Unsolicited Advice para kay Kabayan na Nagpa-viral video dahil naakusahang nagnakaw ng Sampung Libong Saudi Riyals

Share this:

Unsolicited Advice para kay Kabayan na Nagpa-viral video dahil naakusahang nagnakaw ng Sampung Libong Saudi Riyals

Isang video posting sa personal account ng isang kabayan sa FB na humihingi ng tulong para mabayaran ang nag-akusa sa kanya na ibang lahi ng pagnanakaw. Nag-viral ang nasabing FB posting.

Sa kanyang post, sinabi nya na may pending police case sa Olaya Police Station. At para matapos na umano ang lahat at hindi na siya madala pa sa Prosecutor’s Office ay nag-desisyon siya na bayaran na lang ang nag-aakusa sa kanya.

Sa kanyang post, pinangalanan nya ang nag-aakusa sa kanya, pati na ang propesyon nito, at kung ano ang nationality. Malinaw na ang kanyang post ay nakatuon sa isang specific na tao.

Nanawagan din sya ng mga donors para tumulong sa kanya na mabuo ang halaga na ibabayad nya sa nag-aakusa sa kanya.

May tatlong punto lang tayong nais maiparating kay kabayan. Hindi kasi tayo makapagcomment or makapagmessage sa kanyang FB Account. Naglike sya sa Patnubay noong June 19, 2019 pero wala naman syang private message sa Patnubay.

Unang Punto: Tama ba na magbabayad sya?

Sa kaso na theft (sariqa) kung GUILTY ang hatol, ang parusa na ipapataw ng judge ay naka-base sa dalawang (2) ASPECT ng kaso.

  1. PUBLIC ACTION – para sa kasalanang nagawa laban sa batas. Ang kadalasang hatol para dito ay kulong at palo (lashes)
  2. PRIVATE RIGHT OF ACTION – para sa kasalanang nagawa laban sa biktima. Ang kadalasan na hatol para dito ay pera bilang kabayaran kung ano man ang claims ng biktima (for material and/or moral damages).

Ang judgement ng court para sa dalawang ASPECT ay laging pareho. Kung ang judgement sa PUBLIC ACTION ay GUILTY, sa PRIVATE RIGHT OF ACTION ay GUILTY din..

Halimbawa sa kaso na theft –

Kung GUILTY, may parusa na kulong at palo (for PUBLIC ACTION) at babayaran nya ang kanyang biktima (for PRIVATE RIGHT OF ACTION).

Kung INNOCENT naman, walang kulong at walang palo (for PUBLIC ACTION) at walang babayaran sa nag-aakusa (for PRIVATE RIGHT OF ACTION).

Kaya kung ikaw ay walang kasalanan, ilaban mo na hindi ka makulong. Ilaban mo na hindi ka mapapalo. Ilaban mo na wala kang babayaran.

Maraming nagtagal sa kulongan o nakalabas man pero hindi makakauwi sa Pilipinas dahil may malaking halaga na dapat niyang babayaran sa nag-aakusa (PRIVATE RIGHT OF ACTION).

Dahil sa mali nilang akala na kung mabuo na ang sentensya na kulong at palo ay makakauwi na sya ng Pilipinas at wala na syang babayaran sa nag-aakusa sa kanya.

Mali, dahil yong kulong at palo ay para sa PUBLIC ACTION lamang. Hindi sya makakauwi ng Pilipinas dahil mayroon pang private rights na dapat niyang bayaran.

Marami din ang nahatulan ng kulong at palo dahil nagbayad sa nag-akusa sa kanila, sa pag-aakala na kung mabayaran ang nag-akusa ay makakansela na ang kaso.

Mali. Ang makakansela lamang kung magbabayad ay yong PRIVATE RIGHT OF ACTION. Pero ang PUBLIC ACTION ay hindi. Mayroon pa siyang pananagutan sa kasalanang ginawa laban sa batas. Ang pagnanakaw ay kasalanan sa batas.

Kaya, huwag magbayad o kahit mag-offer ng bayad sa nag-aakusa sayo dahil magagamit itong ebidensya laban sa iyo lalo na kung may police case na.

Kahit nakatanggap na ng bayad ang nag-aakusa, at inurong na nya ang reklamo, at wala na syang interest sa case; ang masasara ay yong PRIVATE RIGHT OF ACTION lamang. Ang PUBLIC ACTION ay magpapatuloy.

Ang police ay tagapagpatupad ng batas kaya itutuloy nya ang PUBLIC ACTION. Sisiguruhin ng police na tama ang kanyang report. Kung nagbayad ang inakusahan sa nag-aakusa sa kanya, hindi magdadalawang isip ang police sa kanyang report na GUILTY ang inakusahan.

Pagdating naman sa prosecutor, kung malaman niya na nagbayad na ang inakusahan, sigurado na siya sa kulong at palo na irekomenda nya sa court.

Pagdating sa court, kung mababasa ng judge na nagbayad na, sigurado na susundin ng judge ang recommendation ng prosecutor na parusang kulong at palo.

Dahil ang mindset dito, kung wala kang kasalanan hindi ka dapat magbabayad, gaano man kaliit ang halaga. Huwag magbayad dahil ito ay nagpapahiwatig na inamin mo ang pagnanakaw.

Uulitin ko, kung ikaw ay inakusahan ng theft (sariqa) at wala kang kasalanan, ilaban mo na hindi ka makukulong. Ilaban mo na hindi ka mapapalo. Ilaban mo na wala kang babayaran.

Side Note: Iba ang kaso na theft sa utang. Ang utang ay PRIVATE RIGHT OF ACTION lamang at walang PUBLIC ACTION. Kaya kung ang utang ay nabayaran, closed na ang kaso.

Pangalawang Punto: Tama ba ang paggawa ng fund raising or pagsolicit ng donation sa social media?

Ang fundraising o pagsolicit ng donation ay walang kaibahan yan sa pag-offer ng bayad. Magagamit itong ebidensya laban sa inakusahan.

Dapat din malaman ni Kabayan na may batas na sinusunod sa fund raising or donation campaign sa Kaharian. Dapat mayroon itong permit. Dapat mayroon lehitimong charitable organization na humahawak. Dapat mag-open ng account sa bank intended for specific cause.At dapat nakareport fundraising sa SAMA (Saudi Arabian Monetary Agency)

Ang batas na ito ginawa para labanan ang money laundering at pag-solicit ng donations para gamitin sa terorismo.

Pangatlong Punto: Tama ba ang pag-post na may pinangalanan na tao?

Pinangalanan ni kabayan ang nag-aakusa sa kanya, at kuno anong propesyon nito, at kung anong lahi nito. Malinaw na ito ay nakatuon ito sa isang specific na tao. Ang tao na nag-aakusa sa kanya ng pagnanakaw. Pinangalanan nya rin ang kanyang sponsor company at ang company kung saan siya nagtratrabaho.

Maaring hindi alam ni kabayan na maaring madagdagan ang ikakaso sa kanya. Ito ay ang cyber-crime.

Katulad ng kasong pagnanakaw ang cyber crime ay may PUBLIC ACTION at PRIVATE RIGHT OF ACTION. Malaki nga lang ang parusa sa PUBLIC ACTION ng cyber crime.

Ayon sa Anti-Cyber Crime Article 3.5

Any person who commits one of the following cyber crimes shall be subject to imprisonment for a period not exceeding one year and a fine not exceeding live hundred thousand riyals or to either punishment:

  • Defamation and infliction of damage upon others through the use of various information technology devices.

Pangtapos: Malakas sana ang laban ni kabayan kung hindi lang sya nag-post sa social media at kung hindi ito makita ng nagkaso sa kanya.

Ang una nyang dapat ginawa ay burahin ang kanyang FB post at kung may nagre-upload man nito ay pakiusapan nya na burahin ang nasabing post.

Ipagdasal nya na walang media sa Pilipinas ang magkainteres sa kanyang kwento. Dahil sa oras na may balita na lalabas sa atin, susunod na rin ang mga Arabic news. Kung makakarating ito sa tao na kanyang pinangalanan, magdagdag pa ito ng kasong cyber crime laban kay kabayan.

Maari din ngayon, na nakita na ang post ni kabayan ng tao na tinukoy nya. Ipa-print lang ang lahat ng post ni kabayan, ipa-translate sa Arabic at i-submit sa police, at presto maari na syang kasuhan ng cyber crime.

Ano ba dapat sana ang kanyang ginawa sa halip na mag-post sa social media?

Nangyari itong problema noong 2018, isang (1) taon na ang nakalipas. Sinabi ni kabayan sa kanyang FB post na sinamahan sya ng taga-embassy sa kanilang company para ma-resolve ang problema nila ng nag-aakusa.

Nang hindi naayos ang problema, sinamahan si kabayan ng taga-embassy para magpa-medical check-up para daw kung magsasampa ng reklamo sa police ang nagaakusa sa kanya; ay mag-file din si kabayan at ang embassy ng counter-complaint gamit ang nakuhang medical report.

FYI, ang kaso na physical assault ay katulad sa kaso na pagnanakaw, mayroon itong PUBLIC ACTION at mayroon PRIVATE RIGHT OF ACTION. Ang proseso ay dapat mai-report sa police at maipakita ang mga pasa or sugat. Kung makita ng police na totoo ang pasa o sugat, magbibigay sila ng recommendation letter for medical check-up at kung saang hospital. Then, ang result ng police investigation kasama ng medical report ay ipo-forward sa prosecutor’s office.

Sa ngayon wala nang chance si kabayan na makapagreklamo pa ng physical assault dahil wala na yong physical evidence at ang medical report ay hindi magmumula sa rekomendasyon ng police. Pero maaring magamit yong medical report sa kanyang depensa lalo na kung sasamahan ito ng report ng embassy kung anong assistance ang ibinigay nila para kay kabayan sa araw na yon.

Pero dapat sana nagsampa na sila ng kaso ng physical assault at di na dapat naghintay na maunahan ng kaso ng pagnanakaw.

Nakabalik sa trabaho si kabayan at akala ay maayos na ang lahat. Akala nila ay walang isinampang kaso ng pagnanakaw laban sa kanya.

Nitong Mayo 2019 lang, pinatawag daw si kabayan sa HR ng company at sinabihan sya na hindi mari-renew ang kanyang iqama dahil may reklamo umano laban sa kanya sa police station.

Sinamahan daw si Kabayan ng taga-embassy sa Police station at nakumpirma nila na may reklamo nga. At ang nagreklamo ay yong ibang lahi na nag-aakusa sa kanya ng pagnanakaw.

Hindi nabanggit sa post ni kabayan kung sinabi ba ng police na pagnanakaw ang isinampang reklamo. Wala rin sinabi kung anong petsa ito nai-file.

Katulad ng kasong physical assault, ang kaso ng pagnanakaw ay dapat maisampa kaagad. Mahina ang complaint ng pagnanakaw kung naisampa ito paglipas ng ilang araw, o linggo, o buwan o taon.

Maari din na hindi pagnanakaw ang naisampang complaint kundi utang. Yon hindi kailangan na mai-file kaagad. Kung utang lang ang reklamo, pwede yan bayaran at maisara na ang kaso. Dahil ang kaso sa utang na hindi nabayaran ay PRIVATE RIGHT OF ACTION lamang. Pwede rin na hindi sya magbabayad at ituloy ang kaso dahil wala naman katibayan ang nagreklamo na mayroon utang si kabayan.

Kung pagnanakaw ang complaint, huwag magbayad o kahit makipag-usap na magbabayad kapalit ng pag-atras ng reklamo dahil ito ay magagamit na ebidensya na guilty at may parusa ito sa PUBLIC ACTION ASPECT ng kaso.

Ang nangyari pagkatapos nilang pumunta ng police station, ay sinamahan si kabayan ng taga-embassy para kausapin ulit ang nag-aakusa sa kanya, Pinakitaan daw sila kuha ng CCTV na si kabayan ay pumasok sa sasakyan. Ang sabi ng nag-aakusa ay kung babayaran daw sya ng 11 thousand SAR ay iurong nya ang kaso. Ito ang naging dahilan kaya nag-post si kabayan sa FB at nag-viral.

FYI, ang ibang lahi na nag-akusa ay kabisado ang batas at proseso ng Saudi Arabia. Alam nila na kung iurong ang reklamo ng kasong may PUBLIC ACTION nang walang dahilan ay magkakaproblema sila. So, kung magbabayad halimbawa si kabayan, pipilitin ng nag-aakusa si kabayan na pipirma ng kasulatan na nagbayad sya. Tatanggapin ng police ang kasulatan para patunay na wala nang PRIVATE RIGHT OF ACTION at patunay na guilty si kabayan sa PUBLIC ACTION. Mapunta ang kaso sa prosecutor’s office then sa court, then makulong si kabayan at may lashes.

Ano dapat ang ginawa ni Kabayan?

Binasa natin yong testimonies na sinulat ni kabayan. Malinaw at makatotohanan ang kanyang salaysay. Ang dapat nyang ginawa ay pina-translate ito sa Arabic para kung mayroon man police investigation, yon lang ang ipapabasa nya at magkaroon na ang police ng idea sa pangyayari.

  1. si kabayan ay inutusan nitong nag-aakusa na kunin ang charger cable na naiwan sa kanyang sasakyan.
  2. hiningi ni kabayan ang susi ng sasakyan pero sinabi ng nag-aakusa na bukas ito at hindi na kailangan ang susi.
  3. kinuha ni kabayan ang charger cable sa kotse na bukas na ang pinto at bukas pa ang bintana (mapapatunayan ito ng CCTV).
  4. nang inabot ni kabayan ang charger, pinaratangan na sya na nagnakaw ng 10 Thousand SAR.
  5. sinaktan si kabayan ng nag-aakusa para mapilit itong umamin (dito magagamit ang medical report ni kabayan nang sinamahan sya ng taga-embassy para magpa-medical checkup).

Kung mababasa ng police, ng prosecutor at ng judge ang Arabic translation ng testimonies ni Kabayan, ang burden of proof ay mapupunta sa nag-aakusa.

  1. Ano ang katibayan mo na may pera sa loob ng sasakyan?
  2. Bakit ka naman nag-iwan ng malaking halaga ng pera sa sasakyan?
  3. Bakit mo iniwan na bukas ang pintoan ng sasakyan (mapapatunayan din ito sa CCTV)?

At magkakaroon ng sariling judgment ang police investigator, prosecutor at judge based sa CCTV footage na pinanghahawakan ng nag-aakusa

  1. Alam pareho ng nag-aakusa at ni kabayan na may CCTV sa paligid?
  2. Noong, pumasok si kabayan sa sasakyan, palingon-lingon ba sya sa paligid?
  3. Sapilitan bang binuksan ni kabayan ang sasakyan?
  4. Pumasok ba si kabayan sa sasakyan?
  5. Kung pumasok man, nagtagal ba si kabayan sa loob ng sasakyan?
  6. May laman ba ang bulsa nang umalis sa sasakyan ?
  7. May dala ba na charger cable si kabayan ng umalis sasakyan?
  8. May dala bang iba si kabayan maliban sa cable charger?
  9. Maari din ipabackground check ang nag-aakusa (maging si kabayan). Halimbawa, sa SAMA kung ang remittance nila ay mas higit pa sa kanilang sahod.

Kung totoo ang testimonies ni kabayan at maipatranslate ito sa Arabic, ay napakalakas ang kanyang laban. Dapat hindi sya magbabayad at burahin nya ang mga posts nya sa FB.

Ipagdasal nya na sana hindi nakita ng nag-aakusa sa kanya ang posts nya sa FB, na sana walang media, lalo na ang mga Arabic News na magbabalita sa kwento nya

Hindi na bago ang kwento na ang isang kababayan ay inakusahan ng pagnanakaw ng parehong lahi ng nag-aakusa kay kabayan.

May mga kaso na ang kababayan natin ay umamin na sila ay nagnakaw. Mas marami ang nagclaim na sila ay walang kasalanan. Napawalang-sala ang nanindigan at ang may alam sa batas at proseso.

Napakaraming kaso ang hinawakan ng Patnubay at malaki pa ang halaga ng inakusang ninakaw. Halimbawa na lamang itong kwento ni Ibrahim Mendoza noong 2013 – 2014. Panoorin nyo ang Video na nasa baba.

Maraming Salamat,
Abu Bakr Espiritu with Roland Blanco
For Patnubay.org

Share this: