You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Filipina sa Saudi, suspek sa pagpatay ng 17 anyos na anak ng amo

December 31, 2011, Riyadh –  isang katulong mula sa Mindanao ay suspek sa pagpatay ng 17 anyos na anak ng kanyang among Saudi.  Sampung taon ng nanilbihan ang nasabing katulong sa naturang amo at ang 17 anyos na biktima ay alaga nya na mula noong grade 1 pa lamang ito. Isang beses lamang nakapagbakasyon sa Pilipinas ang suspek.

May mga kumakalat na balita at larawan ng biktima sa mga arabic forums na ang saksak na tinamo ay nasa likuran. Subalit ayon naman sa sabq.org, isang online na pahayagan sa Saudi; ang saksak ay nasa tiyan at ginawa umano ang krimen habang tulog ang biktima. Sa batas ng Saudi Arabia ang pag-atake ng nakatalikod o ang pag-atake habang natutulog ang biktima ay isang patraydor o “treachery” na maituturing na hiraba o “heinous crime”, na may parusang bitay.

Ayon naman sa pinsan ng suspek na nakausap ng patnubay, mabait naman ang amo ng kanyang pinsan. Sa katunayan,  siya mismo ay tinulongan pa ng amo, noong mayroon syang problema. Maganda din ang pinagsamahan ng mga amo at ng suspek na katulong;  dahilan kaya ayaw umuwi ng kanyang pinsan sa Pilipinas. Napakalapit din umano ng naturang katulong sa biktima. May napansin lang sya umano na pag-babago sa kanyang pinsan(suspek) mula ng nag-umpisa itong nagtabon ng ng mukha at kamay, naging estrikto at palaging galit.

Isang araw pagkatapos ng pangyayari, nakausap din ng patnubay ang driver ng parehong amo. Ang driver ay tiyohin naman ng katulong na suspek. Sinabi ng driver na nasa labas sya ng bahay at inihanda ang sasakyan na gagamitin sana sa paghatid ng 17 anyos (biktima) sa eskwelahan. Nalaman nya lang umano ang pangyayari ng lumabas ang kanilang amo at sinabi sa kanya na nasaksak daw ang anak nito. Ayon naman sa driver, masyadong  malapit sa kanyang pamangkin  ang batang biktima, kaya sya man ay hindi nakakapaniwala na magawang patayin nito ang binata. Araw-araw pa nga daw ay kasama itong kanyang pamangkin sa paghatid ng binata sa eskwelahan. Mabait din daw ang kanilang employer at masyadong malapit din sa kanyang pamangkin. May napansin lamang daw syang kakaiba sa kanyang pamangkin at palagi na daw itong nagtabon ng mukha at kamay, naging irritable at madaling magalit. Sinabi din ng tiyohin na driver na ang kanyang pamangkin ay ayaw umuwi sa Pilipinas kahit anong pakiusap pa ng kanyang mga magulang sa Mindanao. Noong 2003 lang huling nakauwi ang  kanyang pamangkin.  Inimbitahan umano ang driver sa imbestigasyon police station at pinalaya naman daw sya kaagad.

Inaksyonan naman ni Officer Ebraim Zailon ng ATN for Female Cases ng ating embahada  at pinuntahan kaagad ang police station na may hawak ng naturang kaso. Nakausap nya ang police desk officer at nakuha ang pangalan ng investigator.

Noong January 7, 2012, dinampot ang  driver (tiyohin ng suspek na dating nakausap ng patnubay)  at sa kasalukuyan ay nakulong pa ngayon.

Pinuntahan naman kaagad nina Officer Jerome Friaz (ATN for Male Cases ) ang Prosecutor ng Crime Investigation Department para sa kaso ng tiyohing driver at para mairequest na rin na mai-check ang mental state ng suspek na katulong. Sa batas ng Saudi Arabia, hindi maaring mahatulan ng bitay ang isang akusado kung mapatunayan na  may diperensya sya pag-iisip noong nagawa nya ang isang krimen.

Drafted by : Tasio Espiritu