You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Tagalog Poetry: Salamat sa iyong Respeto

Francis Morilao - Qatar

First posted in kwentonikiko.com

Mahirap magbalatkayong masaya,
Lalo na’t hindi ka kapiling sinta;
Sa tuwing gabing nag-iisa,
Mga yakap mo’t paglalambing ang nasa isip sa tuwina.

Pilitin ko mang ipikit itong aking mga mata,
Sa diwa ko’y laging nariyan ka;
Alam mo bang miss na miss na kita?
At palaging laman ng panaginip sa tuwina.

Pahiran ko man itong luha sa umaga,
At piliting ngumiti pagdilat ng mata;
May kurot sa puso kong laging nagpapaalalang,
Pinagsisisihan kong iniwanan kita.

At kung dumating ang panahong tayo’y magkitang muli,
Asahan mong hindi ako magkakamali;
Sisiguraduhin kong ikaw’y mapapangiti,
At muling hahagkan ang iyong mga labi.

Ipipikit muli ang aking mga mata,
Bubuhayin ang inipon kong ala-ala;
Saka babanggitin sa iyo sinta,
Patawad kung nasaktan kita.

Bago ka pa tumugon sa akin,
Agad ako’y mayroong babanggitin;
Salitang inipon nang taimtim
Salamat at nagbalik ka sa akin.

ang tunay at walang hanggang pag-ibig
ay nagsisimula sa wala
hanggang sa pinagbuklod ng respeto sa isa’t isa
respetong nauwi sa pagkagusto
hanggang turuang tumibok ang puso
na mapuno ng pag-ibig,
pag-ibig na hindi panandalian
kundi pangmatagalan
dahil matibay ang haliging
pinagmulan ay respeto,
respeto sa nararamdaman,
respeto sa buong katauhan.

© April 2012 www.kwentonikiko.com