Ang Kalayaan para kay Timeong at Tasyo

Share this:

KALAYAAN
By: Timothy Cortez Ignacio

KALAYAAN
Simbulo ng katapangan
Tatak ng kabayanihan
Karapatan ng sino man

KALAYAAN
Dugo ang namag-itan
upang ating makamtan
ang tunay na KALAYAAN

KALAYAAN ng Mahirap
KALAYAAN ng Mayaman
Patuloy na ipinaglalaban
Kahit na sa maling paraan

KALAYAAN
ito ay para sa ating lahat
Huwag sana nating abusuhin
Bagkos atin itong PANGALAGAAN.
—–

Dungaw ng isang Malaya
by Tasio Espiritu

Hindi ko hangad ang sobrang yaman
pangarap ko lang ay tunay na kalayaan
at maka-ahon nitong lubos na kahirapan.

Subalit papano ko ba ‘yon magagawa
Mag-aral, ang taas naman ng matrikula
Magnegosyo, wala naman akong pera

Mga estudyante na naglalakad sa daan
Dala ay iphone at bukas ay ipad naman
Mga magulang pala ay baon na sa utang

Mga negosyante parehong nakakurbata
Ang hirap nilang abutin at matapobre pa
Ngiti naman dyan, kahit kindat lang sana!

Ang kalaro ko noon ng bahay-bahayan
Alak, droga at rugby na ang pinagtripan
Paraan daw para makatikim ng kalayaan.

Si nanay nasa kapitbahay na tsismusa
Si tatay naman ay ang agang tumutuma
Susubukan ko pa ba ang maging malaya?

Tunay na kalayaan ay nasa isipan natin
Wala sa salita kundi sa puso’t damdamin
Makalipat na nga ng bintanang dudungawin.
—–


Maging malaya ka, tunay na malaya!

by Tasio Espiritu

Huwag kang tumigil sumubok
Hindi ka uurong, hindi ka susuko,
Maging malaya ka, tunay na malaya

May karapatan kang mangarap
sa buhay na  puno ng mga pag-asa,
Maging malaya ka, tunay na malaya

Taas-noo mong mai-pagmalaki
karapatang tumango o tumanggi
Maging malaya ka, tunay na malaya

Sundin mo lang ang gusto mo
Huwag lang tatapak ng kapwa tao
Maging malaya ka, tunay na malaya

Huwag tatapak ng kapwa tao
May karapatan din sila katulad mo
Maging malaya ka, tunay na malaya

Maging malaya ka, tunay na malaya
Huwag mo lang aagawin ang kalayaan ng iba.

—–

Share this: