You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Poetry: I ROBOT

Ako’y isang robot, hindi dapat magdamdam,

Tulad ng isang bakal, ako’y walang pakiramdam,

Ang sakit at pighati, ito’y hindi ko alam,

Pagkat ako’y isang robot, isa lamang nilalang

Ako’y isang robot,  lagi nilang dinidiktahan,

Anuman aking naisin, ako’y walang karapatan,

Ang bawat kilos ko’t galaw, sa aki’y inuutos lamang,

Sapagkat ako’y isang robot, walang sariling isipan.

 

Ako’y isang robot, sa akin’y ang  turing nila,

Hindi dapat na tumulo, o lumuha aking mga mata,

Gawa sa bakal na matibay, lungkot hindi dapat alintana,

Sapagkat ako’y isang robot, tao lamang ang may likha.


Ako’y isang robot na bawal ang magmahal,

Sapagkat walang pusong, nakabaon sa aking katawan,

Damdamin ay hungkag, wala akong pakiramdam,

Dahil ako’y isang robot, walang ibang nalalaman.

Isang bakal na matibay, ang sa akin ay bumubuo,

Kahit na mawasak, nananatiling nakatayo,

Iba’t ibang sandata, katawan ko’y punong puno.

Sa digmaang susuungin, bawal sa akin ang sumuko.

Subalit ang tanong, bakit ako’y nasasaktan,

At ang bawat kirot, tumatagos sa aking laman,

Kahit na nga alam kong ako’y isa lamang nilalang,

Kung ako’y isang robot, bakit ako’y may pakiramdam?

Maraming mithiin, patago kong dinadalangin,

Sa aking pag iisa, paglaya ko’y aking hinihiling,

At kumakawala, sa tanikalang nagbibigkis sa akin,

Sana iba na ang lahat bukas sa aking pag gising.

At sa aking pag iisa, tumutulo  aking mga  luha,

Bumubukal, umaagos, tumatagos, humihiwa,

Sa damdaming nasasaktan, na twina ay nagluluksa,

Ako’y hindi isang robot, na tao lamang ang may likha.

Pilit kong isinisigaw, ako’y hindi kasangkapan,

Hindi likhang mula sa bakal na maari lang paglaruan,

Ako’y isang tao, tulad din ng ibang nilalang,

Hindi isang robot, animo’y walang pakiramdam.

 

Lahat ng pagod at hirap, nakahanda kong tiisin,

Sapagkat ang tangi kong ligaya, kayo ay aking kalingain,

Ngunit di tulad ng isang robot, ako ma’y napapagal din,

Napapagod, nagsasawa, namamanhid aking damdamin.

Sa bawat luhang pumapatak dito sa aking pisngi,

Mensahe ng pusong sumisigaw, ngunit nananatiling bingi,

Tangis ko’y pagmamahal, hiling kayo’y maging mabuti,

Ako’y hindi alipin, upang sa buhay ninyo ay iwaksi.

Damhin ang dalangin at aking pagsusumamo,

Pakinggan ang hinaing nitong aking puso,

Masdan ang lungkot, sa damdami’y tumitimo,

Igawad ang pagmamahal, upang ako’y di sumuko.  

Isang Tula ni :  Marizcelle Puertellano