Pilipino, Saan Ka Patutungo?
ni Marizcelle Puertellano
aka Reina Emotera
Isang hibla ng buhay, kabanatang natapos,
Tila ang ba ang hininga, unti unting nauupos,
Ang pag asa at bukas, inaasahang lubos,
Sa paglipas ng sandali, unti unting nauubos.
Bawat takbo ng oras, sa bansang dayuhan,
Pagtulo ng luha, pagal na pangangatawan,
Ang bawat damdamin, naghahanap ng kasagutan,
Sa bayan aming minamahal, ba’t kailangang lumisan.
Ang bayan kong tigib, mayaman sa kalikasan,
Masisipag, matatalino, mabubuting mamamayan,
Bakit naging dayuhan, sa ibang tao’y naninilbihan,
At palalong pulitiko, inaangkin ang kaban ng aming bayan.
Ang abang Pilipinong, mahal na tunay ang pamilya,
Lumalabas ng bansa, kahit umaagos ang luha sa mata,
Baon ang pag asa, kay Bathala ay pananampalataya,
Upang kinabukasan nitong bayan at pamilya’y maisalba.
Sa bawat hakbang, sa buhay na aming tinutungo,
Ang patutunguhan, kahit may plano’y di sigurado,
Kay raming balakid, humahadllang, sumisilo,
Tila isang lubid na may tinik, sumusugat sa aming puso.
Abang Pilipino, buhay mo’y saan patutungo?
Hindi ka ba napapagod, sa mahabang biyahe mo?
Hanggang saan makakaya ang pagdurusang bigay sa iyo?
Hanggang kailan ang pangarap, iyong matatamo?
Kailan kaya makababalik sa bayang ating sinilangan?
Kailan makakapiling, pamilyang ating minamahal?
Kasalanan ba na tayo ay Pilipino ng isilang?
Bakit tila isinumpa, at putik ang nasadlakan?
Isang bansang malaya, makatao at maka Diyos,
Isang bansang ang ganda, katangi tangi at lubos,
Mamamayan ay mga dakila, ngunit bakit naghihikahos?
Saan patutungo, Pilipinong sa dahuya’y tila namamalimos?
Kalayaan lamang, tangi kong hinihiling,
Paglaya sa tanikalang nagpapahirap sa akin,
Pagkakaisa at pagbibigkis, ang dapat na adhikain,
Kalayaan makakamtan, kaunlaran ang kakamtin.
First Posted in: reinaemoterasworld.blogspot.ca