Ano ang PAOS at paano ito gagawin?
Ang PAOS o Post Arrival Orientation Seminar ay isang orientation seminar na pagdadaanan ng OFW pagdating niya sa bansang pagtratrabahuan. Ang employer ay dapat kasama din sa seminar.
Kailangan din ang kahit na isang kinatawan naman ng Foreign Recruitment Agency (FRA) o di kaya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Philippine Embassy para magsilbing tagapagpaliwanag para sa parehong karapatan at obligasyon ng worker at ng employer; base sa kontrata at sa batas ng paggawa ng host country.
Ang PAOS ay matagal nang mungkahi natin at ng marami pang NGOs sa ating gobyerno, ilang administrasyon na ang nagdaan. Alhamdulillah, sa kasalukuyang administrasyon ay suportado ang PAOS at pinag-aaralan ngayon kung paano ito dapat isasagawa.
Ang PAOS ay matagal nang ginagawa ng Patnubay para sa mga personal na kaibigan na Saudis na nakapag-hire kasambahay na Filipina.
Paano Mag-conduct ang Patnubay ng PAOS para sa mga Domestic Workers at Employers sa Saudi Arabia?
Nag-umpisa tayong magsasagawa ng PAOS noong 2014, nang magkaroon ng Bilateral Labour Agreement for Domestic Workers ang bansang Saudi Arabia at Pilipinas at na-lift ang ban ng ating gobyerno sa pag-deploy ng mga kasambahay papuntang Saudi Arabia.
Ang mga batayan natin mula noon pa ay ang Work Contract at ang KSA Labor Law for Domestic Workers (2013).
Alhamdulillah, lahat ng mga kasambahay na dumaan sa ating PAOS ay maayos na nakatapos ng kanilang kontrata sa ating mga kaibigan na amo. Marami sa kanila ay nag-renew ng contract, nakapagbakasyon at may nakadalawang balik na.
Ano ang mga kailangan para magsasagawa ng PAOS?
1. Pangunahing Tauhan – Ang Worker, ang Employer at ang Tagapamagitan.
Malaking bagay kung kilala ng Tagapamagitan at ng Employer ang bawat isa.
Kung ipapatupad ang PAOS, ang isa sa dapat maging Tagapangasiwa ng PAOS ay ang mga Filipino Liaison Officers ng FRA (Foreign Recruitment Agencies) dahil sila dapat ang mas nakakilala sa employer.
2. Lokasyon at Tiyempo – Pinakamagandang lugar at tiyempo ng PAOS kung ito ay gaganapin sa airport sa pagsusundo sa worker.
Malaking bagay na may susundo kaagad sa domestic worker at hindi ang nasanayan na maghihintay ng matagal sa holding area hanggang sa kukunin ng amo.
Sa bagong iminungkahing patakaran ng Ministry of Labor and Social Development (MLSD), inatasan nila ang Saudi-based recruitment agency na susundo sa domestic worker sa airport.
Maaring sa airport gaganapin ang PAOS kung kasama sa pagsundo ang employer.
Maaring sasama muna ang worker sa accomodation ng agency at saka na tatawagan ang employer para sa pagsasagawa ng PAOS sa opisina ng recruitment agency.
Maari din sa POLO pero hindi tayo kampante na sa POLO gaganapin dahil hindi epektibo ang PAOS kung pagsasabayin ang halo-halong domestic workers at employers sa isang (1) Orientation Seminar.
3. Pagbusisi at Pagpapaliwanag sa Kontrata
Pangalan ng amo – dapat magpakita ang amo ng kanyang Nationality ID bilang katibayan na sya rin ang amo na nakapangalan sa kontrata at sa first entry visa ng worker.
Pangalan ng worker – dapat magpakita din ang worker ng kanyang passport bilang katibayan na sya ang worker na nakapangalan sa kontrata.
Bilang ng miyembro ng pamilya – ikumpirma sa employer kung ang bilang ng miyembro ng kanyang pamilya na nakasaad sa kontrata ay tama ba. Ipaalam sa kanya na isa ito sa kadalasan na reklamo ng mga kasambahay na mas marami ang totoong bilang ng miyembro ng pamilya kaysa nakasaad sa contract.
Address at Telephone Numbers – ikumpirma at siguradohin na tama ang address at telephone numbers na nakasulat sa kontrata. Ipaalam din sa employer na hindi maaring patratrabahoin sa ibang bahay ang kanyang kasambahay.
Sahod – ipaalam sa employer at sa worker kung magkano ang sahod na nakalagay sa kontrata. Dapat maintindihan din nila na may nakaset na minimum wage para sa isang kasambahay.
Dapat ipaalam din sa employer at worker na ginawang mandatory ng MLSD (Ministry of Labor and Social Development) na ang sahod ay dapat idideposit sa ATM Account ng kanyang kasambahay. Dapat hawak ng kasambay ang kanyang ATM at siya lamang ang nakakaalam sa pin nito.
Rest Hours and Day Off – Ipaalam sa employer at ng worker na dapat mayroong tuloy-tuloy na rest hours ang woker na hindi bababa sa walong oras bawat araw at isang araw na day-off bawat linggo
At ang mga sumusunod ay dapat maipaliwanag ng maayos na kailangan itong sundin:
- May sariling kwarto pahingaan at tulogan ang kasambahay
- Maipagamot kung ito ay magkasakit at bigyan ng sickleave kung irekomenda ng kanyang doktor
- Payagan ang worker na makipagkomunikasyon sa kanyang pamilya
- Hindi ibenta ang worker sa ibang employer. Kung may nais ng dalawang partido na magpatransfer ang worker, dapat ipaalam ito sa FRA at sa POLO
- Respetuhin ang kontrata at sundin ano man ang nakasulat nito.
- Dapat pauwiin ang worker kung tapos na ang kontrata at ayaw nya na magrenew
- At iba pang mga nakasaad sa kontrata
- siguradohin na pirmado ng employer at ng worker ang kontrata at siguradohin na pareho silang may kopya nito.
Note: Sa pagbusisi sa kontrata mas maigi na taga-POLO, o DSWD natin para walang biased.
Link: POEA Standard Contract for Domestic Workers
4. Pagpapaliwanag sa Batas ng Paggawa
Ang Labor Regulations for Domestic Workers ng KSA ay ipinatupad noong 2013 pa pero hindi ito alam ng karamihang domestic workers at employers.
Mula noon pa man, paulit-ulit na ang Patnubay sa pagpopost ng kaalaman tungkol sa batas na ito sa pamamagitan ng ating website at ng ating facebook page.
Pero gayunpaman, hindi pa rin alam ng karamihang domestic workers at employers ang tungkol sa batas na ito. Kailan lang din nalaman ang batas na ito ng mga tauhan ng embahada at noong 2018, sila mismo ang umamin na hindi nila alam. Sa POLO naman, maraming salamat kay Labatt Nasser Mustafa at napakalaki ang pagbabago sa POLO mula nang dumating siya sa Riyadh noong 2017.
Mahalaga na alamin ang batas dahil wala itong silbi kung hindi ito alam ng mga partido na dapat susunod nito at ng mga dapat magpapatupad nito.
Karamihan sa nakasaad sa batas paggawa para sa kasambahay ng Saudi Arabia ay magkatugma naman sa standard contract ng POEA sa Pilipinas. Pero malaking bagay na may batas na ngayon dahil maobliga ang employer na sundin ang napirmahang kontrata at ang batas nila mismo.
Sa PAOS, dapat bigyang diin ang mga sumusunod na Artikulo at maintindihan ng worker at ng employer
Artikulo 6 – Ang obligasyon ng domestic worker sa kanyang employer
Ang domestic worker ay obligadong gawin ang mga sumusunod:
- Gagawin ang napagkasundoang gawain, at alagaan ang kanyang employer
- Sundin ang mga utos ng employer at ng mga miyembro kanyang pamilya na may kaugnayan sa napagkasunduang gawain.
- Alagaan ang pag-aari ng employer at ang kanyang mga miyembro ng pamilya.
- Hindi saktan ang sinumang mga miyembro ng pamilya ng employer, kabilang ang mga anak at ang matatanda.
- Panatilihing confidential ang ano mang lihim ng employer at mga miyembro ng pamilya at mga tao sa bahay, na nakikita sa panahon ng trabaho at hindi ito ibubunyag sa iba.
- Hindi tatanggi sa trabaho o lisanin ang gawain nang walang isang lehitimong dahilan.
- Hindi magtratrabaho sa sariling desisyon
- Hindi sirain ang dignidad ng employer miyembro ng kanyang pamilya at hindi manghimasok sa kanilang personal na buhay.
- Respetuhin ang relihiyong Islam at sundin ang mga batas sa Kaharaian, ang customs and traditions ng lipunang Saudi at huwag makisali sa anumang gawain na nakakasama sa pamilya.
Artikulo 7 – Ang obligasyon ng employer sa kanyang domestic worker
Ang employer ay obligadong tumalima sa mga sumusunod:
- Hindi magtatalaga sa kasambahay ng isang trabaho na hindi napagkasunduan sa kontrata, o na magtrabaho sa mga ikatlong-partido, maliban sa mga kaso ng kinakailangan, sa kondisyon na ang trabaho sa kabuuan ay hindi iba sa kaniyang orihinal na trabaho.
- Hindi magtatalaga sa kasambahay ng anumang mapanganib na trabaho sa kalusugan o kaligtasan ng kaniyang katawan, o negatibong makakaapekto sa kaniyang dignidad.
- Bayaran ang napagkasunduang sahod sa katapusan ng bawa’t buwan ng Hijri, maliban kung nagkasundo ang mga partido – at ma kasulatan.
- Bayaran ang sahod at mga karapatan sa pera o tseke, at idokumento ito nang nakasulat, maliban kung gustong ilipat ng manggagawa ang sahod sa isang partikular na account sa bangko.
- Ang kasambahay ay dapat payagan na tamasahin ang araw-araw na pahinga na hindi bababa sa siyam na oras sa isang araw.
- Siya ay dapat na dumalo o sa ngalan ng iba sa harap ng komite sa mga petsa na tinukoy nito sa mga paghahabol na isinampa laban sa kanya.
- Hindi pauupahan sa iba ang kasambahay, o payagan siya na magtrabaho para sa kanyang sariling interes.
Artikulo 8 (Rest day) – isang araw na walang trabaho kada linggo, batay sa kasunduan ng mga partido sa kontrata.
Artikulo 9 – Hindi dapat bawasan ang sahod ng domestic worker maliban sa mga sumusunod na kaso, at hindi hihigit sa kalahati ng kanyang sahod:
- Ang halaga ng sinasadya o sanhi ng kapabayaan na nagdulot ng pinsala o pagkasira.
- Ang advance payment mula sa employer
- Ang pagpapatupad ng isang judicial decision o administrative decision na inilabas laban sa kanya maliban kung nakasaad sa desisyon lagpas ng kalahating sahod ang ibabawas.
Artikulo 10 – Vacation with pay na isang buwan na sahod sa bawat dalawang taon na ang domestic worker ay magbakasyon at magrenew ng kontrata
Artikulo 11 – Sick Leave with pay na hindi lalagpas sa isang buwan kung may rekomendasyon ng doktor
Artikulo 16 – Severance Pay na katumbas ng isang buwan na sahod kung ang domestic worker ay nakapagtrabaho ng apat na taon sa parehong amo.
Heto ang kopya ng batas na pwede nyong madownload at maprint para maibigay sa employer at worker.
- English -KSA Labor Regulation for Domestic Workers and the Like
- Arabic – KSA Labor Regulation for Domestic Workers and The Like
Maari rin na ang mga brochures na gawa ng Musaned ang maiprint at maibigay sa employer at sa worker alin man ang lengwahe ang gusto nila. Noong pinalabas ang mga brochures na ito ay nakadownload tayo ng Arabic, English at Tagalog Brochures. Kaya, mayroon tayong kopya nito kahit wala na ito sa website ng Musaned sa ngayon.
5. Checklist
Sa mga PAOS na isinagawa ng Patnubay, wala tayong checklist. Pero kung gagawin na mandatory ang PAOS para sa lahat ng mga kasambahay, mahalaga na mayroong checklist.
Kapag nagkumpleto na ang checklist, ito ay dapat pirmado ng employer, ng worker at ng tagapamagitan.
Mas mainam din kung may kasamang documentation photo pagkatapos ng PAOS at i-attach ito sa checklist. Pero kailangan ipaalam muna ng ating gobyerno sa gobyerno ng Saudi Arabia, kung wala ba itong paglabag sa relihiyon, kultura at tradisyon ng kanilang bansa.
6. Magbigay ng mga Contact Numbers
Mag-iwan ng mga contact numbers na maaring tawagan ng worker at ng employer kung mayroong problema.
Pasasalamat
Alhamdulillahi Rabbil Alamin!
Maraming salamat sa pagbasa. Assalamu Alaikum wa Rahmatullahi wa Barakatuh!
Drafted by: Abu Bakr Espiritu
Date: August 15 – 16, 2019
Related Patnubay Articles
- Ang Batas para sa Kasambahay ng Saudi Arabia – 2013
- End of Service Benefits (ESB) for Household Service Workers (HSWs)
- Brochures: KSA’s Domestic Labor Regulations in Tagalog, English and Arabic
- Survey Para Sa Mga Household Service Workers ng Saudi Arabia
- Sa June 2018, Dapat sa ATM na ang Sahod ng mga Kasambahay sa Saudi Arabia
- Mga Hakbang na Ginawa ng KSA Govt para sa mga Domestic Workers
- Ano ang “SSWA” at Ano ang “Makan Thani” ng Riyadh?
- KSA: Recruitment Fee para makakuha ng Filipino Domestic Workers ay 8850 SAR na lang thru MUSANED Portal
- REPORT: JULY 30, 2017 – MAJLIS DINNER AND DISCUSSION
- Ang Response ng Embassy sa ating Puna sa Email ay isang Press Release