Mga Pinoy sa Dubai binalaan kontra illegal recruiters sa social media

Share this:

Friends, please disseminate this report by our Senior Correspondent Ms. Rachel Salinel. Marami po tayong mga kababayang nabibiktima at kailangan pa nang mas malawak na pag-unawa na hindi basta-basta ang pag-alis sa Pilipinas at maging OFW.#ABSCBN#TFC#BalitangGlobal

Posted by Milanie Sanchez Regalado on Monday, July 8, 2019

Mga Pinoy sa Dubai binalaan kontra illegal recruiters sa social media By Rachel Salinel
First posted in ABS CBN News

DUBAI – Ibayong pag-iingat ang paalala ng Konsulado ng Pilipinas sa Dubai at Northern Emirates sa mga Pilipino laban sa naglipanang illegal recruiters na gumagamit ng social media para makapanloko.

“Sa social media lang nila na meet ang agent at hindi pa nila kilala ang tunay na pangalan, parang doon lang talaga nila nakilala sa Facebook at sa Messenger. Usually, nakikipag-communicate tapos sa airport na lang sila magkikita kung sino ang mako-contact nila doon,” pagbabahagi ni Sheila Mupas, isang Assistance to National officer ng konsulado.

Ayon kay Mupas, kailangang beripikahin muna ng aplikante sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung legal ang mga nag-recruit o mga ahensiya na nangangako ng trabaho sa kanila. Dapat din aniyang employment visa at hindi visit visa ang gamit papuntang Dubai.

Dagdag ni Mupas, sa 2,085 na natulungan ng konsulado ng nakaraang taon, may 1,300 na silang napauwi sa Pilipinas.

Ang iba ay nalipat sa embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi o na-refer sa Immigration. Karamihan ay mga kasambahay na tumakas sa mga amo at 99 percent doon ay pumasok ng bansa gamit ang visit visa.
 
Ilan sa mga dahilan ng pagtakas ng mga kasambahay ay ang sobrang trabaho, dumanas ng pangaabuso mula sa amo o ahensiya, kinukulong sa agency, hindi pinapakain at ang iba verbally o physically abused.

May ilan din sa mga naabuso na dumating sa bansa gamit ang visit visa at napangakuan ng trabaho bilang tutor o caregivers.

Samantala, abiso naman ni Consul General Paul Raymund Cortes ng Philippine Consulate General (PCG) sa Dubai at Northern Emirates sa mga kababayan na may kaso o may tanong sa mga kasong kinakaharap na lumapit lamang sa konsulado.

“Meron po tayong sistema para mabigyan po kayo ng libreng legal assistance o advice. At kung kinakalingan ng legal retainer ay ipapasa po natin sa abogado kung na-elevate na po ito sa korte. Huwag po kayong mag-alala sa gastusin dahil kung dumaan po kayo ng konsulado libre po itong legal retainer natin,” sabi ni Cortes.

Sa naturang press conference din inihayag ng legal retainer ng konsulado na si Eisa Khalifeh ng Sara Advocates & Legal Consultants na may 200 kaso silang hawak sa ngayon habang mahigit 600 na Pilipino nitong 2018 ang nag-avail ng consultation at advice mula sa kanila. 

Ang libreng legal consultation (by appointment) ay available sa konsulado tuwing Miyerkules mula ala-1 hangang alas-5 ng hapon. Maaring tumawag sa PCG ATN Hotline na +971565015755/565015756 o mag email sa pcgdxb@pcgdubai.ae para dito.

Share this: