Feature Story: BIYAHENG -OFW (Italya) Series 1

Share this:

by: Dittz Centeno De Jesus on Saturday, March 10, 2012 at 1:59am ·

“A person needs at intervals to separate from family and companions and go to new places. One must go without familiars in order to be open to influences, to change.”

– Katharine Butler Hathaway

Tunay ngang minsan kailangang lumayo ang isang tao, ang maglakbay, ang magbiyahe, ang mahiwalay sumandali sa kanyang pamilya at mga kaibigan upang maging bukas ang kanyang isipan at kalooban sa mga pagbabago sa lipunan.

Pitong taon na ang nakararaan mula nang lisanin ko ang ating Inang Bayan upang makasama sa bansang Italya ang aking mahal na asawa at nang magkatuwang kami sa pagtataguyod sa kinabukasan ng aming dalawang anak. Inihabilin namin ang mga bata sa aking mga magulang at kapatid dahil sa paniniwala na hindi nila pababayaan ang mga ito at makakaagapay namin sila sa pagpapalaki at paghubog ng mga responsableng mga anak. Iniwan ko rin ang aking mga natitira pa noong mga pansariling pangarap upang harapin ang bagong hamon sa aking kakayahan. Noon, ang nasa isip ko na lamang ay mapaghandaan ang katuparan ng mga hangarin namin para sa aming pamilya . Mayroon pa palang uusbong na misyon para sa akin. At iyun ay ang magbahagi ng mga kuwentong-buhay ng mga kababayan natin dito upang magsilbing inspirasyon at aral sa lahat.

Ang aking mahal na asawa at mga anak

Makalipas ang ilang taon ng paghahanap-buhay at paninirahan sa Italya, nakasalamuha ko na ang marami sa mga kababayan natin mula sa iba’t ibang probinsiya ng ating bansa, bawa’t isa ay may kuwento, may di-pangkaraniwang karanasan , mga pangarap na nais matupad, mga kabiguan at katagumpayan. Ito ang lalamanin ng BIYAHENG OFW…sa bawat paglalakbay ko, mayroon akong ikukuwento mula sa mga Pilipinong nakakatabi ko sa bus, nakakasabay ko sa pagkain sa bar, restaurant at sa McDo, nakakabungguan ko sa supermarket, nakakasalubong ko sa kalye, mga nakakasama ko sa mga pagtitipon, ….lahat sila ay may taglay na kuwento na hindi ko kasasawaang marinig …at yun ang ibabahagi ko sa inyo.

Sisimulan ko ang seryeng ito sa kuwento ng isang Pilipinong domestiko o yaong nagtatrabaho sa Italya bilang isang house help. Dinatnan ko siya dito sa Italya taong 2004. Sa Guglielmo Marconi Airport sa Bologna, Italy kami unang nagkatagpo at sa bawa’t pagkikita namin ay nasusubaybayan ko ang kanyang kuwento. Sa bawa’t paglalahad niya ay nabubuo sa isip ko ang bawa’t yugto ng kanyang buhay. Mahigit dalawang taon na siyang nagtatrabaho dito noon, umuupa ng isang maliit na kuwarto, namumuhay kasama ang iba pang boarders na mga kamag-anak din niya.

Bago siya nakarating dito, dalawang beses din siyang nakapagtrabaho sa bansang Japan, nuong una’y apat na taon kung saan ay TNT siya at nahuli ng immigration kung kaya’t napauwi , ikalawa’y nakabalik pang muli doon at nagtrabaho ng tatlong taon bago sumuko para sa bagong pakikipagsapalaran. Inayos ng kanyang kapatid ang kanyang mga dokumento, noon ay uso pa ang sponsorhip upang makarating dito. Makalipas nga ang kulang ng isang taon, sa kabila ng mga paghihirap na dinanas ng pamilya dulot ng kakapusan sa pang-araw-araw na pangangailangan, nakatuntong siya sa Italya, naipasok bilang isang domestic helper sa tulong na rin ng dalawang kapatid na nauna nang nakarating.

Bagama’t hindi sapat ang kakayahan niya sa pagsasagawa ng mga gawaing-bahay, madali niyang natutuhan ito sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagsisikap. Pinilit niyang maging bihasa sa lengguwaheng Italyano upang higit na maging katanggap-tanggap sa kanyang mga employers. Araw-araw ay panibagong karanasan para sa kaniya na kabaligtaran ng buhay niya sa Pilipinas. Naroon ang masigawan ng mga amo dahil sa nagkakamali siya sa pag-intindi sa mga utos nito. Minsan naman ay halos sumuko ang katawan dahil sa sunud-sunod na oras ng trabaho at mabilisang kain ng tanghalian na kadalasan ay kape at tinapay lamang.

Pagdating pa sa tinutuluyang bahay ay kinakailangang ihanda rin ang hapunan, labhan at plantsahin ang mga damit at magligpit sa kuwarto. Halos hating-gabi na matatapos ang lahat ng gawain at saka pa lamang maiuunat ang kanyang katawan. Kinabukasan ay ganun na naman, magiging maaliwalas lamang ang araw kapag natawagan na niya ang mag-iina niya. Sa kalooban niya, andun ang hangarin na madala din ang mga ito sa bansang Italya at maranasan din ang kakaibang anyo at galaw ng pamumuhay dito. At naging madali nga para sa kanya ang maiayos ang petisyon sa kanyang asawa dahil sa regular niyang trabaho. Natupad nga iyon bagama’t para sa mga anak ay isa itong sakripisyo dahil hindi na sila masusubaybayan ng kanilang ina at maiiwan sila sa kalinga ng mga lolo, lola at tiyahin.

Sa ngayon ay mahigit sampung taon na siya dito, taga-linis pa rin ng mga bahay at opisina. Kahit paano ay nakapagpundar na rin ng konting kabuhayan sa Pilipinas, naibakasyon at naipasyal na rin ang dalawang anak sa iba’t ibang lugar sa Italya, napagtapos na rin sa kolehiyo ang anak na panganay at papasok na rin sa unibersidad ang bunso. Bagama’t pareho silang mag-asawa na narito, lumaki ang kanilang mga anak na matitino at marunong kumilala sa hirap na isinakripisyo ng kanilang mga magulang. Ang kanilang pamumuhay ay kasalukuyan pa ring nasa alanganing kalagayan nguni’t patuloy pa rin ang kanilang pagsisikap na maiangat ito. Buhay pa rin ang hangarin na balang araw ay babalik sila sa Pilipinas upang mabuo muli ang kanilang pamilya at makapamuhay nang masagana at mapayapa.

Tunay ngang makulay ang buhay ng mga OFW…kung magkaminsan ay nabibigo nguni’t patuloy pa rin ang pagsisikap na makabangon. Mayroon din naman na nagsisipagtagumpay at nagsisilbing huwaran at inspirasyon para sa iba. Sa mga nagkakaroon naman ng di-magandang karanasan ,ito naman ang nagsisilbing aral o babala para hindi na maulit pa.

Sa susunod na biyahe ko, ibang kuwento naman ang ilalahad ko. Sana’y nariyan pa rin kayo para maibahagi ko naman ang salaysay nung isang OFW na mahigit dalawampung taon na dito. Abangan ninyo ang kanyang kuwento.

Share this:

About the Author

Dittz de Jesus
i am me, maka-Diyos, makabayan, maaasahan....at present, i am the president of our organization, the ALAB-Bologna or Alyansa ng Lahing Bulakenyo, based here in Bologna, Italy....which aims to promote the culture and tradition of our country and to serve our fellowmen...i am a loving wife to my husband Gene and a caring mother to Hydee and Hadji.