Essay: Kailan ka lalaya Kaibigan?

Share this:

Isang liham para sa OFW na walang nakikita, kahit dilat ang mga mata.

Ako’y nakatanaw. Pinagmamasdan ang bawat kilos mo’t galaw. Hindi ka mapakali, tuwang tuwang habang binibilang mo sa iyong mga palad ang salaping iyong pinaghirapan. Malamang sa isip ko, tuwang tuwa ang pamilya mong lagi nang nag aabang ng iyong padalang pinaghirapan. Yan ang bunga ng mga gabi ng pagluha dahil sa pag iisa at pangungulila sa iyong mga mahal. Yan ang bunga ng mga araw na ikaw halos ay walang pahinga sa pagtatrabahong kahit yata ang kalabaw ay hindi kakayaning tagalan. Pero dahil ikaw ay bayani, lahat ay kaya mong lampasan. Ito, ang lakas at kapangyarihan na ipinagkakaloob ng iyong pagmamahal. Tulad ng marami nating mga kababayan, ang lagi kong naririnig sa iyong bibig ay ang mga katagang…”Ang mahalaga, maayos ang kalagayan ng aking pamilya. At kung masaya sila, masaya na din ako.” Ahhhh…tunay kang bayani kaibigan.

Sa aking pagmamasid, ikaw ay isang huwaran. Subalit aking nababanaag ang kawalan mo ng interes sa iyong kapaligiran. Ni hindi mo alam ang nangyayari sa iyong paligid, sa iyong bansa, sa iyong kapwa. Ni hindi mo alam kung paanong lumilipas ang bawat araw, dahil sa iyong mga “pagsisikap.” Kay raming beses na ako ay lumapit sa iyo at inalok kang maging bahagi ng aming samahan. Samahan na magtataguyod ng iyong karapatan, at ganun din upang makatulong kang proteksyunan ang ibang kababayan. Subalit nanatili kang bingi sa panawagan. Ang buhay mo ay nakasentro sa iyong sarili, at sa iyong pamilya. Ang iyong computer ay ginagamit mo lamang na panlibangan, at para sa pakikipag ugnayan sa iyong mga mahal sa buhay. Ahhhh…sayang, mas marami pang kapaki pakinabang na bagay ang kayang ibigay sa iyo ng computer na nasa iyong kamay.

Lumipas ang maraming panahon, huli na ng mapansin mo ang paglipas ng mga taon. Ngayon, gustuhin mo mang ipagpatuloy ang pagiging bayani sa mata ng iyong pamilya, ang iyong katawan naman ay tila ba sumusuko na. Sa mahabang panahon ang pagtatrabaho ng mabigat, sa mga panahong hindi mo ininda ang iyong mga pagkakasakit, sa mga panahong pinabayaan mo ang iyong katawan, ngayon, unti unti ka ng iginugupo ng iyong karamdaman. At ang masakit pa, ang mga ahensya at organisasyong nais kang kalingain noon, at nais kang maging bahagi ng munting samahan, ay iyong tinalikuran. Ikinulong mo ang iyong sarili sa kawalan. Hindi mo alam kung ang iyong buhay ay may patutunguhan. Mahina na ang iyong katawan, wala ka ding naipundar, sa sobrang pagmamahal mo sa kanila ay inubos mo ang iyong mga kinita, na walang awa nilang nilustay.

Ngayon, wala kang matakbuhan. Naghahanap ka ng masisilungan ngunit wala kang matagpuan. Nagpapatianod ka na lamang sa agos ng pangkasuluyan mong buhay. Habang patuloy kang inaaboso ng amo mong dayuhan, at niyuyurakan ang iyong dangal dahil alam niyang wala kang laban, habang patuloy na tinatalikuran ng gobyerno ang kanilang tungkulin, dahil hindi mo alam kung paano mo mapoprotektahan ang iyong karapatan, ay patuloy ka din binabawian ng kalusugan.

Naawa ako sa iyo kaibigan. Ako’y naging piping saksi sa nakaraan mong buhay. Nauunawaan ko angiyong mithiin, at ang pagnanais ng magandang buhay para sa iyong mga mahal. Pero bakit mo pinabayaan ang sarili mong kapakanan? Karapatan mo ding pangalagaan angiyong sarili at ang iyong kapaligiran. Bakit mo ito tinalikuran? Nakapanghihinayang, ikaway biktima ng sarili mong kasalanan. Ilan pa kayaang tulad mong ganyan? Walang pakialam sakapwa at paligidna ginagalawan. Nakabilanggo sa rehas ng kamangmangan. Ang lagi kong tanong sa iyo noon…Kailan ka lalaya kaibigan, sa tanikalang nagbibigkis saiyongmga kamay? Huli na kaibigan. Magsisi ka man, hindi mo na maibabalik ang nakaraan..Sayang..sayang…

Share this:

About the Author

Reina Emotera
I am a simple loving person, a true friend, a dreamer. I hate politics and its system, but I admire people who render service without expecting for anything in return. I always believe that life is too short, and so we have to live our life to the fullest; and that only a life lived for others is a life worthwhile, so here I am living me life to the fullest.....by making it worth living. :) Future Plan: Soon to relocate to Canada Present: Work: OFW, Caregiver Location: Israel Previous: Work: Secondary School Teacher Part Time College Instructor Location: Quezon Province