Isang kaugalian na ng mga Pilipinong nangingibang-bansa ang magsama-sama kung may pagkakataon rin lang, sabihin na nating isang paraan ito ng pakikipag-kapwa nila o kaya’y upang maibsan ang kanilang pangungulila sa mga kaanak at kaibigang nasa Pilipinas.
Kaugnay nito, isang grupo ng mga Bulakenyo na naninirahan na sa Bologna, Italya, ang nagkaisang magtatag ng isang samahang may layuning maipakilala ang kultura at tradisyon ng probinsiya ng Bulakan at pagkaisahin din ang mga Bulakenyo at mga kaibigan nito upang makapagtaguyod ng mga proyektong makakatulong sa mga Pilipinong kasalukuyang nakikipagsapalaran sa pamumuhay at paghahanap-buhay sa Italya at maging sa mga kababayang nasa Pilipinas.
Ang grupong ito na inilunsad noong ika-3 ng Oktubre, 2010, ay kinilala sa pangalang ALAB o ALYANSA NG LAHING BULAKENYO. Binubuo ito ng magkakamag-anak at magkakaibigan mula sa bayan ng Malolos, Hagonoy, Obando, Bocaue, Sta. Maria, Bustos, Meycauayan at iba pang karatig-bayan. May mga taga-Laguna din, Bataan, Baguio, Bicol, Ilocos at iba pang probinsiya na ninais na makisapi sa organisasyong ito. Ang mga miyembro ay pawang may mga talento sa pag-awit, pagsayaw, pagtugtog ng mga instrumento, sa literatura at arte. Dahil dito, napagkaisahan nilang buuin ang ALAB RONDALLA na kinabibilangan ng mga kabataan at mga may-idad na may talento sa pagtugtog. Inilunsad din ang ALAB SESSIONISTAS BAND na pawang mga kabataang kababaihan ang aawit at tutugtog. Nabuo rin ang ALAB CULTURAL DANCE TROUPE na magpapamalas naman ng mga katutubong sayaw ng ating bansa. Bukod pa rito ay laging may BALAGTASAN na nagaganap sa bawat okasyong kanilang isinasagawa.
Ang bumubuo ng pamunuan ay sina: Mercedita C. De Jesus, presidente; Ma.Lilia Caparas, bise-presidente; Esperanza De Jesus, kalihim; Percival Correa, ingat-yaman; Joseph Dela Cruz, taga-suri; Joy Ahumada, business manager; Rafael De Jesus, Jonathan Peralta at Vince Mangulabnan, mga PRO; Joey Perez, external committee chairman; Leo De Jesus, Rowena Tablante, Jimmy Tuazon at Bonaventur Ahumada, ang mga nasa Board of Advisers.
May pito ring komite ang samahang ito na mangangasiwa sa interes at pangangailangan ng mga miyembro: ito ay ang mga sumusunod: Music, arts at literature; Sports ; Special Projects; Education and Research; Finance; Public Service; at Youth Affairs.
Mula nang maitatag ang ALAB, may ilang programa na silang naidaos, ang PASKUHAN SA BOLOGNA noong ika-25 ng Diyembre, 2010, kung saan ay may awitan, dula at munting paligsahan sa kagandahan, ang Mis-Teyk Bologna. Nito namang ika-12 ng PEBRERO, 2011 ay ang AWITAN, SAYAWAN AT IBA PA…SA BOLOGNA kung saan ay nagdaos sila ng kasayahan at ibinalik ang mga tugtog, sayaw at awitin ng dekada 70 at 80. Isa itong proyekto nila upang makapangilak ng pondo upang mai-rehistro ang kanilang organisasyon at tuloy makabili ng mga gagamiting instrumento para sa binubuo nilang rondalla. Sinundan pa ito ng pagpartesipa nila sa pagdiriwang ng KALAYAAN NG PILIPINAS noong Hunyo 19, 2011. Nito naming Hulyo 17, 2011 ay ipinagdiwang nila ang pagtitipon ng kanilang samahan bilang paggunita sa unang asembleyang ginawa nila noong taong 2010.
Bukod pa rito, nagkaroon din sila ng briefing para sa Financial Literacy Seminar na ibinibigay ng ATIKHA at PINOY WISE kung saan ay iminulat sila sa kahalagahan ng pag-iimpok at pamumuhunan. At para na rin sa kalusugan ng bawa’t isa, nagkaroon din sila ng sports activity kung saan ang mga miyembro ay naglaro ng volleyball, basketball at bowling. Sa mga susunod na buwan ay maglulunsad muli ng mga gawaing pang-ehersisyo upang higit na mapangalagaan ang kani-kanilang isip at katawan.
Nakipagkaisa rin sila sa iba pang organisasyon sa BOLOGNA upang makapagdaos ng isang konsiyerto ng mga banda, ang LET THERE BE ROCK! Concert kung saan ay sinalihan ito ng mga banda mula pa sa Milano, Modena at Firenze. Ang nakalap na pondo mula sa konsiyertong ito ang siyang naging handog-tulong ng ALAB-Bologna sa mga special children ng SPED CENTER sa Lagundi, Plaridel, Bulacan.
Noong ika-2 ng OKTUBRE, 2011 ay ipinagdiwang nila ang kanilang unang anibersaryo ng pagpapakilala bilang isang samahan at mula sa mga handog ng mga nagsidalo ay naitaguyod nila na makapaglunsad ng relief operation sa dalawang bayan sa Bulakan, ang Hagonoy at Calumpit, na nalubog ng baha noong buwan ding iyon.
Sa kasalukuyan ay may dalawa na itong nabuong core group sa bayan ng Bulakan, ang ALAB-MALOLOS at ALAB-CALUMPIT na magiging katuwang nito sa pagseserbisyo sa mga kababayan.
Patuloy pa rin ang pagtuturo ng kanilang propesor sa musika na si Nomer Ahumada sa pagtugtog ng mga instrumentong musikal, pati na rin sa pag-awit, hindi lamang sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga may idad nang may interes pa ring matuto. Nasa plano rin nila ang maglunsad ng mga proyekto na may kinalaman sa arte upang ang mga may talento sa pagguhit, pagpinta at handicrafts ay maibahagi ang kanilang kaalaman sa iba. Sa larangan naman ng literatura, nailabas ang unang isyu ng ALAB-Balita at masusundan pa ito ng ibang isyu upang ang talento naman sa pagsusulat ang kanilang mapagtuunan.
Sa tulong na rin ng kanilang mga tagapayo na sina Leo De Jesus at Baby Tablante, na pawang may malawak na karanasan na sa pamumuno sa mga organisayon ng mga Pilipino, magpapatuloy ang ALAB sa pagtupad sa kanilang mga adhikain at layunin para sa kapwa-OFW.
Sa kabila ng mga munting problemang sumusulpot at nakaambang makabuwag sa kanilang pagkakaisa, naroon pa rin ang determinasyon ng mga miyembro na magpakatatag at makapagpatuloy sa kanilang hangarin na maipakilala sa Italya ang mga Bulakenyo at mga kaibigang taga-ibang probinsiya, na maka-Diyos, makatao at makabayan.