You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Feature Story: No Read, No Write Ako

No Read, No Write Ako
(written by Racz Kelly)

Lumaki ako sa isang magulong lugar sa Mindanao. Nasa lugar kami kung saan walang humpay ang giyera.

Panganay ako sa aming magkakapatid. Sa edad kong lima, natuto ako sa mga gawaing bahay. Lima palang kaming magkakapatid noon atl tig-iisang taon lamang ang pagitan namin.

Ang mga magulang ko, sa bukid nagtatrabaho. Kailangan na sa kanilang pag-uwi ay malinis ang bahay, may nakahanda ng pagkain at malinis na ang mga kapatid ko.

Tumagal ng ganito ang aking buhay hanggang sa magpitong taon ako. Excited ako na makapag-aral ngunit hindi ako pinayagan. Una at huling araw ko sa school ng pitong taon ako, sinundo ako ng tatay ko at pinagpapalo nila ako ng nanay. Wala raw mag-aalaga sa mga kapatid ko at wala raw silang dadatnan sa bahay kung mag-aaral ako.

Dahil may giyera sa lugar namin, palipat lipat kami ng tirahan. Nakapag-i-enrol man ako kapag pasukan ngunit humihinto sa tuwing may gulo. Sumunod na pasukan, ang sabi sa akin mag-enrol ako kahit hindi ko natapos ang grade 1 kaya pumasok ako ng Grade 2. Ganoon ulit, walang nangyari dahil may gulo na naman. Lumipat na naman kami. Tumanda akong hindi nakapasok sa eskuwelahan hanggang nag-enrol na naman ako. Marunong na ako magbasa kaya ang lakas ng loob ko na mag-enrol sa grade 6. Hindi ko na naman natapos dahil maliban sa magulo sa lugar namin, ang mga magulang ko ay walang inaasahan kundi ako.

Sa mura kong edad, namasukan ako. Nagtrabaho sa karinderya, nangamuhan at nagtrabaho sa mga pabrika ngunit wala ring natitira sa suweldo ko dahil wala pang sahuran ay nandiyan na ang mga magulang ko at nagtatanong kung bakit iyon lang daw ang sahod ko. Ni panty ko, hindi ako makabili.

Sa edad na 13, sumama ako sa Maynila dahil ang tita ko na may kilalang recruitment agency ay nagrirecruit papuntang Kuwait. Doon, naranasan kong gawing labandera, tagapag-alaga ng bata, naging katulong ng may-ari ng agency. Training ko raw iyon.

Iniba ang pangalan sa passport ko upang makapunta ng Kuwait. 14yrs old lamang ako nang makarating doon. Doon, hindi rin ako naging masuwerte sa mga amo. Pangalawang araw ko palang noon nang binalik ako sa agency dahil nahuli akong kumakain ng kamatis na hilaw. Nagnanakaw raw ako! Pinagsasampal ako ng Indian at Pinay na secretary at pinagtatadyakan ako ng may-ari mismo ng agency. Sabi ko, sa dami ng pinagdaanan ko sa Pilipinas, walang epekto sa akin ang ginawa nila. Sa loob ng 3 taon, naka-4 na amo ako.

Ang lahat ng pera ko, pinapadala ko sa Pinas. Ang mga magulang ko, waldas dito, waldas doon. Walang natira sa pinaghirapan ko. Akala nila, dahil abroad ako, marami akong pera.

Sa ikalima kong amo, nakilala ko ang isang mabait na secretary. Tinanong niya ako kung ilang taon na ako. Sabi ko, 17 palang. Sabi niya, tutulungan raw niya akong makapasok bilang waitress. Naging maganda ang takbo ng kumpanya na pinagtatrabahuan ko ngunit hindi puwede itransfer ang visa ko, Naghanap na naman ako ng trabaho at naging tagabantay sa internet cafe. Doon, natuto ako sa computer kahit na wala akong tinapos ngunit ang mga tao doon ay bastos dahil karamihan sa pumapasok at nagtatrabaho ay mga lalaking arabo at ibang lahi.

Pinalakas na naman ang loob ko at nangangailangan daw ng secretary ang isang american company. Kahit wala akong tinapos, ang lakas ng loob ko na pumunta doon. Tatlo kaming applicants. Teacher at HRM graduate ang kasabayan ko. Sabi ko, wala na akong pag-asa nito. Noong tinanong ako ng may-ari ng opisina, ang sagot ko, “I am no read, no write Sir,” “My family has no permanent address and we are poor, war here. war there.” Sagot niya, “You’re applying as a secretary without a degree? Are you out of your mind?” Sinagot ko siya, “Sir, I believe that everybody starts from the very bottom before they reach higher position.” Hindi nakaimik ang amerikano at sinabi na lamang na tawagan nalang kaming tatlo kung sino ang napili.

Hindi ako umasa ngunit kinabukasan, 6am, nakatanggap ako ng tawag at pinarireport ako. Excited ako! 7am palang, dumating na ako kahit na 8am ang start. Lahat sila, nagwi-welcome sa akin noong nagsisidatingan. Nagustuhan raw ako ng boss namin dahil sa pagiging honest ko. Sinabi niyang probation ako sa loob ng 6months at kailangan ay matutunan ko magmicrosoft word at iba pang gawain ng secretary. Lakas ng loob ko na sumagot na oo, kayang kaya ko iyan at pinatunayan ko naman dahil wala pang anim na buwan, natutunan ko lahat!

Naging maganda ang trabaho ko doon hanggang dumating ang amo ko kasama ang kanyang kaibigan. For the first time, naranasan ko magka-crush. Inaya ako ng amo ko na kumain sa labas kasama ang kaibigan niya. Niligawan ako ng kaibigan ng boss ko hanggang sa isang araw, dumating siyang may dalang bulaklak, chocolates at maliit na box tsaka siya lumuhod sa harap ko. “I love you! Will you marry me?”

Sinagot ko naman siya. sa loob ng 1 taon niyang panliligaw, nakita ko ang respeto niya sa akin kahit na noong nagpaparty siya ay nalasing ako at nakatulog, hindi niya ako ginalaw.

Umuwi siya ng US nang hindi naging maganda ang company niya sa Kuwait at ako naman ay umuwi ng Pilipinas pagkatapos ng 7 taong pamamalagi sa abroad. Nagulat ako sa nadatnan ko sa Pinas. Ngayon, 10 na kaming magkakapatid. Ang bahay naming tumutulo kapag umuulan, ganoon pa rin. Wala ang bakahan, manukan, kambingan at babuyan na sinasabi ng magulang ko. Ang nakita ko lang sa pinaghirapan ko ay ang mga kapatid kong nag-aaral. Iyon kasi ang bilin ko.

Sa loob ng 3 months, pinadadalhan ako ng bf ko ng pera kaya nakapagpatayo ako ng bahay bago bumalik ng Kuwait ngunit ang bf ko ngayon ay sa Iraq na nadestino. Habang naghahanap ako ng ibang mapapasukan dahil naibenta rin ang kumpanyang pinapasukan ko bilang sekretarya, nakatanggap ako ng tawag mula sa Pilipinas. Pinatay raw ang kapatid ko dahil sa pagtatanggol niya sa akin. Naging usap-usapan ang pagkakaroon namin ng magandang bahay sa amin dahil namomokpok daw ako sa abroad kaya ayaw na tumira ng mga magulang ko sa bahay na pinagawa ko at nagpatayo nalang sila ng barung barong.

Dumating ang bf ko galing Iraq at dito na nagbunga ang aming pagmamahalan. Umuwi ako ng Pinas ngunit hindi na ako masaya dahil sa nangyari sa kapatid ko. Pagdating ko sa amin, lubog sa utang ang pamilya ko. 40thousand ang utang sa tindahan palang. Kabilaan ang gastos nila kahit walang palya ang pagpapadala ko buwan-buwan.

Nagpatayo ako ng tindahan sa amin kaya tuwang tuwa ang mga magulang ko. Doon ako naglalagi hanggang sa makapanganak ako ngunit isang araw, may dumating na mga armadong lalaki. Kinuha lahat ng laman ng aking tindahan at pinagbabaril ako. Sa 8 bala na tumama sa akin, 3 ang tumama sa tiyan ko at 4 sa kamay. Nandilim ang paningin ko at akala ko katapusan ko na. Maniwala ba kayong hawak hawak ko ang anak ko nang mangyari iyon at hindi himalang hindi siya nasaktan?

Warak ang kamay ko at ang walang humpay ang tulo ng dugo. Ang mga kapitbahay ko na inaasahan kong tutulong sa akin dahil kahit madaling araw na kumakatok sa amin pag nangangailangan, pinagtawanan pa ako kahit na nag-aagaw buhay na. Iyan daw kasi, masyado akong ambisyosa kaya iyan ang napala namin. Namatayan ng kapatid at ako naman ay nabaril.

150k ang binayaran ko sa ospital sa Sultan Kudarat ngunit kailangan ko ng therapy dahil putol ang daliri ko at pinagdidikit ang hintuturo at hinlalaki ko. Hindi ko rin magalaw ang kamay ko. Dumating ang asawa ko at dinala ako sa Maynila. Sa mahigit 1 buwan ko sa hospital, umabot ng 700thousand ang nagastos namin pero ang pamilya ko, walang awa sa akin. Nasa hospital ako, nagmi-message na wala na raw sila makain sa bukid at kailangan na naman nila ng pera. Porque americano asawa ko, akala ay mayaman na ako.

Naubos ang pera ng asawa ko dahil sa pananatili niya sa Pinas kaya bumalik siya ng US. Nangako siyang kukunin kami ng anak niya. Umupa kami ng Condo ngunit isang beses lang niya ako pinadalhan ng pera. Wala na akong balita sa kanya kaya bumalik na naman kami sa dati. Wala akong trabaho at ang anak ko ay hindi puwedeng dumede sa akin.

Napadpad ako sa Quiapo, binenta ko lahat ng gadgets ko at mga gold. Naging tindera doon sa halagang 150pesos kada araw. Ang mga kapatid ko na lumuwas galing Mindanao, akala ko ay matutulungan ako dahil nakatapos sila ng pag-aaral ngunit pinagdamutan naman ako. Wala na raw natitira sa suweldo nila tuwing katapusan.

Nagdesisyon ulit akong mag-abroad. Iniwan ko ang anak ko sa Pilipinas. Dalawang araw palang ako sa abroad, binalik ako sa agency. Hindi ko kasi maigalaw ang isang kamay ko.

Sa aking pangalawang amo, tinago ko ang kapansanan ko. Nagustuhan nila ang ugali ko at pagsisikap kahit na ganito ang bagong anyo ko.

Sa dami ng pinagdaanan ko, masasabi kong ipinagkakait pa rin talaga sa akin ang magandang buhay. Naririto ako ngayon upang mabigyan ng magandang buhay ang anak ko. Ang mga magulang at kapatid ko, nakasandal pa rin sa akin kahit alam nilang hindi na ako kasinlakas ng dati.

Hindi man ako nakapag-aral, napatunayan ko mula sa aking mga karanasan na kaya ko rin makipagsabayan sa ibang may tinapos. Kahit bumalik ako sa dating buhay namin, kakayanin ko muling bumangon para sa anak ko. Hindi ko man natupad ang magkaroon ng diploma, magsisikap ako para sa kinabukasan ng aking anak.

Ako pala si Joice K. Delna- Montgomery, 26yrs old mula sa isang bansa dito sa Africa.

__________
NOTE: Ito ay totoong kuwento ng buhay ni Si Joice Delna (Montgomery ang surname ng asawa niya)

“Maraming pagsubok mahirap takasan kapalaran mahirap iwasan.hindi ko kailangan ang kaawaan ako hindi ko kailangan ang tulungan ako para makatayo kung saan ako nadapa.BASTA WAG LANG AKO PAGTATAWANAN At wag lang ako apakan para hindi naman ako bumaon lalu sa putik kong kinalalagyan.”

Salamat sis Joice sa pagtitiwala at sa pagbahagi mo ng karanasan!

_____________


Si Raquel Delfin Padilla ay kilalang Racz Kelly at ardipee sa kanyang pagsusulat ng buhay OFW. Isa siyang caregiver sa Canada at Siya ang isa sa co-author ng librong “Sindi ng Lampara” na lalabas sa National Bookstore sa Marso 2013.

Siya ay nagkaroon ng kauna-unahang libro na Tiis, Sipag at Tiyaga na pinarangalan ng Commission on Filipinos Overseas ng Office of the President bilang best book sa nakaraang 2012 Migration Advocacy and Media Awards.