You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

HANDOG-TULONG sa EMMAUS, from ALAB with LOVE

“You will find, as you look back on your life, that the moments that stand out are the moments when you have done things for others.” – Henry Drummond

Isa itong magandang kasabihan na nagmula kay Henry Drummond, isang manunulat at evangelist na nabuhay sa Scotland noong 1851-1897. Tama nga naman, napakasarap alalahanin ‘yung pagkakataong may nagawa ka para sa iyong kapwa. Maikakawing natin ito sa naging adbokasiya ng isang organisasyon na kilala bilang ALAB o ALYANSA NG LAHING BULAKENYO, na nagsimula lamang na isang munting organisasyon ng mga taga-Bulakan at mga kaibigan nila na nasa Bologna, Italya. Dati’y katulad lamang ng ibang samahan ng mga OFW na nagkaisang magsama-sama para maibsan ang kalungkutan ng pagkakalayo sa mga mahal sa buhay na nasa sariling bayan, pero ngayon ay yumabong bilang isang samahan ng mga Pilipinong nakalaan laging maghandog ng tulong sa mga kababayan.

Muli nilang naisagawa ang isang simpleng paraan ng kawanggawa sa pamamagitan ng pagpapadala ng kaunting handog-tulong sa mga matatandang nakalagak sa EMMAUS House of Apostolate sa baryo ng San Agustin, Malolos, Bulacan. Sa lugar na ito inaalagaan ang mga matatandang wala nang pamilyang makapagmamalasakit sa kanila. Ang Emmaus ay pinamamahalaan sa kasalukuyan ni FR. KC MORAGA, kasama ang mga volunteer co-workers na nangangalaga at nangangasiwa sa pangangailangan ng may 73 matatanda (33 babae at 40 lalaki).

Ang handog-tulong ay nagmula sa fund raising activities ng ALAB-BOLOGNA sa Italya. Ipinadala ito sa pamamagitan ng sea cargo at ipinamahala sa ALAB-MALOLOS ang pakikipag-koordinasyon sa EMMAUS. Nagsagawa din ang ALAB-MALOLOS Core Group, binubuo nila Daye at Raul Martinez, Andrei Aldaba ng Balitang Malolos FB Acct. Group, mga kabataang sina Hydee, Hadji, Djed, Djapi at Djeia, ng kanilang pangangalap ng mga donasyon gaya ng mga damit at pagkain, upang sa gayon ay maisabay ito sa isasagawang paghahandog sa matatanda.

ALAB Malolos and Bologna Relief Operation

Sa kanilang pagtungo duon, halos lahat ay naging emosyonal dahil sa naramdaman nila ang taglay na pangungulila ng mga matatanda sa kanilang mga nawalay na kaanak. Bawat isa ay may taglay na kuwento sa kanilang buhay na nais nilang maibahagi sa grupo. May mga naluluha sa tuwa habang tinatanggap ang mga handog, mayroon ding ninais na mayakap ang mga kabataang nabanggit dahil sa naaalala nila ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilan naman ay nagkasya na lamang sa pagmasid dahil walang pagsidlan ng kaligayahan sa kanilang mga puso. Ayon nga kasi sa kanila, hindi ganoong kadalas na may nadadalaw sa kanila.

Para sa mga kabataang nabanggit sa itaas, isa itong maituturing na magandang karanasan para sa kanila, ang maimulat sila sa pagbabahagi ng pagmamahal sa kapwa at para naman sa mga nagkaloob ng handog-tulong, isa itong magandang halimbawa para sa iba upang dumami pa ang maging mapagbigay at mapaglingkod sa kababayan.

Malugod na pasasalamat ang ipinarating ng EMMAUS House of Apostolate sa ALAB. At mula naman sa samahang ito, basta’t galing sa ALAB, laging with love!

by: SIERRA M. DELA ROSA

ALAB Malolos and Bologna Relief Operation