OFW na namatay, inilibing sa Riyadh na hindi alam ng pamilya sa Pilipinas

Share this:

Noong nakaraang linggo, lumabas sa sabq online arabic news na nagsampa ng kaso ang isang Saudi advocate laban sa Ministry of Heatlh ng Riyadh. Ito ay dahil umano sa pagpalibing ng naturang ahensya sa isang namatay na Pilipino na hindi man lang pinaalam sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Dagdag pa ng advocate na may nakabinbin pang reklamo ang yumaong pinoy laban sa kanyang employer sa Saudi Labor Court.

Ang namamatay na OFW ay nagngangalang Romeo at nagtrabaho bilang mananahi sa inireklamong nyang employer mula noong 1990 hanggang sa 2008. Ipinaglaban ng naturang OFW ang kanyang End of Service Benefits at iba pang financial claims na dapat sana ay ibinigay ng employer sa kanya.

Base sa death records pumanaw si Romeo noong Mayo 10, 2010. Buong akala ng kanyang pamilya na ang bangkay ay nasa morgue lamang. Nagulat na lang umano ang pamilya ni Romeo sa Pilipinas at maging ang kanyang advocate dito nang malamang nailibing na si Romeo noong December 2011 pa, na hindi alam kung sino ang nagbigay ng pahintulot.

Nanalo si Romeo sa mababang korte (Primary Commission) ng Saudi Labor at ang hatol ay dapat magbabayad ang employer ng 83 thousand Saudi Riyals. Pero tumanggi ang employer na magbayad. Sinubukan pa ni Romeo na makipagsundo ng kahit 40 thousand riyals na lamang ang kanyang tatanggapin. Hindi pa rin pumayag ang employer at sa halip na magbayad ay nag-apela pa ito na tinanggap naman ng korte (Higher Commission).

Hindi na naabutan pa ni Romeo na matatapos ang mga hearings sa Higher Commission dahil pumanaw na sya noong 2010 sa edad na 61. Kinuwestiyon ng advocate ang mga dokumento na isinumite ng employer sa korte na may thumbmark umano ni Romeo. Una ay isinumite ang mga dokumento sa Higher Commission kung kailan pumanaw na si Romeo. Pangalawa ay may mga dokumento pang nakasulat sa Arabic na hindi naman maintindihan ni Romeo. Subalit naging limitado na ang galaw ng advocate  sa dahilang wala ng bisa ang kanyang wakala (SPA) dahil patay na si Romeo na nagbigay sa kanya nito.

Hiniling ng advocate sa pamilya ni Romeo sa Pilipinas na kung maari ay magissue sila ng wakala (SPA) sa kanya para maipagpatuloy nyang maipaglaban ang karapatan ng pamilya na makuha ang ESB at iba pang financial claims ni Romeo. Nag-intervene din ang ating embahada para mapatnubayan ang pamilya ni Romeo sa Pilipinas.

Share this: