DEPARTMENT OF OFW – Bakit Kailangan na Madaliin?

Share this:

Happy International Migrants Day sa lahat ng mga OFW saan man panig ng mundo.

Dalawang taon na mahigit ang lumipas mula nang tayo ay magkasamang lumaban kontra sa NAIA Terminal Fee, sa Bukas Balikbayan Boxes at sa Laglag bala.

Pitong taon na ang lumipas mula nang tayo ay magkasamang lumaban sa sapilitang paniningil sa atin noon ng Philhealth at PAGIBIG para makakuha ng OEC para makabalik sa abroad.

Labin-dalawang taon na ang pangalan ng ating samahan sa pag-alalay sa kapwa OFW.

Labin-dalawang taon na pagsisigaw ng tamang serbisyo mula sa mga ahensya ng ating gobyerno.

Labin-dalawang taon na nagkakaisa tayo sa parehong hangarin, “Ang maprotektahan ang karapatan at kagalingan ng ating kapwa OFW.”

May mga pangarap tayo noon na hindi natin akalain ay mangyayari sa ngayon.

Mayroon na tayong pangulo na lantaran ang pagsuporta sa ating mga OFW.

Sa Malacaniang mismo ay may OPA-OFW na masusumbongan at mahingan natin ng tulong at ng ating mga pamilya.

Mayroon na tayong boses sa kongreso na marami nang panukalang batas ang naisumite para sa ikakabuti ng nating mga OFW at ng ating mga pamilya.

Isa sa mga panukalang batas na yon ay ang pagkakaroon ng “Department of OFW”

Department of OFW. bakit ito kailangan ng mga OFW at bakit ito dapat madaliin?

Sa labin-dalawang taon natin, marami na tayong naireklamo na mga pabaya at tiwali na mga tauhan ng gobyerno dahil sa halip na nakatulong sa OFW ay pinahamak pa nila.

May nangyari ba sa ating mga reklamo? Wala, narecall lamang ang ating mga inireklamo, tapos nailipat sa ibang bansa sa parehong katungkulan o mas mataas pa.

Bakit? Dahil sa parehong ahensya o departamento lamang bumagsak ang ating mga complaints, sadyang tinabunan, hinayaan, pinatulog at kinalimutan.

May mga pina-recall tayo sa panahon ni GMA, ibinalik naman sa parehong bansa, sa parehong posisyon sa panahon ni PNOY.

Kahit sa panahon ni PRRD, isang labatt ang pinarecall at pinahiya ni SecLab sa mga balita pero paglipas ng ilang buwan lamang ay naassign na naman sa ibang bansa sa mas mataas pa yata na katungkulan.

Karamihan sa mga OFW ay madaling makalimot at magpatawad pero ang PATNUBAY, as Migrant advocates; na tinatambakan sa araw-araw ng mga hinaing ng mga kapwa OFW, na nasa frontline sa pagsisigaw ng katarungan para sa kapwa OFW.. ay palaging nasasaktan dahil,”Talo na naman ang mga OFWs”. “Talo na naman ang katotohanan at katarungan”

Hindi sana mangyayari yan kung may isang Departament of OFW na ating masusumbongan at makikipaglaban para sa atin.

Ang RA8042 of 1995 at ang RA10022 ng 2010 ay mga batas na maganda sana kung ginagalang ito ng mga tauhan ng mga ahensya ng ating gobyerno na dapat unang magpapatupad nito.

Walang “country team approach” para sa kanila!

Ang salitang “assist” na “tulong” sana ang ibig sabihin, ay naging “assist” ng larong basketball para sa kanila.

Hindi sa amin yan doon yan sa polo! hindi sa amin yan doon yan sa embassy!

hindi sa amin yan doon yan sa riyadh. hindi sa amin yan doon yan sa jeddah!

ang resulta patay na ang OFW. ang resulta nailibing na ang OFW na hindi nila alam.

– Ang “contract verification process” ay exploited pa nila!

Ang contract na dala ng OFW mula sa Pilipinas ay walang silbi dahil ibang pangalan sa tunay na amo o company o di kaya iba sa tunay na profession ang nakasulat.

Kung magkabistohan na.. magpapasahan na naman sila.

sasabihn ng polo, “ang agency ang may gawa nyan eh. repro yan. eh”

sabihin naman ng agency, “ligal yan eh, galing yan sa polo eh. nagbigay nga ng oec ang poea eh, at nakalusot yan sa airport eh”

sasabihin naman ng poea “verified ng polo ang contract eh. nakalusot nga sa airport eh. so ligal yan eh.”

sasabihin naman ng immigration sa airport, “verified ng polo eh ang contract ng agency eh, at may oec eh.”

kaya tuloy sa isip ng OFW “eh, ehngot pala kayo lahat eh..”

Wala silang pakialam sa subsistence allowance mula sa mandatory insurance na dapat matanggap ng mga newly hired OFW kung magkaproblema sa abroad.

“Sir sabi ng PATNUBAY ay entitled daw kami ng subsistence allowance na 100USD per month for 6 months.”

“Di ko alam yan, sinabi ng PATNUBAY? di doon mo yan hingin sa kanila.”

O di kaya yong mga nangyari sa mga OFW na entitled sana ng 6 months salary mula sa mandatory insurance dahil nanalo sila sa kaso laban sa nagsara na na agency.

“Dismissed ang case mo Inday dahil sarado na ang agency mo at hindi mo alam ang address ng may-ari ng agency na padadalahan namin subpoena.”

“Dodong, entitled ka sana ng 6 months salary mula sa insurance, ang problema expired na ang insurance mo nang maibaba ang hatol ng NLRC.”

Kasalanan pa ng OFW ang kanilang kapabayaan at kabagalan!

Hindi na mangyayari ang mga yan kung may isang Department of OFW na ating masumbungan at makipaglaban para sa atin.

Mayroon tayong pangulo na suportado ang pagkakaroon ng Department of OFW. Mayroon na tayong boses sa kongreso na nagpasa na ng batas para maipasakatuparan ito.

Ang problema ay ang bagal maaprubahan dahil karamihan sa mga mambabatas, sa kongreso man o sa senado ay napakabusy sa usaping politikal at sa pag-iisip sa susunod na eleksyon; kesa gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin na gumawa at mag-aproba ng batas.

Dalawang linggo na lang, taon 2018 na, isang taon at kalahati na lang ay mag-eleksyon na ulit. Paano kung mamalasin tayo at mawalan na naman tayo ng boses sa kongreso? May magkakaroon pa kaya ng interes para isulong na magkakaroon ng Department of OFW?

Maaring may magsasabi na, “Okay lang dahil suportado naman ng ating Pangulo ito.”

Totoo, pero kailangan ng Pangulo ang ating suporta. Inaasam-asam at hangad nya rin na maipasakatuparan ito dahil ipinangako nya ito sa atin noong nakaraang eleksyon.

Ang OPA-OFW ng Malacaniang kahit napakahusay nila ay limitado lamang ang kanilang kayang galawan. At sa pagkatapos ng term ng ating pangulo, ay maaring kasabay din silang mawala.

Kaya kailangan maaprubahan ang batas para mananatiling may masumbongan tayo at may makipaglaban para sa atin.. kahit hindi na pangulo si PRRD, kahit wala pa tayong boses sa kongreso.

Magtulongan tayo sa pag-iingay para mapilit ang kongreso at senado na tumigil na sa mga walang kabuluhang hearings at atupagin nila na maipasabatas na kaagad ang pagkakaroon ng Deparment OFW. Ngayon na!

Drafted by Abu Bakr Espiritu
as posted in Patnubay Online FB Page
PATNUBAY.org

Related Links

OFW mga Bayaning Inaapi at Kinukotongan ng Gobyernong Naligaw sa Tuwid na Daan
https://www.facebook.com/PatnubayOnline/posts/980867391963535/

OFW Speak “No To 550 Pesos Airport Terminal Fee, No To Corruption
https://www.facebook.com/pg/PatnubayOnline/photos/?tab=album&album_id=855373471179595

Our Fight Against BOC’s Bukas Cargo.
https://www.facebook.com/pg/PatnubayOnline/photos/?tab=album&album_id=986655248051416

Share this: