Noon akala ko madali ang maging isang nanay…matuto ka lang na mag-alagang mabuti sa mga anak mo, pasado na. maging maasikaso ka lang sa mga pangangailangan ng mga bata, mabuting ina ka na…pero sa pagdaan pala ng panahon, kasabay ng paglaki ng mga bata, lumalaki rin ang responsibilidad mo, ang pananagutan mo. di na sapat yung naipagluluto mo sila ng pagkain nila araw-araw, na nabibigyan mo ng baon sa kanilang pag-aaral, na naiaayos mo mga pangangailangan nila sa pananamit at iba pang bagay…hay, hindi pala ganun lang ang maging isang nanay.
Ngayon na isa na rin akong ina, halos 23 taon na nga buhat ng maisilang ko ang panganay namin…ngayon ko naaalala yung mga nagawa ng NANAY ko para sa akin, para sa aming magkakapatid…ung pagtulong niya sa Tatay ko na makapaghanapbuhay din sa pamamagitan ng pananahi at pag-aalaga ng manok at baboy, pag-aalok ng kung anu-anong paninda, ung pagiging tagapagsalita ng aming pamilya kapag may mga usaping dapat iresolba, ung pangangaral niya sa amin tungkol sa mga turo din ng ina niya, ung paglilingkod niya sa pamayanan, ung mga pag-aalala niya sa akin kapag ako’y ginagabi sa pag-uwi dahil sa kung anong pinagkakaabalahanan nung nasa kolehiyo pa, ung pagtanggap niyang muli sa akin nung may nagawa akong isang bagay na nagpabago sa takbo ng buhay ko…at marami pang iba na sa ganang akin ay gayon din ang ginawa ng halos lahat ng Ina para sa kanilang mga anak.
Pero ngayon, habang pnagmamasdan ko siya na nakaupo sa kanyang silyang de-gulong, ang kanyang blangkong mukha na nakatanaw sa kawalan ang tanging nakarehistro sa isipan ko, wala na rin akong marinig na kataga mula sa kanyang mga labi kundi mga ungol at impit na pag-iyak…NANAY, alam kong hanggang ngayon ay di mo pa rin matanggap ang iyong kalagayan. Nariyan pa rin sa dibdib mo ang sakit ng loob sa ginawa sa iyo ng iyong karamdaman. Hanggang ngayon ay napopoot ka pa rin dahil sa inagaw ng iyong sakit ang iyong lakas, ang iyong boses at ang iyong dating taglay na kagandahan….gayun din ang nararamdaman ko pati ng Tatay, pati ng mga kapatid ko, ng mga apo ninyo…nanghihinayang kami sa lahat…kundi ka sana nagkaganyan, malaya ka pa ring makakasama namin sa mga lakarin, magagabayan mo pa rin ang mga apo mo, makakarinig pa rin kami mula sa iyo ng mga kuwento at pangaral sa buhay…napakasakit sa akin na nakikita ka sa ganyang kalagayan…hindi sapat ang isang buwan na nakakasama kita sa tuwing ako’y nauuwi sa Pilipinas…..kung maaari nga lang sana ay huwag na kitang iwan pero kailangan kong lumayo para higit akong makatulong na madulutan ka kahit konti pang ginhawa sa buhay.
NANAY, hiling ko lang sa inyo ngayon na sana ay maunawaan mo na hindi parusa ang naranasan mong karamdaman…tanggapin mo na sana nang maluwag sa iyong kalooban at nang higit mong matulungan ang sarili mo na gumaan at mapabuti ang iyong kalagayan. naririyan palagi ang TATAY sa tabi mo, hindi nagbabago ang pagmamahal sa iyo…naririto kaming mga anak ninyo at nagsisikap pa ring mapagaan ang sitwasyon ninyo…nandiyan din ang mga apo ninyo na hind nakakalimot sa mga nagawa ninyong pag-aaruga sa kanila noong sila’y maliliit pa.
NANAY, alam ko kung nakapagsasalita ka lamang sa ngayon, sasabihan mo ako na “maglubay ka nga, Dittas, sa drama mo”. pero ganito na ako di ba noon pa, ma-drama, mapagpa-iyak, mapagpatawa, nagdulot ng kakaibang alalahanin sa inyo noong araw, at tayo laging magka-kontra pero tayo din ang magkakampi sa ibang bagay…ung mga hilig ninyo, naging hilig ko rin…ung mga naging pagkakamali ninyo, nagawa ko rin…ung lakas ninyo at ibang ugali nakuha ko rin…pati na rin sakit ninyo, ganun din ang sa akin.
Pangarap ko, maski man lang kapiraso ng isinakripisyo ninyo para sa amin, sana ay magawa ko…kaya hangga’t makakaya ko gagawin ko ang lahat para madulutan ko pa kayo ng maayos na kalagayan…mapalad na rin ako sa pagkakaroon ng isang asawang maunawain at nagmamahal din sa inyo…swerte ko na rin ang mga anak ko na hindi nagdulot sa atin ng problema kahit malayo kaming mga magulang nila, yun ay dahil na rin sa patnubay at pangangalaga ninyo.
Maraming-maraming salamat, NANAY. Hindi sapat ang mga kataga na MAHAL NA MAHAL NAMIN KAYO…kung may maiimbento pa sanang mga salita na hihigit diyan, sana’y matagpuan ko para yun man lang ay pumantay sa pagmamahal na idinulot ninyo sa amin.
Muli ay bibilang na naman ng maraming araw at buwan bago ako muling makauwi sa atin at makasama kayo…ung makita ko muli ang pagluha ninyo sa pagsungaw ko sa pinto ng kuwarto ninyo at yung impit na pag-iyak ninyo sa muli kong pag-alis.
Hayaan ninyong sa araw na ito, muli ko kayong dakilain gaya ng mga nagdaang ARAW ng mga INA….NANAY, happy mother’s day…mula sa puso ko ito, bagama’t may diprensiya na rin ay patuloy pa ring tumitibok para sa inyo, para sa lahat.
