You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

OFW sa Israel, nananawagan!

Kuya Robert Beltran Perandos

Alam po nating lahat ang trahedyang dumating sa ating mga kababayan sa Cagayan De Oro at sa Iligan City dulot ng Bagyong Sendong ilang araw bago ang kapaskuhan. Maraming mga buhay ang nasalanta, mga kabahayan at ari arian ang nasira, at ang masakit, marami pa din ang mga nawawalang kaanak ng mga biktima, at mga pamilyang pinipilit na kumapit sa napakaliit na pag-asang muling makikitang buhay ang mga mahal nila.  Isang nakakalunos  na karanasan  at  naka-kakilabot na katotohanang dala ng malupit na trahedya. Ilang panahon pa kaya ang darating upang makaahon sila sa kalagayang ito? At kahit na ano pa, ang sugat sa pagkawala ng hindi lamang iisang miyembro ng kanilang pamilya ay hindi maghihilom, kailan pa man.

Nakakalungkot isipin, na isa sa mga kasamahan nating OFW dito sa Israel ang naapektuhan ng trahedyang ito. Alam kong para sa isang taong nagpapakahirap sa malayo para maisalba ang pamilya, ang karanasang ito ay lubhang napakasakit para sa kanya. Pag ahon mula sa sakit na pagkawala ng ilang miyembro ng pamilya, at muling pagbuo ng mga nasirang pangarap, ito po ang hangad ng ating kababayan. At sa bahagi pong ito ng kanyang buhay, nais po naming ilapit siya sa inyo, para sa isang bukas palad ninyong pagtulong. Narito po ang kanyang kwento:

Siya ay si Roberto Beltran Perandos, alyas Kuya Bert sa taga Haifa, 54 taong gulang, tubong Inopacan,Leyte. Unang nagtrabaho sa Israel noong Oct 01,1991 hanggang June 30,1999. Pagkatapos ng isang taon at kalahati, ini request ng kanyang amo na siya ay pabalikin sa Israel, at mula Dec 01,2000 hanggang sa kasalukuyan, siya pa din ang nagsisilbing tagapag alaga ng kanyang among  si Mr.Rami Brender, na nakatira sa 15/a Pe’er St. Haifa, Israel. Siya ay nananawagan upang mabigyang pansin ang kanilang mga mahigpit na pangangailangan.

Ang malupit na dagok  hatid ng Bagyong Sendong:

Ang bunso niyang anak na Mrs. Junna Louisa Perandos-Moreno, at maybahay ni Leo Moreno Jr. ang nag iisang naligtas sa kanyang pamilya mula sa flashflood na dulot ng Bagyong Sendong, sa Cagayan de Oro City partikular sa Purok Cala-cala,Brgy.Tibasak, CDO. Ang dalawa niyang anak, na lalaki na sina Leo Patrick P. Moreno III, 2 taong gulang at Gabriel Leo P. Moreno, na ilang buwan pa lamang ay parehong natangay ng baha kasama ng kanilang maliit na tahanan.

Ang pangalawa niyang anak, Mariebertt Julle P.Tajonera, bagamat tinangay din ng baha ay pinalad na makaligtas, samantalang ang kanyang asawang si Phillip G. Tajonera at dalawang anak na sina Matthue Robe P. Tajonera, 3 taong gulang at Crislan Rafael P. Tajonera, na halos isang lingo pa lamang na ipinanganak, ay nawawala pa din hanggang ngayon.

Ilang miyembro ng pamilya ang sabay sabay na lumisan. Kay labo na ng pag asang ang ilang nawawala ay matatagpuan pang buhay. Isang panibagong simula para sa kanyang pamilya, kahit na nga ang dating simple at masayang pamilya ay hindi na muling maibabalik sa dati. Samahan po natin siyang maibangon unti unti ang kanyang pamilya. Sa kaunting tulong na ating ipagkakaloob, malaki po ang magiging bahagi nito para sa kanilang pagsisimula.

Bilang isang active OWWA member:

Sa ngayon po ay wala pang linaw ang tugon ng OWWAsa Tel Aviv ng lumapit si Kuya Bert sa ahensya  para sa hinihiling nilang tulong. Maging ang ahensyang ating sinasandalan ay hindi makapagbigay ng positibong sagot sa pangangailangan ng ating kababayan. Ganun din po ang naging sagot ng sangay nito sa kanilang probinsiya ng lumapit ang kanyang pamilya.  Kung kaya’t sa ngayon, ang inaasahan lamang po ni Kuya Bert, ay ang inyong munting pagpapahalaga at pagtulong para sa pagsisimula ng kanyang pamilya.