Kalayaan para sa Tambay ng Bat’ha
Ayon kay Pink Floyd
Ako si Pink Floyd, tambay ng Bat’ha
Nagmamasid, naghihintay
Padala sa pamilya, ala eh, bahala na
Konting baryang hawak, wag sana madamay
Nakakainip ang gawi ng tambay
Ang bagal dumating ng mga kalaro
Mga kapwa-tambay, pasaway
Umaasa sa barya, dodoble, lalago
Di ko napansin, parang hangin
Mga araw na dumaan, sa lucky nine
Dalawang dekada lumampas sa akin
Dumudupok din pala ang spine?
Hay naku, bahala na si Batman
Kakayanin ng pamilya ko
Pang-aral at pagkain sa hapag-kainan
Sa paglipas ng sangkatutak na mga linggo.
Madalas ang talo at pagtatalo
Pati damit di na makapagbihis
Lumayas tuloy ang sintang walang apelyido
Landas ko’y tuluyang nalihis.
Mga kalaro ko ay wala na
Mahina pa ang aking pandinig
Ha? Ano? Dito na lang ako sa sofa?
Wala nang layang umibig, oy, wala na ring tubig.
Tila preso sa sofang ito
Ang Bat’ha di na masilayan
Mga kabayan, pansinin nyo ako
Sana dumating din si Batman.
Independence Day na sa ‘Pinas
Bago man ako mauna kay Inay
Ang sakit ko ay mahanap ang lunas
Paghingi ng sorry, maialay…
Mga kababayan ko, hoy!
Hirap na ako sa pag-ikot ng manibela
Dalhin nyo ako sa mataas na kahoy
Mahal pa kaya ako nila?
Sana Panginoon ay hindi pa huli
Kahit pinudpod ng bisyo ang mga ngipin
Inabusong kalayaan ay mali
Ako at wala nang iba, sa sarili ay umalipin.