You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Featured Book: “SINDI NG LAMPARA” (OFW Stories)

Ang ating buhay ay puno ng surpresa. May mga talento tayong natutuklasan sa ating sarili at may mga tao tayong nakikilalang magiging daan upang mapaunlad natin ang regalong ibinigay sa atin.

Dalawang OFW ang pinagtagpo dahil sa kanilang angking talino sa pagsusulat. Nagkakakilala lamang sa facebook sa pamamagitan ng blogs at sabay na nagkaroon kanilang libro na nai-publish ng isang Filipino-American sa US na si Tatay Jobo Elizes.

Si Jovelyn Bayubay Revilla o mas kilala ng kanyang kaibigan bilang Super Inday o Jo ay OFW sa Qatar. Una niyang naisulat ang librong “Masaya Rin, Malungkot Din” tungkol sa mga kuwento ng OFWs sa iba’t ibang sulok lalo na ang mga karanasan ng mga Inday sa Middle East.  Lumabas siya sa TFC Connect sa tema nitong Buhay Abroad ko at Pangarap at siya’y napanood saan mang sulok ng mundo.

Una siyang nakipagsapalaran sa United Arab Emirates at iniwan ang nag-iisang anak sa Pilipinas. Habang naroroon sa UAE, nakaranas siya ng hindi magandang pagtrato ng kanyang amo na ginamit niya bilang inspirasyon sa kanyang pagsusulat ng kuwento. Ngayon, siya’y nakatagpo ng mabubuting amo sa bansang Qatar na sumusuporta sa kanyang pangarap bilang manunulat.

Nakilala rin siya sa kanyang mga kuwelang tula at malulutong na halakhak sa kanyang OTUSA.TV show na “OFW Beso Beso” sa Manny Calpito Show na napapanood sa buong mundo sa pamamagitan ng youtube at facebook.

Si Raquel Delfin Padilla naman o mas kilala sa facebook name na Racz Kelly at pseudonym na ardipee ay dating guro sa Pilipinas bago naging OFW. Naging tutor sa Morocco bago nag-apply bilang caregiver sa Canada. Nagkaroon siya ng librong “Tiis, Sipag at Tiyaga” (OFW Stories) kung saan ikinuwento niya ang kanyang mag karanasan mula pagkabata, buhay OFW at ang kanyang pakikipagsapalaran sa Canada. Nanalo ang aklat na ito bilang “Best Journalism Award” in Book category sa nakaraang Migration Advocacy and Media Awards noong December 2012.

Nai-feature siya sa isang article ng GMA News Online bilang “Pinoy Achiever” at nagkaroon rin siya ng show sa OTUSA.TV na ang tema ay buhay ng mga OFW na kanyang natulungan at nitong darating na ika-25 ng Pebrero ay lalabas naman ang kanyang TV interview sa Canada bilang advocate ng anti-bullying doon.

Si Super Inday at Racz Kelly ay nagsanib puwersa kamakailan upang maghatid ng makatotohanang kuwento ng buhay ng lahat ng mga itinuturing na bayani ng bansa – ang Overseas Filipino Workers.

Ang kanilang aklat na “SINDI NG LAMPARA” (OFW Stories) ay naglalaman ng kanilang pinagsamang akda at ng kanilang mga kaibigan sa Definitely Filipino Bloggers International at Tagpuan ng mga OFW. Layunin ng mga manunulat na ito na sa pamamagitan ng kanilang aklat ay maihatid sa lahat ng mga Pilipino ang buhay ng mga nasa ibayong dagat na maliban sa kanilang kakarampot na buwanang sahod ay naroroon ang kanilang pagtitiis sa homesickness, pagsasakripisyo upang mabigyan ng magandang buhay ang mga naiwan at ang pagtanggap ng hindi magandang trato mula sa kanilang mga amo.

Aktibo rin silang dalawa sa pagtulong sa mga nangangailangan ito man ay mga bata sa Pilipinas, mga nasalanta ng bagyo at mga minaltratong OFWs. Anumang kita ng kanilang libro ay kanilang iniaabot sa mga karapat-dapat abutan ng tulong.

Ang SINDI NG LAMPARA (OFW Stories) ay lalabas na sa mga National Bookstore branches sa buong Pilipinas ngayong darating Marso at sila’y magkakaroon din ng shipping sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nagsisimula na rin sila sa pagsusulat ng ilalaman ng kanilang pangalawang libro na kanilang pagsasamahan- ang SINDI NG LAMPARA book 2. Ang aklat na isusunod sa SINDI NG LAMPARA.

Related Links