Habang ang aking mga paa’y walang kapagalan;
Habang may nananalaytay na dugong nagpapainit ng aking pakiramdam;
Habang malinaw pa ang aking paningin;
Habang matalas pa ang aking kaisipan;
Patuloy akong maglalakbay,
Patuloy akong hahakbang tungo sa aking walang katiyakang destinasyon..
Habang may natatanaw akong sikat ng araw;
Habang may buwang tumatanglaw sa aking landas;
Habang may simoy ng hanging dumadapyo upang pawiin ang aking pagal na
katawan;
Habang may puno pa akong nasisilungan;
Patuloy akong maglalakbay,
Patuloy akong hahakbang tungo sa aking walang katiyakang destinasyon….
Habang sa akin ay may umaasa;
Habang sa akin ay may naghahanap ng kasagutan sa kanilang mga katanungan;
Habang may sumasandig sa aking balikat;
Habang may nais pang maniwala at magtiwala sa akin;
Patuloy akong maglalakbay;
Patuloy akong hahakbang tungo sa aking walang katiyakang destinasyon…..
Habang ako ay naniniwala na may Pwersang mas higit sa kalikasan;
Habang ako ay nanampalatayang mayroong Isang nagbibigay ng Buhay;
Habang ako ay naniniwalang ang Salita Niya ang tanging Gabay;
Patuloy akong maglalakbay,
Patuloy akong hahakbang sa aking walang katiyakang destinasyon…..
Dahil ang buhay ay patuloy na pakikibaka;
Dahil ang buhay ay patuloy na hamon,
Dahil ang buhay ay patuloy na pagsalunga,
Dahil ang buhay ay patuloy na paglalakbay,
Sa isang destinasyon walang katiyakan….
Pero habang may Bathalang umaalalay at gumagabay, ang kasagutan ay nasa sa
aking mga kamay …. kaya’t patuloy akong maglalakbay!
Ka Ronnie Abeto
Khurais
Ika-12 ng Hunyo 2007
—- xXx —-
Pakiusap, Garci..
O Garci, masdan ang ginawa mo
Nagkakagulo ang lahing Pilipino
Dahil sa tila niyari mong mga boto
Na nagluklok ng di tama sa isang tao;
O Garci, nawa’y pakinggan mo
Ang tanging samo naming mga Pilipino
Kabilang na ang maliit na boses ko
Boses ito ng migranteng Pilipino;
O Garci tanging ikaw lamang
At walang iba kundi IKAW!
Ang susi sa ikalilinaw
Sa mga kaguluhang nakapapanglaw.
O Garci, minsan ka lang binigyan ng buhay
Ng Poong Maykapal na Makapangyarihan
Hiling kong muli mo itong ialay
Ng may kabanalan sa tunay na Nagbigay.
O Garci tinig ko ma’y paos at pagaw
Batid ko na sa iyong balintataw
Ang bulong na ito’y naghuhumiyaw
Alang-alang sa katotohanang dapat na lumitaw;
O Garci, minsan ka lang Niyang binigyang-buhay
Babawiin Niya ito ng minsan rin lang
Kaya O Garci, ialay mo ito ng may dangal
Para sa iyong sinisintang Inang-Bayan.
O Garci, mangibabaw nawa ang dakilang mithiin
Krisis na ito ay resolbahin;
Bulong mo lang O Garci sa titik ng KATOTOHANAN
Mapapalaya mo ang SAMBAYANAN,
Kaguluhan ay MAPAPARAM,
Mapagsamantala’y MASASAGKAAN,
Mapapanumbalik ang KAPAYAPAAN,
O Garci, pakiusap ko lamang;
Para man lang sa KABATAAN
At sa susunod pang mga ANGKAN..
Pakiusap …..
Pakiusap…………
PAKIUSAP…..O Garci!
Ronnie Abeto
PMTF / Elagda / ICOFVR / RISAL / V-TEAM
Yanbu – KSA
Ika-5 ng Setyembre 2005