Bihag, Pilipino Ako (Mga Tulang Pangkalayaan ni Ka Kiko Morilao)

Share this:

“Bihag”
by Francis Morilao

‘sang libong taon na ang lumipas
kasarinlang binanggit ng mga pantas
nabago na ang saligang batas
marami pa ring nakikitang butas

isinulat ng mga kulumnista
sa mga kuha ng letratista
ang isinisigaw ng mga aktibista
hinahanap nila ay iisa

malayang pamamahayag
ang sa ati’y namamayagpag
bakit pakiramdam ko’y bihag
hindi ako makapalag

bihag ba ako ng sarili kong multo?
sa kalayaang ninanais ko?
na nauwi sa puro pangako
ng iba’t ibang naupong pangulo

kaibigan ako’y iyong pakinggan
kapayapaan ano sa ‘yo ang kahulugan?
kaming mga nangingibang bayan
may pag asa kaya sa kinabukasan?

Pilipino Ako
by Francis Morilao

magiging matatag akong nakatayo
at iwawagayway ang bandila ko
dahil alam ko sa sarili ko
ako’y isang marangal na Pilipino

anuman ang sabihin ng iba
anuman ang kanilang ihusga
hinding hindi ko ikahihiya
ang Pilipinas ang aking bansa

kung ikaw ay tunay na Pilipino
dapat na ipanalangin mo
ang bansang pinagmulan mo
sa panahong may pagkakagulo

nagkamali man ang iilan
sa kanilang padalos dalos na paraan
hindi ito ang basehan
upang pagka Pilipino ay talikuran

kahit ibang bansa’y tayo’y pinagtatawanan
dapat pa rin na tayo’y magtulungan
ano ang mararating kung tayo’y watak watak
adhikain ay makakamit kapag tayo’y matatag

bakit ka panghihinaan ng loob?
sa mga ganitong pagsubok
kung hindi ka naman kasangkot
sa kanilang mga sigalot

manahimik ka na lang
at ikaw’y manindigan
kaysa sasabihin mo’y
walang katuturan
isa lamang kasiraan
sa Iyong Inang Bayan

tunay ka bang may alam?
o nagdudunung dunungan
sa dami ng iyong kadaingan
pulos pansariling kapakanan

imbes na manalangin
kung sinu sino ang sisisihin
ako sana’y iyong dinggin
sarili mo ay saliksikin
Pilipino ka bang maituturing?

First posted in : www.kwentonikiko.com

Share this: