You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

OFW- Mga Bayaning Inaapi at Kinukotongan ng Gobyernong Naligaw sa Tuwid na Daan

Bayaning OFWOFW- Mga Bayaning Inaapi at Kinukotongan ng Gobyernong Naligaw sa Tuwid na Daan

BAYANING OFW

Naghihirap sa abroad, homesick minsan, depression ang inabot, may naabuso ng employer, naghihirap pero nagtitiis alang-alang sa pamilya na naiwan sa inang bayan.

Ang perang padala ng mga OFW, after exports, ang ating mga remittance ay pangalawa sa pinakamalaking tulong sa ekonomiya ng ating bansa. Maliban pa doon, dahil sa ating mga OFW, dumami ang tinatawag na middle class, kaya napaikli natin ang pagitan ng mga mayayaman at mahihirap.

Kung hindi dahil sa ating paghihirap at pagtitiis, kung wala ang ating remittances, lugmok na lugmok na ang ating inang-bayan.

BAYANING INAAPI

Sa unang apply pa lang natin maging sa pagbalik-abroad, sa mga tanggapan ng DFA, DOLE at OWWA, normal lang sa mga tauhan nila na tayo ay sisigawan at tataasan ng boses. Maging ang mga security guard nila ay ganun din kung maka-asta.

Pero tingnan nyo ang mga poster sa dingding ng mga tanggapan na ito. “Bayaning OFW.”

Pagdating sa airport, ganun din ang trato nila sa atin maging ang mga tauhan ng immigration ay ganun din. Kung makasigaw at magtaas ng boses e wagas.

Pero tingnan nyo ang mga poster at billboard, “Bayaning OFW.”

Pagdating naman sa abroad kung magkaproblema, sa embassy o sa POLO, sa pagkuha ng dokumento o pagrenew ng passport din. Sigaw at mataas na boses ang iyong maririnig sa mga tauhan nila. Maging sa security guard nila ay ganun din kung makaasta.

Ganun din ang iyong mararanasan kung lalapit ka sa kanila kung meron kang problema o biktima ka ng pang-aabuso. Sigaw at mataas na boses ang iyong maririnig. Wala namang maipayo at maitulong para sa kalutasan ng problema ng pobreng OFW.

Ganun din ang kanilang trato sa mga ward ng OWWA shelter sa abroad maging sa halfway house ng OWWA sa Manila. Pasigaw ang pakikipagusap sa mga humihingi ng tulong. Abusado rin ang mga security guard nila.

Pero tingnan nyo ang mga posters sa dingding ng mga tanggapan na ito. “Bayaning OFW.”

Bakit di nila kayang itago ang galit nila sa ating mga OFW? Hindi natin maintindihan samantalang napakagalang naman natin kapag ina-approach sila. Nakalimutan? O di man sumagi sa isip nila na kaya nagkaroon sila ng trabaho ay dahil may mga OFW na dapat nilang paglingkuran at hindi para sa kanilang mga power trip. Mga walang utang na loob! Ang mga OFW ang bumuhay sa inyo at sa pagtustos sa mga pangangailangan ng mga pamilya ninyo!

MGA BAYANING KINUKOTONGAN

Tuwing pupunta tayo sa mga tanggapan nila, hindi para sigawan nila, kundi naroon tayo dahil sa mga bayaring sapilitan pinababayad sa mga OFW. Kung hindi tayo magbabayad ay hindi tayo makalabas ng bansa. Noon ay OEC at OWWA lamang. Ilang taon ang nagdaan, meron na ring Philhealth at Pag-ibig.

At nitong nakaraang taon lamang, sumawsaw pa ang NAIA sa paniningil ng 550 pesos sa atin. Mai-refund kuno pero ikutin at hiluhin tayo sa proseso, kaya karamihan ay di na lang magri-refund.

At heto ngayon, ang Philippine Customs na noon pa man ay di na maitago ang pagiging mga kawatan. Ang mga padala nating balikbayan box ang gustong pagdiskitahan at pakialaman.

GOBYERNONG NALIGAW SA TUWID NA DAAN

Ano pa kaya ang susunod na gawin ng gobyernong ito sa ating mga OFW?

Hanggang kailan sila titigil sa pang-aapi sa atin?

Gobyernong bulok na naliligaw sa tuwid na daan. Lubos-lubusin na ninyo ang pang-aapi nyo sa amin at panggagatas sa amin, pero lalaban at lalaban kami.

Tigilan nyo na ang pagtawag sa amin na Bayani dahil hindi naman kayo tapat sa pagsasabi nyan kundi hanggang salita lang yan, isang pang-uuto at malaking insulto lamang.

Tanggalin nyo na lahat ng mga poster at pekeng papuri ninyo sa amin na kami ay mga Bayani. Mukha nyo! Alam sa mga puso namin na kaming mga OFW ay mga Bayani, hindi lang sa pamilya namin kundi pati na rin sa mga pamilya nyo. Dahil patuloy naming itinataas ang ekonomiya ng Pilipinas at inililigtas sa tuluyang pagkalugmok!

Drafted by: Abu Bakr Espiritu
for Patnubay Online – HAGIT
August 21, 2015