You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Featured Story: Kuwento Ng Isang Inday

Kuwento Ng Isang Inday
by Jovelyn Bayubay Revilla

Minsan akong napatingin sa paglubog ng araw sa gitna ng sakahan. Habang ang mga ibon ay nagsiliparan na makahanap ng punong kahoy na madapuan. Ingay ng mga palaka, ang nagsilbing musika sa aking tainga, habang nagmuni-muni sa isang pangarap. Pangrap na sana balang araw, makaahon din kami sa kahirapan. Sa bawat hapyod ko sa sakit ng aking likod at kamay na naninigas ang putik sa balat. Damit na basahan; punit at may butas, araw-araw ito ang sout kong uniform, sa kada lublub ko sa putikan sa palayan. Minsan akong mapatingala sa kalangitan, sabay pahid sa nag-uunahang pawis sa mukha. At ang linyang namutawi sa aking labi at isipan:

“Balang araw matutupad din ang pangarap ko!”

Sa bawat paglipad ng aking imahinasyon salitang: “ABROAD,” ito ang sigaw nang puso ko! Pangarap na gusto kong marating ang mga bansa na laging laman ng panaginip ko. Panaginip na pinagtawanan ng aking pamilya at mga kakilala, dahil sobrang ambisyosa ang isang tulad ko.

Naging hamon sa akin ang salita nila, kaya pinatunayan ko at sinunod ang pintig ng aking damdamin. December 17, 2004 UAE, DUBAI; ang unang bansang napuntahan ko, bansa na una kong naapakan nang aking kinalyong paa, bilang baguhang OFW na Domestic Helper. At sa bansang UAE naranasan ang sobrang hirap at pangungulila sa aking pamilyang naiwan. Hirap dahil trabaho na walang katapusan, at bilanggo ang kalayaan. Akala ko dati pagnakawala na ako sa init ng sakahan, at dito na sa abroad ay maging ok na? Pero, mali pala ang akala ko. Dahil kung sa sakahan ay malaya ako na lakbayin ang bawat aplaya, dito sa banyagang tahanan ay may kandado ang gintong pintuan nila. Takot kasi sila na makawala ang bihag na ibong Pugo, sa pamamahay nila. Pero, ang bilanggong kalayaan na iyan ay natiis ko ng; limang taon at apat na buwan at sampung araw. Pero, pangarap ko ay di nabigyan ng katuparan dahil isa ako, sa milyong OFW na di nagtagumpay sa unang pakipagsasapalaran.

Sa unang pagbagsak ko sa kabiguan sa una kong paglipad? Ay di pa rin ako sumuko. Dahil muli kong ikinampay ang aking mga pakpak, sa pangalawa kong paglipad para sa bago namang pakipagsasapalaran sa banyagang lupa. Muli andun naman ang mga panlalait ng madla! Dahil ito naman nangarap ng gising ang isang tulad ko. At ang tangi kong sagot sa mga tawa nila ay:

“Pagtawanan man ninyo ako, magtatagumpay ako pagbalik ko!”

Linya na aking ikinintal sa aking puso at isipan. Kaya, dito sa pangalawang bansang arabyano; Doha, Qatar. Bansa na naransan ko ang mapagbuhatan ng kamay, sa isang bruhang amo! Bansa na naranasan ko ang muramihin ng wagas sa kapwa ko kalahing Pilipina. Dahil bingi at nagbulagbulagan ito sa hinaing ko sa abusado kong unang amo! Pero, taliwas sa lahat ng aking paghihirap ko. Ang bansang ito ay ang nagbigay katuparan, sa lahat ng pangarap ko sa buhay.
Ito ngayon ang isang Inday; nakatagpo ng isang amo na may busilak ang puso at sumusuporta sa mga adhikain ko. Isang simpleng Inday na pinagtawanan ng marami, dahil sa trabaho na pagiging tsimay at ayos na walang porma. Isang Inday na hawak lagi ang; pamunas, mop, vacuum at plansa. Pero, isang Inday na kahit sa kabisihan ay nagawa pang igalaw ang pluma at imarka ang tinta! Para makasulat ng mga makabuluhang kuwento na hango sa karanasan ng buhay OFW.Tama, dito sa bansang Qatar nakilala ang simpleng probinsyana sa facebook, na nakalikha ng dalawang libro para sa mga OFW at sa mga pamilya na naiwan na pahalagahan man lang sana ang mga mahal nila sa buhay dito sa banyagang lupa. Sino nga ba ang mag-aakala na ang batang bitbit lagi ay bolo at puno ng putik ang yapis na mukha at katawan, ay ito ngayon isang Domestic Helper na manunulat dito sa dayuhang bansa.

Kuwento ng isang Inday na nagsimula sa isang pakipagsapalaran dito sa banyagang lupa at buhay maralita. Storya ng isang Inday na minsang pinagtawanan at nilalait ng ilan, na ngayon ay nagbibigay ngiti sa kapwa OFW sa mga kwento na likha ko. At bilang patunay dalawang OFW books ay may pangalang Jovelyn Bayubay Revilla:

Masaya Din, Malungkot Din Karanasan Ng OFW nasa www.amazon.com

Sindi Ng Lampara OFW Story: Ay librong pang OFW namin ni Raquel Delfin Padilla aka Racz Kelly ng Canada co-author ko sa librong ito. Kung bakit SINDI NG LAMPARA ang naging pamagat? Ito ay maging isang inspirasyon sa bawat OFW. Na sa bawat pagkawala ng iyong pangarap? Ay p’wedi pa muling ilawan ang lampara ng buhay, na muli kang babangon sa isang masaklap na pagkapada at taas noo kang tatayo, at muling ihakbang ang mga paa tungo sa isang buhay na may liwanag na bukas.

Walang sino man na kayang kantahin ang iyong kanta, walang sino man na kayang isayaw ang iyong sayaw, at walang sino man na kayang isulat ang iyong kuwento! Dahil sa buhay mo ikaw lang ang bida at director nito.

 

Si Jovelyn Bayubay Revilla ay OFW mula sa Qatar. Kilala siya sa pagsusulat ng kwento ng buhay ng OFW. Nagkaroon siya ng aklat na “Masaya Din Malungkot Din” na nailathala sa US. Co-author siya sa papalabas na aklat na Sindi Ng Lampara sa National Bookstore sa March 2013. Isa rin siyang anchor ng otusa.tv OFW Beso Beso.