You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

FilMoDHA Israel Report 2011


Ang FilMoDHA o Filipino Modern Day Heroes Association ay nag umpisa noong August 2011. Ito ay isang online organization na ang layunin ay maabot ang bawat manggagawang Pilipino sa Israel at makapag bigay ng mahahalagang impormasyon at tulong na kinakailangan ng iba pa nating mga kababayan.  Sa ilalim ng pagpapatnubay ni Kuya Joseph, nabuo ang grupong ito, unti unting nakakalap ng mga kasamahan, at ito ay naging aktibo ng pumasok na ang buwan ng Disyembre. Sa loob lamang ng isang buwan, may ilang maliliit na proyekto tayong nabigyan ng katugunan.

Unang una sa lahat, bago pa lamang mag umpisa ang FilMoDHA…ito ang kauna unahang pagsubok ng inyong lingkod at ng iba pang bumubuo ng grupo sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Hayaan po ninyong ilahad ko ang ilang malilit na proyektong natapos ng grupo, bahagi po ito ng aking report na ipinagbigay alam sa lahat ng kasapi ng FilMoDHA.

1. SHARON FLORES CASE: ang pinakamahalaga sa historya at pinagmulan ng FilMoDHA.

Mula sa impormasyon ng OWWA na ang kaso ni Sharon bilang isang Undocumented OFW sa Israel ay walang karapatan sa anumang matatanggap na benipisyo sa ating gobyerno. Mula sa pagwawalang bahala ng ilang organisasyon kung paano mapapabilis ang pag uwi ng ating kaibigan na may taning ang buhay. Mula sa Israel hanggang sa Pilipinas…Mga kaibigan..hindi po natin napabayaan ang ating kaibigan, hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. At kahit na nga sa kanyang paglisan, tayo po ay hindi umalis sa tabi ng kanyang mga mahal sa buhay, at tayo po ay umalalay hanggang makuha nila ang karapatang minsan ay hindi kinilala.

Sa ating pangungulit at pagpipilit na makilala ang ating karapatan bilang isang OFW at bilang tao, napabilis natin ang pag uwi ng ating kaibigan. Nakalikom din tayo ng sapat na halaga upang maipagpatuloy niya ang kanyang pagpapagamot sa Pilipinas. Maagap niyang nakapiling ang kaniyang mga mahal sa buhay, para sa kaunting panahong taning na ibinigay sa kanya ng mga doktor dito sa Israel.

Sa tulong ng Patnubay Riyadh at ng PEBA, nailapit nila tayo sa OPLE FOUNDATION, upang masuportahan at masundo si Sharon sa NAIA, gamit ang serbisyo ng OWWA, at binigyan din ng pagkakataong makapagpagamot sa PGH kung saan, sa personal na dahilan ay tinanggihan ng ating kaibigan. Ito po ay pagkatapos na minsang ipinagtabuyan ang pamilya ni Sharon sa head office dahil sa ang ating kababayan ay UNDOCUMENTED. Kasama po ang inyong lingkod at ang ibang kasamahan upang ipaglaban ang karapatang ito.

Sa pagpanaw po ng ating kaibigan, natipon natin ang kanyang mga kaibigan at nakalikom tayo ng humigit kumulang P94,000.00,  sapat na halaga para sa mga naiwan niyang obligasyon. Sa halagang ito, naipaayos natin ang kanyang puntod, ang ipinagawa niyang maliit na kwartong paupahan ay napunan natin ng ilang kagamitan, at nakapagsave po tayo ng mahigit  na P50,000 para sa ilang gastusin ng kanyang anak. Hindi pa po tayo dito tumigil.

Sa pakikipaglaban natin sa ating karapatan, kahit na nga sa pagpanaw ng ating kaibigan ay hindi tayo tumigil upang matulungan ang kanyang mga mahal sa buhay, ang pamilya po ni Sharon ay napagkalooban pa ng ilang benipisyo kahit pa nga siya ay hindi dokumentado. Ang mga ito po ay ang sumusunod:

  1. Death  Claim/Benifit na nagkakahalaga ng P100,000.00
  2. Burial                                                                  20,000.00

Ito po ay nagkakahalaga ng  P120,000.00  at ito ay mabilis nilang nakuha, na kung ikukumpara sa ibang nag ki claim ay umaabot sa ilang buwan at taon pa nga.

Sa pagkakaalam ko pa, ang anak ni Sharon na nasa elementarya pa lamang ay pagkakalooban din ng Full Scholarship na sagot din ng OWWA hanggang sa pagkokolehiyo ng bata.

Ganun din ang pagkakaloob ng kaunting puhunan para sa magulang ng ating kaibigan.

Bukod pa dito, ang PEBA, ay nangako din ng suporta para sa pag aaral ng anak ni Sharon. Malungkot mang isipin na nawala ang ating kaibigan, pero ang pamilya niya ay may kaunting mapapagsimulan upang maipagpatuloy ang kanilang buhay.

Dito po, dahil sa pangyayaring ito, ang FilMoDHA ay isinilang..para sa mga kababayan sa Israel na nahihirapan at walang makapitan.

2. Pagkatapos ng ilang buwang pamamahinga, ang isa sa ating kaibigang blogger na si Charlie Montemayor, isang OFW sa Palau at isa ding naglilingkod sa mga kabataang kapuspalad, at may adbokasyang ISANG MINUTONG SMILE, na may layuning mapangiti ang ating mga kabataan ay nagbigay sa atin ng pagkakataong makapaglingkod sa ating mga kabataan..Tayo po ay nakapagbigay suporta sa adbokasyang ito sa tulong din ng ilang mga organisasyon dito sa Israel at nakalikom tayo ng kaunting halaga upang makapag isponsor ng isang FEEDING PROGRAM. Naging matagumpay po ang 3 Day FeedingProgram. At hindi lamang ito, sa natirang pondo na ating ipinagkaloob, nakapagshare din po tayo para sa gift giving sa isang daycare center sa Manila, sa ilalim din po ng adbokasyang ito.

3. Bago magpasko, ang ating mga kababayan sa CDO at Iligan City ay nasalanta ng malakas na bagyo. Marami pong namatay at napinsala ang mga kabuhayan sa ilang lugar na ito. Tayo po ay agad na kumilos upang makapagpa abot ng ating kaunting tulong. At muli, sa sama samang pagkakapit kamay. Tayo po ay nakapagpadala ng munting halaga na magagamit ng ating mga kababayan upang maibsan ang ilan nilang mga pangangailangan.

Iisa lamang po ang ating mababatid. Sa sama sama nating pagtutulungan, sa maliit na bagay na ating maibabahagi sa ating kapwa, kaya po nating punan ang pagkukulang sa buhay ng ilan nating mga kababayan. Mas masarap isipin na ikaw ang nakakatulong at nakakapag bigay saya sa ating kapwa. Mas masarap isiping ang pagpapala ng Panginoon ay kaya nating ibahagi sa iba.

Nawa po ay manatili kayo sa aming tabi, at ipagpatuloy pa ang pagtulong sa ating grupo. Tayo po ay laging bukas ang mga palad, para din sa ibang grupo o organisasyon na nais makibahagi sa atin. Dito po sa FilMoDHA, walang ako, o ikaw o siya o sila…Dito po, iisa lamang ang salitang kaya kong ibahagi sa inyo..TAYO…Walang lider, walng member, lahat ay boluntaryong kikilos ng ayon sa sariling kakayahan at kagustuhan.

Muli po, salamat at pagpalain taong lahat ng PANGINOON. Sana po ay lumawak pa ang ating pakikibahagi sa ating kapwa.