You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Featured Tula: Ang Tula Ni Kabayan

Ang Tula Ni Kabayan
ni Jovelyn Bayubay Revilla

Sa payak na pamumuhay sa bayan
Pagsasaka, pangingisda, pamamasada
Pagtitinda, pananahi, at paglalabada
Tahanan puno ng tawanan
Butil ng luha ni Bunso’y inagawan ng laruan
Pag-aaral ng aking mga anak dapat matustusan
Sa bawat hakbang paa ko’y naputikan
Tinik sa dibdib nakabaon sa kaibuturan
Paalam pamilya, paalam inang bayan

Sa mabuhanging bansa
Abot tanaw ang kalbong disyerto
Kuyom na kamao dito ako magbabanat buto
Bagong pag-asa ito ang kabanata ng buhay na malayo
Talinong taglay dayuhayang bansa ang makinabang ng aking serbisyo
Kapilit ng riyal,dinar,dirham at dolyar pamilya para sa inyo ito
Sumang-ayon ang kapalaran sa pangarap ko

Sa pagsapit ng dilim
Kadilimang malagim
Isang panaginip na kay lalim
Pangyayari na kulimlim
Kasabay ng ulap na maitim

Dito sa malamig na selda
Biglang naglaho ang isang bukas na kabanata
Mga pangarap nauwi sa wala
Agilang may tali na sa paa
Sa kasalanang hindi ko sinadya
Dasal ang tanging kong pag-asa
Na maging kalapati akong malaya

Sa pagbukas ng bakal na pinto
Bagong liwanag, bagong pag-asa
Kahit kabiguan ang dala ko
Haharap akong matatag na tao

Note: Handog ko ito sa isang kong kaibigan nasa kulangan ngayon. Kung mabasa mo man ito para sayo ito dahil naging parte ka ng buhay ko dito sa bansang Qatar.