Ang araw ay dumating, oras na nang paglisan,
Luha’y unti unting dumaloy sa pisngi ng mga kaibigan,
Puso’y nalulumbay, kay hirap ng pagpapapaalam,
Kay hirap sambitin, ng puso’y hindi magdaramdam.
Sa tuwing aking mamamasdan, malungkot na mga ngiti,
Pilit na nagsasaya, damdami’y puno ng pagkukunwari,
Ang puso’y tila nasusugatan, sakit doon nagkukubli,
Upang sakit ng paglayo, sa labi’y hindi mamutawi.
Batid ko ang lahat, pagmamahal aking nadarama,
Kayo’y naging bahagi, ng buhay mula pa ng umpisa,
Kayo ang aking kapiling, sa lungkot, dusa at saya,
Kayo ang naging sandigan, sa pagluha’t mga problema.
Batid nyo din ang lahat, mga sakit na pinag daanan,
Ng panahong yakap ninyo, ang naging lakas ko at tapang,
Mga panahong inakala ko, pag asa’y di na masusumpungan,
Sa panahon ng pag iisa, kayo ang aking natagpuan.
Kay daming panahon, ang kay bilis lumipas,
Noon tila ba, lahat ay hindi kumukupas,
Ngunit ang buhay tulad ng dahon, ito ay nalalagas,
Upang magbigay daan, sa isang magandang bukas.
Ako ma’y nalulungkot sa aking pag alis,
Ngunit tanging kaligayahan lamang aking ninanais,
Ang inyong nadarama, batid ko at labis,
Ngunit huwag malumbay, pagkat kayo’y di ko matitiis.
Walang paalam kaibigan, aking sasambitin,
Pagkat nais kong sa puso, kayo’y aking dalahin,
Ang masasayang alala, lagi kong sasambitin,
Mga luhang pinagsaluhan, lakas ang bigay sa kin.
Maraming salamat, mga mahal kong kaibigan,
Nawa paglipas ng panahon, hindi nyo ako malimutan,
Sa isang sulok ng puso ko, kayo ay aking iingatan,
Matatamis na pinagsaluhan, ang lagi kong babalikan,
Huwag ng lumuha, mga mahal kong kaibigan,
Darating ang panahon, kayo’y muling matatagpuan,
Tanging hangad ko, kayo ay laging patnubayan,
Diyos ang gumabay, lahat ng pagsubok mapaglabanan.


