You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Wala Iyan sa Super Nanay Ko!

Wala Iyan sa Super Nanay Ko!

My mother is the world’s best Mom! Iyan ang madalas kong marinig mula sa mga kakilala ko. Pero kung iisa-isahin ko marahil ang mga nagawa ng nanay ko, sasabihin ko sa kanilang “wala iyan sa nanay ko!”

Tarcela Delfin ang pangalan ng aking inay. Bunso siya sa limang magkakapatid. Grade 6 lamang ang natapos niya dahil hindi siya pinag-aral ng mga lolo at lola ko. Naniniwala silang ang babae ay dapat na nasa tahanan lamang kapag ito’y nag-asawa na.

Sa edad na kinse, nangamuhan si nanay sa aming bayan sa Capiz at nang kalaunan ay lumuwas naman ng Maynila. Doon niya nakilala ng aking ama na itinanan siya sa edad na bente dos (ayon sa kuwento, may ilang babaeng naghahabol kay tatay at muntik na siyang i-shotgun wedding

Anim kaming bunga ng kanilang pagmamahalan – dalawang lalaki at apat na babae. Ako ang pang-apat.

Dahil sa pareho silang hindi nakatapos ng pag-aaral ni tatay (na grade 4 lang ang naabot), naging mahirap para sa kanila na buhayin kaming anim na magkakapatid. Tanging pag-aararo sa lupang hindi naman namin pagmamay-ari ang naging gawain ni tatay na sapat na kung may maiuwing isang kilong bigas o kaya’y ulam na bigay ng lupang kanyang sinasaka. Uso kasi sa probinsiya ang bayanihan kaya hindi uso ang sahod.

Si naging kabuhayan ni nanay ay ang pagtitinda ng gulay sa iba’t ibang bayan ng Capiz. Kahit papaano’y nakaraos kami sa pang-araw-araw dahil marami namang mapagkukuhanan ng pagkain sa bundok. Mayroong kamoteng kahoy, mais, ube at solved na kami minsan sa pangunguha ng suso sa ilog. Hindi uso sa amin ang karneng sahog sa gulay. Ang ate ko nga, naging paboritong iulam ang tutong sa kanin

Nagbago ang lahat nang namatay si tatay sa sakit na kanser noong unang taon ko sa hayskul. Kailangang gumawa ng isang malaking desisyon upang kami ay hindi matigil sa pag-aaral.

Sa Bulacan kami napadpad sa tulong ng kapatid ni tatay. Doon niya kami pinagsimulang muli sa pamamagitan ng pagpapatira sa isang maliit na kuwarto ng kanyang bahay. Doon kami nagsisiksikang mag-iina. Ang dalawang nakatatandang kapatid namin noon ay naging katuwang niya sa pang-araw-araw naming gastusin.

Factory worker sa tahian ang una niyang naging trabaho. Sa halagang 10 cents sa bawat short or brief na natatanggalan niya ng himulmol ay hindi kami nahinto sa pag-aaral.

Sumunod na naging kabuhayan niya ay ang pagtatrabaho naman sa bihunan. Magagandang klase ng bihon ang inilalagay nila sa plastic at ang durug-durog ay kanilang iniipon upang itinda naman sa bangketa. Mula Bulacan, dinadala ni nanay sa Commonwealth Quezon City ang mga naibalot na bihon. At dahil hindi naman siya nagbabayad ng puwesto, isa siya sa illegal na tindera na nakikipaghabulan sa mga pulis doon.

Ang sa tingin kong pinakamahirap na naging trabaho niya ay ang pagiging janitress sa isang private school sa amin. Maliban sa pagwawalis ng mga silid-aralan sa ilang palapag na gusali ng eskuwelahang iyon ay naging tagalinis siya ng mga banyo.

Sa ilang daang estudyante na gumagamit noon, naging mahirap para sa nanay ko ang ilang beses na paglilinis nito sa loob ng isang araw. Ang ilang mag-aaral ay wala naman pakialam sa paggamit nito. May maririnig pa raw siyang komento na “trabaho niya ang maglinis kaya kung walang dumi, wala rin siyang lilinisin”. Sa suweldong dalawang libo kada buwan, nagtiis ang nanay ko sapagkat nakapasok ang aking dalawang nakababatang kapatid sa pribadong eskuwelahan na iyon at kalahati lamang ang matrikulang kanilang binayaran.

Ilang taon rin siyang tagalinis ng paaralang iyon hanggang sa kinuha siyang tagaluto sa canteen. Dito, gumaan ang kanyang trabaho at bonus pa ang mga ulam na hindi nauubos na kanyang iniuuwi sa amin.

Nakarating ako sa abroad at dito na tumigil si nanay sa pagtatrabaho sa canteen. Ang ate ko noon ay nagtatrabaho pa rin bilang kasambahay at ang kuya ko naman ay nakapag-asawa na. Nakatapos na rin ang pangatlo kong kuya noon at tumutulong na rin sa mga gastusin sa bahay.

Sabi nga nila, kapag sanay sa trabaho ay hindi masayang nakatunganga sa bahay kaya naman ang aming napabait na ina ay parang sinisilaban ang puwit na makaalis lagi ng bahay. Naging tindera ng balut at chicharon sa gabi, mais tuwing araw at tagahatid at tagasundo ng mga apo sa eskuwelahan.

Exercise raw niya ang mga ito dahil sa sakit niyang diabetes.

Maliban sa kanyang napakaraming sakripisyo, nagabayan niya pa rin kaming mga anak niya. Marami ang makapagpatunay na hindi lamang siya nanay sa amin kundi bestfriend din namin. Isa lang madalas ang dahilan ng aming sagutan. Ito ay pinoproblema niya ang ibang tao o ibang kamag-anak na hindi naman kami kilala noong panahong walang-wala kami. Ginagawa siyang guarantor sa utang at hinihiraman ng pera dahil abroad naman daw ang mga anak niya. Kahit kamag-anak na huling nakausap niya may twenty years na ang nakalilipas ay kinontak siya at wala raw ibang malapitan.

Kapag siya’y aming pinagsasabihan, madalas niyang sabihin na maging matulungin daw kami na siya naman naming nagagawa subalit kahit ang pambili na niya ng gamot sa diabetes o kaya’y panggastos sa pang-araw-araw ay nagagalaw niya kapag may lumapit na ibang tao.

Kaming anim na magkakapatid na pinalaki ni nanay nang maayos ay nagpapasalamat na may isang tulad niya na ginagabayan kami hanggang sa ngayon kahit kami ay may mga sapat na gulang na. Ang panganay naming kuya pa lamang ang may pamilya sa amin. Ang ate ko na 35 years old na na dating OFW ay kanyang kasa-kasama sa ngayon. Ang sumunod kong kuya, malapit nang maging pari dahil pagkatapos niyang magturo ng ilang taon ay mayroon daw siyang calling upang maglingkod sa Diyos. Ako, naririto sa Canada pagkatapos ng isang taon sa pagtuturo at patuloy na naghahangad ng magandang buhay para sa aming dakilang ina. Ang sumunod sa akin na nakatapos din ng kursong edukasyon ay isang OFW rin sa Hongkong na kung papalarin ay makararating din dito sa Canada pagdating ng panahon. At ang bunso namin ay isang empleyado ng food chain sa Pilipinas dahil siya ay nakatapos ng kursong Hotel and Restaurant Services.

Alam kong kahit anong gawin o ibili namin para sa kanya ay hindi pa rin sapat sa lahat ng sakripisyong kanyang ginawa. Kahit na siguro kaming lahat ay magkapamilya na, hindi pa rin namin matutumbasan o mapapantayan ang kanyang nagawa para sa amin.

Hindi lamang tuwing Mother’s Day dapat pinahahalagahan ang ating mga ina dahil hindi lamang isang araw sa isang taon niya tayo minamahal kundi bawat segundo sa kanilang buhay.

_____________


Si Raquel Delfin Padilla ay kilalang Racz Kelly at ardipee sa kanyang pagsusulat ng buhay OFW. Isa siyang caregiver sa Canada at Siya ang isa sa co-author ng librong “Sindi ng Lampara” na lalabas sa National Bookstore sa Marso 2013.

Siya ay nagkaroon ng kauna-unahang libro na Tiis, Sipag at Tiyaga na pinarangalan ng Commission on Filipinos Overseas ng Office of the President bilang best book sa nakaraang 2012 Migration Advocacy and Media Awards.