You could put your verification ID in a comment Or, in its own meta tag Or, as one of your keywords

Mga Hagulhol sa Disyerto

'Saharat' - Mousepainted by Tasio Espiritu

September 10, kaarawan ng tatay ko ngayon. Dapat tumawag na ako sa kanya para itanong kung ano ang handa nya sa kanyang kaarawan. Dapat nagtext na ako sa kanya ng ‘I love you papa’. Sa totoo lang, hindi ako nagdiriwang ng kaarawan dahil labag iyon sa aking paniniwala. At saka ang pagsabi ng “i love you” , kahit pa sa sulat or sa text message ay nakakailang para sa aming mag-ama, parehong lalaki at lalo na sya ang unang mentor ko ng self defense.

Mahalaga sa akin ang bawat September 10 dahil sa araw na ito lamang ako may lakas ng loob na makapagtext ng “i love you papa” sa tatay. Subalit sa araw na ito, sa September 10 na ito, wala na akong mapagtextsan ng “i love you papa” dahil wala na sya.

Mga Hagulhol sa Disyerto

March 13, 2013, Miyerkules, ala una ng umaga sa Saudi, nang makita kong may misscall ang tatay ko sa mobile phone ko. Alam ko na may problema dahil unusual na tatawag ang tatay ko ng ganyang oras kaya tumawag ako kaagad. Tatlong ring muna bago may sumagot sa phone pero walang salita.

Inaasahan ko yong malambing na boses at ang salitang “Jim?” pero wala, kaya ako na ang unang nagsalita

“Pa anong problema”…..

Ilang segundo pa at may nagsalita na ng “Manoy, wala na si papa”, sabay hagulhol ng iyak at ibinigay nya ang phone sa aming nanay.

Gulat, nabigla di ko alam kung ano ang gagawin. Kinausap ako ng nanay nang mahinahon tungkol sa pagpanaw ng tatay habang ako ay humikbi at pigil sa pagiyak ng todo dahil ayokong maging dagdag na alalahanin ng nanay. Sinabihan ko ang nanay na okay lang ako, at dapat maging malakas sya dahil nandito pa naman kaming mga anak nila ni Papa. Mahirap ang ganung sitwasyon, ang nanay ko ay pigil sa kanyang emosyon para hindi ako mag-alala habang ako naman ay pigil din para hindi sya mag-alala.

Pagkatapos ng pag-uusap namin ng nanay ay doon na ako sumigaw at umiyak ng sobra. Hindi ako palaiyak na tao dahil sinanay ako ng tatay ko na maging matatag pero alam ng tatay na kung iiyak ako, mahirap na akong patigilin pa. Sa mga oras na yon, wala akong matawagan na mga kaibigan na nakaranas na nawalan ng magulang.

Binuksan ko ang quranexplorer.com at nakinig ng Surah Al Yousuf, ang panglabin-dalawang (12) surah ng Banal na Quran tungkol sa kwento ng buhay ni Yousuf (Joseph) ng mawalay sa kanyang ama na si Yaquoub (Jacob). Napakalaking tulong at nakapagaan sa Kalooban.. Katulad ni Joseph, umaasa din ako na magkakita pa kami ng tatay ko, pero sa kabilang buhay na lang.

Nang marinig ko ang Adhan para sa Fajr, dumiritso na ako sa masjid at tuloy pa rin ang aking pag-iyak at pigil na hagulhol habang nagdarasal. Miyerkules yon at huling araw ng trabaho ng linggo, kailangan kong pumasok sa trabaho para maiprocess ang mga papers para sa aking pag-uwi. Sinabi ko sa boss ko ang nangyari at nakiusap ako na kung pwede ay mapaaga ang aking pagbakasyon.

Sunod-sunod na pakiramay.. Hindi ako sanay, hindi ako sanay na may mga taong magcomfort sa akin, hindi ko role na ako ang papayohan at dadamayan. Pinalaki ako ng mga magulang ko na matatag, malakas at matapang, pero sa araw na mga yon, biglang nawala ang katatagan ko, ang kalakasan at ang katapangan ko. Papano na ako ngayon, wala na akong matakbuhan na dedepensa ng patayan sa akin kung may kaaway, ang umintindi sa akin sa oras ng kailangan ko ng may nanakaintindi sa akin sa mga bagay-bagay.

Ako ay nagpapasalamat sa pagdamay ng mga kaibigan at sa mga kasama sa trabaho, ramdam ko na ang maging distressed na hindi alam ang gagawin, kabaligtaran sa nasanayan kung ginagawa sa bawat araw sa Saudi. Salamat at nandiyan ang mga kaibigan at kasama sa trabaho. Sila ang nagprocess ng papers ko para sa emergency leave habang ako ay naglalakad na walang kaluluwa, wala sa isip. Nagbigay din sila ng tulong financial, isa na namang bagay na hindi ako sanay, ang pagbigyan ng kahit ano man.

Pero maraming salamat salamat sa mga kaibigan. Kay pareng Dinan, na pinaliwanag nya sa akin ang naramdaman nang pumanaw ang kanyang nanay noong nakaraang taon. At kay pareng Lito, sa pagshare ng kwento ng pagpanaw ng kanyang tatay noong nasa kulongan sya. Kay Kiko at kay Utol Roland, na nagsabi sa akin na swerte ko nga at nakaranas ako na pinalaki ng aking tatay. Nakakagaan ng pakiramdam ang may mga kaibigan na dadamay sa yo. Alam ko na pagtatawanan nila ako ngayon kung ipadescribe ko sa kanila ang hitsura ko kung iiyak. Ang pangit ko kasi lalo kung iiyak na eh.

Kinabukasan, Huwebes, nagkaroon kami ng street dawah with sheik Eisa at nameet ko rin sina Kuya Bong at Ate Weng Garan na sa hindi inaasahan ay pumanaw din ang tatay ni kuya bong sa sumunod na Linggo..

Tuloy-tuloy ang aking pagtawag sa Pilipinas dahil nag-alala ako sa aking nanay at mga kapatid. Alam ko ako ang pinakamatatag at inaasahan nila ang katatagan ko sa mga oras na yon. Sasadyain ko ang pagtawag kung katatapos lang ng matinding paghagulhol.. Kailangan ko ring malaman at maulit-ulit nilang sabihin kung ano ang last words ng tatay ko.

Sa oras ng salah hindi na ako sumama sa takdang oras (jama’ah) ng pagdarasal dahil nahihiya akong makakaabala pa sa mga kasabayan sa pagdarasal dahil sa aking hagulhol. Sinadya ko ang magsalah na mag-isa lang, ang problema naman ay palagi akong naging imam dahil marami ding sumusunod. Alhamdullilah napigilan ko ang mga pag-iyak kung alam ko na may mga tao na sumusunod sa aking pagdasal.

Kung gusto kong umiyak magkulong ako sa kwarto at kung sa palagay ko ay hindi na kakayanin ng aking puso at maramdaman na parang puputok na ang mga ugat sa aking batok, kailangan kong pupunta ng masjid at magsalah, magsujood. Ramdam ko na kinausap ako ng Allah.

Sa Jumaa (Friday) prayer, hindi na pwedeng humiwalay ng pagdarasal sa mga kapatid ko na Muslim… Ako ang pinakahuling umalis, ibinuhos ko ang aking iyak sa bawat sujood (prostration) at hindi ko na namalayan na wala na ang mga tao sa loob ng masjid. Nagpa-iwan pa rin ako  at hindi tumigil sa pagdarasal hanggang hindi tumigil ang luha. “Yah Allah gusto ko makakasama sa paraiso ang tatay ko”. Sa bawat sujood naalala ko ang lahat ng pag-uusap namin ng tatay sa phone.

Naalala ko lahat ng mga salita at yon ang nagbigay sa akin ng pag-asa na kailangan ko lang kumpirmahin. Hindi ko namalayan kung ilang minuto ako nakasujood basta pag-angat ng noo ko, wala nang tao sa loob ng malaking masjid. maliwanag, maaliwalas ang paligid. Maaring sabihin ng iba na dahil nabuhos ko ang lahat ng luha ko, hindi,,, alam ko at ramdam ko na ang Allah umakay sa akin.

Lumabas ako ng masjid, nawala ang tsinelas ko, ang natira ay isang bulok na tsinelas na hindi ko rin maaring gamitin at baka may nagmamay-ari noon. Umuwi ako ng bahay na nakapaa. Tanghaling tapat, ang init ng kalsada, “Yah Allah kung ito man ay pagsubok kung gaano ko kagusto na makasama ang tatay ko sa paraiso, kahit pabalik-balik pa ako sa masjid na nakapaa.”. Pagdadaan ko ng riyalin, kalahating kilometro ang layo, bumili ako ng tsinelas.

Sa gabi naghapunan kami kasama sina Sheik Kholagi, mga Zapanta (Sina nanay Maymona at si Rosemay) at mga kaibigan natin na taga embassy at sa Patnubay. Isa rin sa nagbigay sa akin ng pag-asa ay ang isang hadith na sinabi ni Sheik Kholagi tungkol sa isang prostitute na napunta sa paraiso dahil sa pagpainom nya ng tubig sa nauhaw na aso. Ang mga magulang ko po ay mapagmahal ng mga hayop, na kahit mga manok ay ayaw katayin dahil may attachment na sa kanila.

Gusto ko lang balikan ang huling pag-uusap namin ng tatay sa phone. Nalaman ko kasi sa aking kapatid na may heartburn ang tatay pero okay na daw.

“Sabi ko sa sarili jim, ito na”
Anong ito na?
“na oras ko na, lahat naman tayo talaga ay papunta dyan”
Ah hindi.. (hindi ko naman talaga inisip na mawala si papa, at hindi yan dumating sa isipan ko kahit kailan)
“Jim, sorry sa lahat kung nasaktan ko kayo noon, nagsisi ako at bakit ko ginawa yon. “
Pa, wala akong hinanakit sa inyo kahit kailan, at kung ang dahilan ay yong sinabi ko sa iyo noon noong isinilang si jimar na “kahit kailan hindi makatikim ng palo ito sa akin” dahil alam kong masakit yon sa damdamin para sa bata. Pero papa wala akong hinanakit sa yo. At nagpapasalamat ako sa yo na ganun ang disiplina na ginawa nyo sa akin. Tingnan nyo ngayon, kay jimar, tinanggalan nila ako ng lahat ng karapatan bilang ama…

Marami akong dapat ipapasalamat sa iyo. Dahil noong nagkagulo ang marriage ko, ikaw lang ang umintindi sa akin.. ikaw lang ang kumampi sa akin.

Pinalaki nyo ako ng maayos. Kung hindi dahil sa inyo ni mama, malamang saan ako pupulutin ngayon. kung hindi kayo ang naging magulang ko, makakatapos kaya ako sa pag-aaral o kahit elementary man lang? Pero dahil nandyan kayo, hinuhubog yong ibang aspeto ko para ipakita sa mundo na may kakayahan ako na hindi kaya ng iba. Lalo na sa yo, tinuruan mo akong lumaban, naging matapang at walang pwede mangbully sa akin. Sa halip ako pa yata ang naging bully.

Kung hindi dahil sa iyo hindi ako maging Muslim. kung hindi dahil sa kalayaan na binigay mo sa amin na pumili ng sariling relihiyon, kahit ano pa ang sasabihin ng mga tao ay nandyan ka kakampi namin na pamilya mo.

Kaunting Pag-asa

March 3, tinanong ako ng tatay ko sa phone, “papano ang tamang pagdarasal jim”. Ang sagot ko naman, “ang pinakauna papa ay dapat malinis ka, maghuhugas or mas maganda ang maliligo. At ito yong paraan (I explained wudhu and ghusl).

“Ano ang sasabihin ko” tanong nga tatay ko. Sagot ko naman ay “Ang pinakauna mong sasabihin ay humingi ka ng tawad. dahil sa paghugas at paglinis ay ang panglabas lamang ang nalinis. Sa paghingi ng tawad ang iyong kalooban ay nalinis rin at katanggap-tanggap ng Allah ay iyong panalangin. then magdasal ka na sa gusto mong sasabihin”

Tanong na naman ang tatay ko, “Nasaan na yong hiningi ko sa yo noong nagbakasyon ka noong 2010. yong palagi mong binibigkas?”. “Ah ang surah al Fatiha.”. Binigkas ko sa kanya ang Surah Al Fatiha at inexplain ko sa kanya line by line.

“at humarap ka sa west pa dahil nandon ang makkah..ang jerusalem para sa mga kristyano ay nasa west din… wag direkta sa araw kundi ilihis mo ng kunti dahil kung idirekta natin sa araw mahalintulad tayo sa mga pagano na nagsamba ng araw”

“at tawagin mo syang Allah”.. hiling naman ng tatay ko ay “Pwede Ginoo ang itatawag ko sa kanya jim? di kasi ako sanay maliban sa “Ginoo”. Ang sagot ko naman ay “Ginoo (in bisaya) means Rabb kung sa English ay Lord, pwede yon Pa kung doon ka comfortable.” (balak ko kasi sa paguwi ko ay magdawah ako sa tatay ko kaya, hindi ko sya pinipilit na magsalita ng pangalan ng Allah.

March 13, pumanaw ang tatay ko, umuwi ako na malaki ang panghihinayang na hindi ko siniseryoso ang pagpakitang interest ng tatay ko sa aking paniniwala. Kaya di mabilang ang daming iyak ko noon, at pinagdasal ko sa Allah na magkikita pa kami ng tatay ko sa kanyang paraiso.

Huling Pagkikita at Buhay na Pag-asa

Nang makarating ako ng Leyte, nag-alinlangan akong lalapit sa kabaong at baka di ko kakayanin tingnan ang tatay ko. Inakbayan ako ng kapatid ko para samahan akong matingnan si tatay.  Ang gwapo ng tatay ko at para lang syang natulog, alam ko na hindi sya nahirapan sa kanyang pagpanaw. Naging panatag ako at nabuhayan ng pag-asa na magkikita pa kami muli sa kabilang buhay.

Tinanong ko sa kapatid ko at sa nanay ko kung ano ang ginawa ng tatay ko sa mga huling araw ng kanyang buhay.  Ang sabi ng kapatid ko, ay pinalabas daw sya ng tatay ko sa kwarto dahil magdasal ang tatay, naglagay sya ng upuan at humarap sa west.

Sabi naman ng nanay ko ay noong huling gabi ng tatay ko. ay naligo ito at tinawag sya para magpasabon at magpalinis ng kanyang likod.

Nang naghingalo na daw ang tatay ko ay ito daw ang kanyang mga huling salitang binitawan.

1. Ginoo (Lord), patawarin mo ako sa lahat ng aking kasalanan.
2. Ginoo (Lord), wag mo akong iwan
3. Ginoo (Lord), kahit saan ka magpunta sasama ako sa yo
4. Maraming salamat Ginoo (Lord)

Malinaw na nakinig ang tatay ko sa aking mga sinabi noong huli kaming nag-usap. Malaki ang panghihinayang ko at kung alam ko lang sana ay inaraw-araw ko syang kinausap tungkol sa Islam. Pero naniwala ako sa habag ng Allah para sa kanyang mga nililikha ay hindi masusukat. Ang tatay ko ay walang relihiyon, at hindi sumasamba ng mga santo. Ang aking pagkaMuslim ay dahil sa mga salita nya na hindi ko alam noon kung saan nya hinugot. Naalala ko na lahat tayo ay isinilang na Muslim, at naging ibang relihiyon lang tayo dahil sa impluwensya ng lipunan. Naalala ko ang lola ko noon ay nagsabi na yon tatay ko ang pinakapasaway dahil hindi nagsisimba at lalong hindi naniwala ng mga santo. Ang palaging sinasabi ng tatay ko kapag may magawa kami ng mali noon, “alalahanin nyo na palaging nakatingin si ‘I Am’, kaya ano man ang maling ginawa natin ay hindi natin kayang itatago sa kanya. Pero respetuhin mo ang paniniwala ng iba”.

Ang lahat ng pagkatao ko ngayon, ay utang na loob ko sa aking mga magulang. Ang prinsipyo at pakipaglaban sa katotohanan, patas na laban, at katarungan ay sa tatay ko yan nakuha. Pilit kong pinayohan ang aking sarili na ang tatay ko ngayon ay nasa paraiso. Subalit yong panghihinayang na hindi ko sya napa-Shahada ang palaging nakapagpalungkot sa akin.

Ang tatay ko na palagi akong pinaniwalaan at kinampihan sa lahat ng bagay ay ako ngayon ang kanyang pag-asa. Mula sa habag ng Allah umaasa ako na ang aking mga dua para sa tatay ko ay Kanyang tatanggapin. Ngayon, pilit kong iniiwasan makasakit ng kapwa, na iwasang magkakasala sa lahat ng pagkakataon. Naglagay ako ng pressure  sa sarili. Hindi na ito para sa akin para mapunta ako sa Paraiso, kundi para kaawaan ako ng Mahabaging Allah na makakasama ko ang tatay ko sa Paraiso na ipagkaloob Nya para sa lahat ng naniniwala at nagsamba sa Kanya.