Kahapon naisulat natin ang tungkol sa 70 years old na Pinay na Kasambahay sa Jordan na nagtiis ng 20 taon bilang takas para sa makataong kadahilanan.
Nagpadala din tayo ng email inquiry sa POLO at Embassy natin sa Jordan para beripikahin ang kwento at maaksyonan nila kaagad. Nakipag-ugnayan din kay Welfare Officer Harry Borres ang ating kasama na si Marjorie Majorenos.
Kinompirma ni Welof Harry na totoo ang lumabas na balita at nasa pangangalaga na ng POLO at Embahada si Kabayan mula noong August 9, pa.

Heto ang initial report ni Kasamang Marjorie ng Patnubay Jordan.
August 6, 2019 – lumabas si Nanay upang bumili ng pagkain sa kanyang employer. Habang siya naglakad sa daan bandang 12:40 ng hapon, siya ay nabundol ng sasakyan.
Agad naman siyang dinala ng driver na nakabangga sa kanya sa Tilal Ali hospital para sa pasiunang gamutan at nailipat naman sa Al basher Hospital para CT-scan at X-Ray at para mabigyan ng gamot.

August 7, 2019 – dinala siya sa Police sa Bayader Court para magsampa ng reklamo laban sa driver na nakabundol sa kanya.
Napag-alaman na siya ay takas and by procedure na-detain siya sa Police station ng dalawang (2) gabi.
August 9, 2019 – Tumawag ang police sa ating Embahada upang ipaalam ang nangyari at nailipat si kabayan sa Embassy /POLO-OWWA shelter habang hinihintay pa ang kanyang hearing ngayon August 24, 2019.

Sa ngayon, stable na ang kondisyon ni Nanay at nag-provide na rin ang ating POLO-OWWA ng mga gamot para sa kanya . May mga pasa pa na makikita sa kanyang mukha, sa kanyang kamay at paa.
Inaalam pa ng ating Embassy or POLO- OWWA ang kanyang residency kong itoy naka-sponsor ba sa kanyang kasalukuyang employer o siya ba ay isang takas katulad ng napabalita sa Saraya News.
Handa naman ang kanyang kasalukuyang employer na makipagtulongan sa ating embahada para sa agarang pagkaresolba ng kaso ni Nanay.
Nagprovide na rin ng abugado ang ating Embahada na dadalo sa parating na hearing ngayong August 24.
Pasasalamat
Sa Ating Tagapaglikha, sa lahat biyaya at pagsubok na ating natatanggap. Walang saysay ang buhay kung wala ang mga ito. Dahil sa pamagitan ng biyaya at pagsubok ay napapalapit sa Kanya ang kanyang mga pinili.
Sa POLO Jordan, na napakabilis umaksyon sa mga kaso ng OFWs at sa pagbibigay ng linaw kung mayroon tayong mga katanungan.
Kay Sis Marjorie ng Patnubay Jordan, Bro Abdurrahim Abtahi ng Patnubay Madinah at mga kasamahan na translators ng Patnubay, Pinoy man o ibang lahi na laging nagfeed sa atin ng mga Arabic News kung may balita tungkol sa mga OFW.