Mag-ingat at huwag maging biktima ng “Text Message Scam” na “Smishing”

Share this:

Mag-ingat at huwag maging biktima ng “Text Message Scam” na “Smishing”

Nawalan ng pera ang bank account ng isa nating kababayang OFW sa Riyadh. Eto ang sumbong natanggap natin mula sa biktima nitong nakaraang linggo lamang. At base sa kanyang salaysay, napagalaman natin na sya ay naging biktima ng text message scam o SMISHING.

Ang Smishing ay isang uri ng SCAM sa pamamagitan ng pagpapadala ng text message. Pero iba ito sa mga ordinaryong text message scam sa Pilipinas kung saan ay makakatanggap ka ng text message na nanalo ka ng malaking pera at kung kakagat ka ay hihingan ka ng pera na umano ay para daw sa pag-process ng iyong premyo.

Ang Smishing ay mahalintulad sa PHISHING. Kung ang Phishing ay sa pamamagitan nang paggamit ng fake email account o social media account, ang Smishing ay sa pamagitan ng SMS o text message. Kaya tinawag itong Smishing dahil sa pinagsamang mga salita na “SMS” at “Phishing”.

Katulad ng Phishing, ang motibo ng Smishing ay ‘manakaw’ mula sa ‘madaling malinlang’ na mga biktima ang mga personal information tulad ng pangalan, birthday, bank account number, national id o iqama number, at iba pang pagkakakilanlan.

Ang kadalasang nilalaman ng text message ay ang pagpapakilala na ito ay mula sa bangko at kaya sila nagpadala ng SMS ay dahil kailangan ng nakatanggap ng message na mag-update ng kanyang bank account. May telephone number na dapat tawagan o isang link na dapat daw i-click para sa paga-update ng account. Ang SMS ay mula sa isang personal mobile number o di kaya naman ay ‘generated’ mula sa internet.

Katulad nang nangyari sa nagsumbong sa atin na OFW na nawalan ng pera sa kanyang bank account. Nagkataon na bagong renew ang kanyang iqama. Kaya ang akala niya ay totoong mula sa banko ang natanggap na mensahe. Tinawagan nya ang mobile number na nakalagay sa text, ibinigay nya ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanya at tungkol sa kanyang bank account. Kinabukasan ubos na ang pero nya. Ganyan kadaling malimas ang pera natin kung hindi natin alam ang SCAM na ito.

Minsan ang link ng website mismo ng banko ang nakalagay sa text para magmukhang kapanipaniwala. Pero ang kadalasan ay fake website na sa oras na i-click mo pa lang ay makukuha na agad ang mga impormasyon na nasa iyong phone bago mapunta naman sa fake website na hihingin na ang iyong mga personal information.

HUWAG MAGING BIKTIMA ng Smishing kaya’t laging ang tandaan ang mga sumusunod:

  1. HINDI nagpapadala ang banko ng text message na personal mobile number ang gamit.
  2. HUWAG magreply sa text message. Pinapadala ng mga manloloko ang text message “by bulk” at hindi nila alam kung alin sa mga pinapadalhan nila na numbers ang active o hindi. Kung ikaw ay magreply sa text, markado ka na nila.
  3. Ang mga banko ay may mga HOTLINE numbers na nagsisimula sa 800 o 9200. at yon lang ang dapat mong tawagan kaya kabisaduhin ang mga ito.
  4. Kung may magpakilala na tiga-banko, dapat ang gamit nyang phone ay mula sa landline ng branch ng banko.
  5. Kung may mga tanong ang kawani ng banko, ito ay ‘random question’ para matukoy kung ang kausap nila ay ang totoong may-ari ng bank account. HINDI hinihingi ng banko ang LAHAT ng personal information.
  6. HINDI hinihingi ng banko ang pin code at cvv number ninyo.
  7. HUWAG i-click ang anumang external link.
  8. DAPAT kabisaduhin ang website ng banko at ito ay gamitin mo lamang sa pamamagitan ng mapagkakatiwalaang web browser or legit apps.
  9. Kung may pag-alinlangan, magtanong mismo sa opisina o anumang sangay ng inyong banko.
  10. Kung kayo ay biktima ng phishing or smishing, sadyain mismo ang pinakamalapit na opisina ng banko at humingi ng payo kung paano ma-secure ang inyong bank account.
  11. Kung kayo ay biktima na ng phishing or smishing, posibleng HINDI na maibalik sa iyo ang perang pinaghirapan mo, dahil hindi naman nagkulang ang mga banko sa kanilang mga babala at paalala na huwag pumatol sa mga sms o mga tawag at maging sa mga e-mail na nagpakilalangbsila ay mga kawani ng banko.

Sana itong article na ito ay nakakatulong sa ating mga kapwa OFW.

Maraming salamat.

Share this: