mundo. Minsan na lamang ako makatawag sa mga anak ko at mga magulang . Nawala na ang tunay na ako kaya nagpasiya kaming mag-asawa na dapat ko nang iwan ang trabaho kong iyon bagama’t nagdulot din naman ito sa akin ng bagong karanasan, narating ko ang mga lugar sa Italya at sa iba pang kalapit-bansa at natuto rin akong tanggapin ang kalagayan ng isang manggagawa.

Iniwan ko ang hanap-buhay kong iyon makaraan ang dalawang taon…para akong nakalaya sa isang hawla. Una kong pinuntahan ang simbahan at doon ay nagpasalamat sa Diyos at muling humiling na pagkalooban ako ng bagong simulain. Wala pang isang buwan ay natanggap akong muli na magtrabaho sa isang pamilya . Panibagong karanasan na naman sa akin ang maging bahagi ng isang pamilya bagama’t sa loob lamang ng limang oras bawat araw.

Sa bago kong pakikipagsapalaran sa Italya, naisip ko na di na ako dapat magmukmok at malungkot , dapat akong kumilos at tuklasin muli ang dating ako, si Dittz na malikhain, si Dittz na mapag-organisa, si Dittz na makabayan at kung anu-ano pa. Sa malaya kong oras, natuto akong muling makihalubilo at matagpuan ang nakalaang puwang para sa akin, ang mamuno at makapaglingkod sa aking mga kababayan. Nabigyan ako ng pagkakataon na makilala at maturuan ng mga mahuhusay na Pilipinong lider dito sa Italya. Kaya hindi ko inaksaya ang pagkakataong ito at sinimulan ko ang bagong landas na tatahakin ko, sa tulong at suporta ng aking asawa, mga anak , kapamilya at mga kaibigan. Naging maaliwalas ang bawat araw at naging kasabik-sabik kapag may mga pagtitipong dinadaluhan o inoorganisa para sa mga kaibigan at mga kakilala at kahit paano ay nakadarama ng kasiyahan at aliw sa mga programang higit na nagpapatingkad sa mga taglay na talino at talento ng mga Pilipino. Kaya doble ang katuparan ng mga adhikain, nakakapagpaligaya na sa mga kababayan, at naipapakilala pa ang mga Pilipino at ang kultura ng bansang Pilipinas sa mga dayuhan.

Sa loob ng mahigit na walong taon ng pamamalagi ko sa Italya, nakailang uwi na rin ako sa ating sariling bansa. Iba’t ibang damdamin ang kaakibat ng mga pagbabakasyong iyon. may masayang pag-uwi para sa pagtatapos sa pag-aaral ng aming mga anak, mula elementarya hanggang kolehiyo, may kasabik-sabik na pag-uwi dahil susundo sa mga anak na magbabakasyon dito sa Italya at malungkot na paghahatid muli sa kanila sa pag-uwi sa Pilipinas at may pinakamasakit na gunita rin ng pag-uwi dahil sa paglisan ng aking mahal na Nanay. Alam kong lahat ng ito ay naramdaman at naranasan na rin ng mga katulad kong dayuhang manggagawa. Nguni’t dahil sa tayong mga Pilipino ay nilikha yata ng Diyos na may pusong gawa sa bato ang panlabas nito pero malambot ang nasasaloob , kakayanin nating lahat ang mga pagsubok na darating pa sa ating pakikipagsapalaran sa pandarayuhan alang-alang sa ating mga pamilya .

Ngayon ko na higit na naunawaan kung ano nga ba ang papel ng isang Pinoy OFW, hindi lamang para sa sariling pamilya kundi para sa buong sambayanan Pilipino. Napakalaking kaligayahan ang naidudulot ng isang responsableng manggagawa para sa kanyang kapwa.
Hindi ko alam kung hanggang kailan namin makakayanan ang paghahanap-buhay na ito pero andun pa rin at matatag ang aming mga pangarap na balang araw ay makakabalik na sa Pilipinas upang duon na manatili at makapiling na nang matagalan ang mga anak. Sa ngayon ay buo ang loob na patuloy ang paglalakbay upang sa sandaling handa na ay muling tatahakin ang daan pabalik sa sariling bayan.

Ni: DITTZ CENTENO-DE JESUS
Bologna, Italy – 21 Feb. 2014