An Open Letter to Sen. Risa Hontiveros – ANONG KASALANAN NG MGA OFW SA ‘YO? BAKIT MO KAMI PINAPAHIRAPAN?

Share this:

From: Patnubay Online Advocacy
Date: Sat, Jan 25, 2020 at 6:51 PM
Subject: Re: An Open Letter to Sen. Risa Hontiveros – ANONG KASALANAN NG MGA OFW SA ‘YO? BAKIT MO KAMI PINAPAHIRAPAN?
To: Risa Hontiveros

Ginagalang na Senadora Risa Hontiveros,

Dalawang linggo na po ang lumipas na binalewala mo ang aming email.

Simple lang naman po ang tanong namin, Bakit mo po isiningit ang migrant workers as Direct Contributors sa Section 4 ng pinagmamalaki mong batas na Universal Health Care Act, na walang konsultasyon sa hanay naming mga OFW?

May dalawang araw pa po kayo para sagutin itong open email bago ito maipublished sa social media at sa website namin. 

Sasagot ka man po o hindi, ito po ay isang open email. Pero para sa patas na laban, hiningi namin ang iyong kasagutan bago kami magpost.

Hindi po kami katulad sa inyo, na basta-basta mo na lang po kaming isiningit sa batas as Direct Contributors na walang konsultasyon sa amin.

Senadora, wala po itong halong poliitka, at huwag ninyong subukan na ipasa ang sisi kay Pangulong Duterte na kesyo dahil siya ang pumirma. 

Hindi alam ng pangulo na hindi kinunsulta ang mga OFW. Ikaw po obligasyon po ninyo bilang mambabatas na konsultahin kaming mga OFW kung gagawa kayo ng batas para sa amin.

Sana po magkaroon na kami ng malinaw na sagot mula sa inyo sa Lunes po, dahil sa Martes po ay kakalat na ito sa social media. 

Maraming salamat at gumagalang po,
Patnubay Advocacy Group
www.patnubay.org

On Sat, Jan 11, 2020 at 8:47 PM Patnubay Online Advocacy wrote:

Ginagalang na Senadora

Salam, ito ay patungkol sa pinagmamalaki mo na Universal Health Care Act na sa Section 4 ay inalagay kaming mga OFW as Direct Contributor.

May mga ipapabasa kami sa yo para matauhan ka sa epekto sa pinagmamalaki mo na batas.

1. Babayaran ng OFW sa Philhealth sa taon 2020 maaring umabot nang 21,600 Pesos

Link: http://patnubay.org/?p=14980

2. Ongoing Reactions of OFW (Check the comments and shares)

Link: https://www.facebook.com/PatnubayOnline/posts/2917795624937359

3. Patnubay Reaction:

Batas na ito at obligado tayong sumunod.

Nagawa ang batas na ito na walang konsultasyon sa ating hanay. Hindi tayo kinonsulta dahil alam naman ng mambabatas na papalag tayo.

Pumalag kasi tayo noon sa 2,400 Pesos lang. Kaya, hindi natin masisisi ang mga mambabatas lalo na at ang balak nila ay pababayarin tayo ng malaking halaga.

Kung maalala ninyo nilalalabanan na natin mula noon pang 2011 ang pagsasabatas na gawing mandatory sa mga OFW ang Philhealth, SSS at PAGIBIG.

Wala na siguro tayong magagawa pa dahil mandatory na daw itong lahat para sa bawat OFW. Kaya maghahanda na lang tayo ng pambayad sa Philhealth, SSS at PAGIBIG taon-taon.

Ipagdarasal natin na hindi mangyayari ang kanilang pinipilit na No Payment No Permit to Travel.

Sa kasalukuyan, magpapasalamat tayo at hindi pinapayagan ng POEA na obligahin magbayad ang isang balik-manggagawa para maka-alis ng bansa.

Dahil kung mangyayari yan, siguradong ganito ang sitwasyon natin:

Anak, hindi muna magbabakasyon si Papa dahil wala pa akong pambayad sa Philhealth, Pagibig at SSS. Pasensya na anak ha.

Anak, pasensya ka na at hindi ko na maibigay ang kahilingan mo at hindi na kita mapapasyal pa dahil pambayad natin sa Philhealth, Pagibig at SSS. Sa bahay na lang tayo anak.

Anak, wala nang trabaho si papa, naexpire ang aking re-entry visa dahil wala akong pambayad sa Philhealth, Pagibig at SSS.

Paglabag yan sa kaparatang pantao ayon Article 13 (Freedom of Movement) ng UN – Universal Declaration of Human Rights. Sana naisip yan ng mga mambabatas at ng mga gustong magpapatupad ng batas bago sila naka-isip na iipitin ang mga OFW sa mga sasapilitan na babayarin.

Sabagay, anong aasahan mo sa kanila, tungkol sa mga OFW? Maaalala lang naman tayo kung eleksyon na. Hindi naman kapakanan natin ang nasa isip nila kundi ang mga boto natin at ng ating mga pamilya.

Pagkatapos ng eleksyon ay kakalimutan na tayo. O di kaya, gagawa sila ng batas na kunwari nakakabuti sa atin pero dagdag pasakit pala.

Kung nagkaroon lang konsultasyon, malalaman sana nila na ang sahod ng isang OFW na nakalagay sa kontrata ay hindi yan ang totoong kita.

Dahil gumagastos din ang mga OFW sa abroad at marami din silang binabayaran lalo na ang mga nandito sa Saudi Arabia na halos lahat ay may mga taxes na pero ang sahod ay hindi lumalaki. Marami din ang maaring maging distressed at walang kasiguradohan ang sahod.

Naintindihan po namin na kailangan ng Philhealth ang dagdag na pundo para pantapal doon sa nawala nilang ilang bilyon pesos. Ganun din sa SSS hindi rin ligtas ang pundo nila sa corruption. At maging ang PAGIBIG.

Kaya, kailangan nila na isingit kaming mga OFW sa batas, para sapilitan kaming pababayarin.

Akala siguro nila na mayaman ang mga OFW dahil ang pinagsasamang remittances namin ay ang tanging nagsasalba sa ekonomiya ng ating bansa na matagal na sanang lugmok dahil sa korapsiyon.

Korapsiyon, sa pangunguna ng mga mambabatas din.

Hindi nila alam na ang bawat padalang pera ng OFW ay may kaakibat na sakripisyo. Marami sa mga OFW ay baon pa sa utang sa kagustohan na mai-angat lamang ang pamumuhay ng kanilang mga pamilya. Marami ang nagtitipid sa pagkain at ano mang bagay para makapagpadala lamang ng sapat sa kanilang pamilya.

Noong 1995, tuwang-tuwa ang mga OFW nang nagkaroon ng batas na RA8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) na nakasaad na exempted sila sa pagbabayad ng tax.

Mabuti pa ang mga mambabatas noon dahil kinikilala nila ang sakripisyo ng mga OFW. Kinilala nila ang malaking nai-ambag ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa. Sa kanila nag-umpisa ang salitang “Bagong Bayani” ang mga OFW.

Hindi na yan naiisip ng mga mambabatas ngayon. Malamang ang nasa isip nila ay, kasalanan ninyo pinili ninyong maging OFW.

Hindi po choice ng mga OFW ang lumisan ng bansa natin para magtratrabaho sa abroad. Kundi, dahil sa kulang ang trabaho sa Pilipinas para sa mga mamamayan. Yan dapat ang unang pagtutuonan ng pansin ng mambabatas.

Sabagay, ang una nilang iniisip ay kung paano makakabawi sa nagastos sa eleksyon at kung paano sila makakapag-ipon ng marami mula sa kaban ng bayan.

Marami ang nagpapayo sa mga OFW na mag-iipon para sa kinabukasan. Paano kami makakapag-ipon kung sa pag-alis pa lamang namin ay may malalaki nang babayaran?

Pantapos

Maganda para sa mga OFW at ng aming mga pamilya, ang may health care pero kung ma-stress o magkakasakit lang kami sa pag-iisip sa malaking bayarin taon-taon, mas mabuti pa ang wala na lang.

Magdasal tayo para sa katahimikan, kapayapaan, at kaunlaran ng lahat ng OFW at ng ating mga pamilya.

Ipagdasal din natin na magkakaron ng pagbabago sa Saligang Batas na wala nang eleksyon para sa mambabatas kundi sila ay pipiliin based sa kanilang credentials at based sa kanilang expertise (science, health, technology, military, good governance etc.). Hindi sa pamamagitan ng halalan na ang pinagbabasehan ay ang kayamanan, kasikatan at kapangyarihan.

Hasbunallahu wa Nimal Wakil!

Drafted by Abu Bakr Espiritu
for PATNUBAY – HAGIT

PAKISAGOT: ANONG KASALANAN NG MGA OFW SA ‘YO SENADORA RISA HONTIVEROS? BAKIT MO KAMI PINAPAHIRAPAN? 

Maraming salamat,
Patnubay Online
www.patnubay.org

Related Links and Articles

Share this: