Patnubay Reacts on IATF’s Deployment Ban of Health Workers

Share this:

IATF, pinipigilan ninyo ang mga health worker (lalo na mga nurse) sa paga-abroad? Heto ang mga puntos na dapat busisiin ninyong mabuti Secretary Duque at Galvez.

  1. Kayo ba ang gumastos sa pag-aaral nila?
  2. Habang nag-aaral sila, nagduty na sila sa mga ospital at klinika kaya pagka-graduate nila ay may work experience na sila.
  3. Nang mag-take sila ng board exam, ilang porsyento lang ba ang pinapapasa ng gobyerno? Karamihan sa kanila ay naka-take 2 o take 3 o mas marami pa.
  4. Yung mga pinalad makapasa sa board, kailangan pa nilang mag-volunteer sa mga hospital o clinic ng 2 taon nang walang sahod.
  5. Ang problema ay kaunti lang ang mga hospital at clinic, kaya napipilitan silang lumapit sa mga backer na kadalasan ay mga politiko o di kaya bumayad ng libu-libong piso sa politiko para maipasok sila sa government hospital.
  6. Marami ang nurses na pasado na sa board pero tambay pa rin dahil walang hospital o clinic na pwede sila makapag volunteer.
  7. Pero ang naka-kumpleto ng 2 taon bilang volunteer, naging regular ba sa hospital? Hindi. Dahil mas gusto ng administrasyon ng ospital ang volunteer lang kasi pwedeng hindi sahuran. Mangilan-ngilan lang ang mga pinalad maging regular.
  8. Pagkatapos ng 2 taon pagbo-volunteer, susubok na silang mag-apply sa mga private hospital o clinic.
  9. Ang problema ay kaunti lang ang mga hospital at clinic.. Ayun, marami ang walang trabaho at matagal na naghihintay may maaplayan. Ang huling option nila? E di mag-abroad!
  10. Dahil sa tindi ng kompetisyon, ang mga pinalad makapagtrabaho sa mga hospital o clinic naman ay sobrang liit naman ang sahod. Kaya, pati sila ay mag-abroad na rin.
  11. Sa paga-apply sa abroad, kailangan nila ng 2 taon na work experience. Hindi kabilang ang naging duty nila noong naga-aral pa sila at wala na ring saysay ang 2 taon na sila ay nag-volunteer.
  12. Kaya nang magkaroon ang iba ng pagkakataon magbakasali naman sa mga bogus na recruitment agency papuntang abroad, sunggab agad kasi kahit yong mga kulang o walang work experience, tinatanggap sila. Ang siste, pagagamitin sila ng mga fake certificate of employment (COE) at maging mga training certificate kuno. Pinaniwala sila ng recruitment agency na hindi sila magkakaproblema sa kanilang magiging employer sa abroad.
  13. Pagdating sa abroad, umayos ang kanilang buhay. Pero yong mga nameke ng COE ay nagkaproblema kamakailan dahil nagkaroon ng batas ang mga bansa na i-verify ang mga dokumentong isinumite ng mga nurse (sa pamamagitan ng ‘Dataflow Company’).
  14. Etong mga problemang nabanggit sa taas, ang pagtuunan ninyo ng pansin at isa-isahin ninyong lutasin. Hindi yong pipigilan ninyong mag-abroad ang mga nurse lalo na yong may mga experience na, dahil pinaghirapan nilang makamit yan.

Ibang klase kayo mag-isip IATF! Simula sa pag-ban sa pagpapauwi ng bangkay ng mga OFW, sa katawa-tawang pagpanukala na motorcycle barrier, facemask, faceshield at social distancing sa loob mismo ng bahay na katagalan ay binago rin kasi lumulubog na kayo sa kahihiyan dahil sa mga puna ng mga netizen at taumbayan.

Ngayon ito namang mga health workers ang pinupuntirya ninyo? Na paghahanap-buhay para sa pamilya nila ang tanging hangad lalo na sa panahon ng pandemya?

Siguro, mas atupagin ninyo ang tamang paglutas sa Covid 19 at hindi yong kahit ano na lang ang bigla ninyong naisip e gusto na ninyo agad matupad at sundin?

Hindi kayo nakakatulong kundi lalo dagdag-pasanin sa ordinaryong mga mamamayan. Pero bakit ang mga pulis at mga politiko na lumabag sa protocol ng Covid 19 ay pinalagpas at deadma lang kayo?

At para sayo Spox Roque, anong sabi mo? Dapat manaig ang nasyonalismo ang mga health workers? Sir, ang NASYONALISMO ay dapat magsimula sa mga elected or non-elected government officials. Simple lang ang gawin nila, HUWAG MAGNAKAW!

Walang mag-aabroad kung may maayos na pamumuhay sa ating bansa. Walang maghihirap kung walang magnanakaw sa ating gobyerno.

Ang pagkaintindi yata ni SPOX Roque sa Nasyonalismo ay magpapakamatay sa gutom ang mga Pilipino. Sana naisip niya, ang OFW ang nagliligitas sa ekonomiya ng bansa. Yan ang Nasyonalismo!

Pangtapos: Malinaw na nakasulat sa Article 13 of the Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na (a) “Everyone has the right to freedom of movement and residence within the borders of each state” at (b) “Everyone has the right to leave any country, including his own, and to return to his country.”

Kasama ang Pilipinas sa unang 48 na bansa na bomoto pabor sa UDHR noong 1948. Kaya, bago sana magbitaw ng salita o magbalangkas o magpanukala ng mga alituntunin patungkol sa migration, dapat inalam muna nina Duque, Galvez at Roque ang international migration law at ang UDHR. Kung hindi ay lisanin na lang ng Pilipinas ang International Organization for Migration o IOM bilang kasapi nito.

Share this: