You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Isang Minutong Smile Project ng mga OFWs sa Israel

Isang Minutong Smile Day na naman. Ilang mga kabataan na naman ang masisilayan ang matatamis na ngiti sa kanilang mga labi. Noong una, binabasa ko lamang sa blogsite ng aking kaibigan ang tungkol sa proyektong ito. Nakakagaan ng damdamin ang malaman na may ibang mga tao na nagmamalasakit at tumutulong sa mga kabataang kapuspalad. Matagal ko na ding gustong maging bahagi ng ganitong gawain, pero hindi ko alam kung paano magsisimula. Kaya ayun, nagkakasya na lang ako sa pagbabasa at paghihintay ng pagkakataong makatulong din sa iba.

At eto na nga, sa ilang beses na pag uusap namin ng mismong author at founder ng Isang Minutong Smile Project, ay nabigyan ako ng pagkakataong gawin ang matagal ko ng inaasam, ang maghatid ng ngiti sa mga batang tila ba nalimutan na ng tadhana. Noong una ay inisip ko lamang na magbigay ng kaunting halaga na manggagaling sa aking sariling bulsa. Pero ng lumaon ay napagpasyahan kong palawakin pa ang kampanya, para na din sa ilang mga kababayang nais ding ibahagi ang mga pagpapalang natatanggap nila.

Sa pamamagitan ng grupong Fil Mo DHA, o Filipino Modern Day Heroes Association, na nagsimula sa Facebook, natipon ko pa ang iba’t ibang grupo na handang tumulong sa kanilang kapwa. Ilan sa mga sumuporta sa proyekto ni Lord CM ay ang Jerusalem Filipino Community, ilang miyembro ng CFC Tel Aviv, at FOWWA Haifa, ganun din ang ilang malalapit na kaibigan na hindi nagdalawang isip ng ako ay lumapit sa kanila. Sa sama sama naming pagbabahagi  ng aming sarili, nakalikom kami ng sapat na halaga upang mairaos ang Feeding Program sa mismong anibersaryo ng Isang Minutong Smile Project. Haaaaayyyy..kay sarap sa pakiramdam ng minsan, malaman mong ikaw ay bahagi at naging dahilan ng pag ngiti ng mga batang ito.

Sa aking isip ay naglalaro ang imahe ng mga batang masaya habang nagsasalu salo sa simple ngunit sapat na pagkain na inilaan para sa kanila. Mga ngiti na nagsasaad ng pag asa, na sa kabila ng kanilang kalagayan, may iba pang taong sa kanila ay kumakalinga. Mga ngiti na nagbibigay ng pansamantalang ligaya sa aba nilang katayuan sa buhay. Kahit saglit lang, kahit isang minuto lang, na ang sakit at pait ng buhay ay kanilang makaligtaan. Habang naiisip ko sila, hindi ko mapigilan ang mapaluha sa awa, subalit ito pa lamang ang aking magagawa, ang maglaan ng pansamatalang lunas sa kanilang kahirapan. Ganun pa man, alam ko at umaasa ako na darating ang araw at dadami pa ang mga taong susuporta at tutulong sa kanila hanggang sa tuluyan na silang makaahon sa kahirapan.

Naganap ang Feeding Program sa mismong araw kung kailan ipinagdiriwang ang SMILE Day, December 8, 2011, sa isang school kung saan, si Mr. Charlie Montemayor, isang OFW sa Palau, ang may akda at founder ng ISANG MINUTONG SMILE, ang kanyang mga kapatid at ang dalawa niyang anak ay nag-aral ng elementarya, sa Nellie E. Brown Elementary School, West Bajac-Bajac Olongapo City.

Sa tulong ng Fil Mo DHA o Filipino Modern Day Heroes Association, at sa pagbibigay oportunidad ni Kagawad Melissa Carabeo ng Baranggay West Bajac-Bajac na makatulong ang Isang Minutong SMILE sa proyektong ito, naging matagumpay ang unang Feeding Program sa nasabing paaralan.