Featured Poem and Video: Mabuti ka aking ina.

Share this:

mula sa sinapupunan’y iyong inaruga
iningatan ako hanggang sa um-uha

sa paglaki ko naging mahigpit ka
inilayo ako sa maling barkada

pagkakamali ko’y iyong pinupuna
pangaral at palo ang sa akin’y tatama

mabubura pa ba ang mga ala-ala
ng pagmamalupit mo noong ako’y bata pa?

bawat patak ng luha ay gumuhit na
na nagpatigas sa puso, mula pagkabata

mga salita mong umukit sa aking puso
tingin sa sarili ko’y walang kwentang tao

sabi nang iba’y ako’y iyong inabuso
nawalan ng respeto sa aking pagkatao

mabuti kang ina, paghanga ng iba
dahil mabuti ka, sa pagkaka alam nila

sino nga ba ako, upang sa iyo ay manghusga
suwail na anak, sa aki’y turing nila

ngayong araw ng mga ina, muli’t muli’y babatiin ka
ipangangalandakang, mabuti kang ina

poot sa puso ko’y kalilimutan na
pati ang luha ko ay kusang ititila
iisipin ko lang na mabuti kang ina
kahit na pag-ibig mo, sa akin ay wala

nais kong malaman mo
na dito sa puso ko
ikaw pa rin ang inay ko
magunaw man ang mundo

sana naman mahalin mo ako
hindi dahil sa mabuti kang tao
kundi dahil sa ako ay anak mo

 Video

Poem and Video by Francis Morilao
http://www.kwentonikiko.com/2011/05/mabuti-ka-aking-ina.html

Share this: