Feature Story: POKPOK AKO SA UAE

Share this:

By: Raquel Delfin Padilla

Ito ay hango sa totoong buhay ng isang kababayan na inilapit ni kapitbahay niya sa akin na nailapit ko sa Patnubay at nakarating naman sa embahada ng Pilipinas sa UAE. Pagkatapos ng tatlong linggong naging babaeng bayaran sa UAE, si Kabayan ay nasa Pilipinas na at kasama ang kanyang asawa at anak.

(c) ardipee/ Racz Kelly/ Raquel Delfin Padilla 01192013

POKPOK AKO SA UAE

Ako si Erma, 22 years old, may asawa at isang anak.

Tulad ng karamihan, nangarap din akong gumanda ang buhay namin ng pamilya ko. Kahit anong sikap namin ng aking asawa, kulang pa rin dahil hindi naman kaming dalawa nakatapos ng pag-aaral. Kung mayroon man kaming matinong trabaho, kulang pa rin sa pangangailangan namin.

Nang may nag-alok ng trabaho sa akin sa ibang bansa, agad kong tinanggap. Malayong kamag-anak naman ni nanay ang nag-engganyo sa akin kaya kampante akong mapupunta ako sa mabubuting kamay.

Cashier daw ang magiging trabaho ko roon ngunit dahil sa mas mabilis ang processing kapag tourist visa ang aapplyan, iyon ang kinuha namin. Ang biniling ticket para sa akin ay Manila-Cebu-Hongkong-UAE. May kahigpitan daw kasi kapag ibang ruta ang aking tatahakin. Hindi raw ganoon kadali kung sa Maynila ang daan ko at direktang UAE na dahil minsan, hindi raw pinapayagan ng Immigration ang ilang tourist visa holder dahil ito raw ang nagiging dahilan ng ilegal na pagtatrabaho ng Pinoy doon.

Noong nasa Cebu na ako, nakatanggap ako ng mensahe na pumila ako sa isang counter at sasabihin ko raw na mayroon akong 30,000 pocket money at magtatrabaho akong cashier doon sa UAE.

Naging maayos ang lahat at ito na, ramdam ko na ako’y isang OFW na. December 24, 2012 ako dumating doon at umattend pa ako ng Christmas party. Ang saya ko dahil feeling ko, welcome na welcome ako sa aking bagong mundo.

Kinabukasan, umiba ang lahat ng aking paniniwala. Bumagsak ang mundo ko nang malaman ko ang tunay kong trabaho sa ibang bansa. Hindi na raw ako makaaatras dahil nandoon na raw ako sa kanila at may utang pa ang aking pamilya at ito raw ay isang paraan upang mabayaran ko iyon. Hindi ako maaaring lumabas na ako lamang mag-isa. Lalabas lamang ako kung may kasama ako. Maging ito man ay ang aking mamasang o ang aking costumer. Pagkatapos ng pag-uusap namin ng amo ko, doon rin ako nagkaroon ng unang kliyente.

Paskong pasko noon nang binaboy ng isang hayok sa laman ang katawan ko. Nabigla ako sa lahat. Hindi ako makawala dahil habang ginagamit ako, may humahawak sa akin. Wala akong kalaban-laban. Habang nagsasaya ang ilang OFW at mga pamilya ko sa Pilipinas dahil pasko, ako’y umiiyak sa sinapit ko nang araw na iyon. Pakiramdam ko, napakarumi ko.

Ilang araw ang akong nanatili sa ganoon. Kapag iniisip ko ang mga sinapit ko, hindi mapigilan ang pagpatak ng mga luha ko. Pinakakaunting bilang na ang tatlong costumer sa isang araw at pinakamura na ang 500dirhams na ibinabayad sa akin. Perang hindi ko naman nahahawakan dahil diretso ito sa kamay ng mga amo kong Pinay din. Natakot akong malaman ng pamilya ko ang tunay kong sinapit kaya nag-isip ako ng paraan kung paano makalabas sa ganoong sitwasyon.

Dahil may celfon ako para raw minsan ay makontak ako ng aking mga costumer, ginamit ko ang facebook upang kontakin ang aking kapitbahay na matagal na ring OFW. Kinuha ko kasi ang tiwala ng aking mamasan at nagpanggap akong gusto ko na rin ang aking ginagawa. Naisip kong gawin ito dahil ito lamang ang paraan upang pagkatiwalaan nila ako. Noon, gusto ko lamang na ilabas ang sama ng loob ko sa aking kapitbahay. Alam ko na hindi niya ako huhusgahan dahil alam din niya ang mga sinasapit ng ilang OFWs. Hindi ko alam na siya pala ang magiging daan upang ako’y makatakas sa putikang aking kinalubluban.

Napakahabang kuwento kung paano ako nakaalis sa lugar na iyon ngunit laking pasalamat ko na ngayon ay naririto na ako sa Pilipinas at lumalaban para sa kalapastanganang ginawa sa akin ng taong aking pinagkatiwalaan. Ang aming kamag-anak na aking naging recruiter.

Para sa mga nagbabalak mangibang bansa, huwag agad magtiwala sa kahit na sino. Pag-isipang mabuti kung gusto mong mag-abroad dahil hindi lahat ay sinusuwerte. Dumaan sa legal na proseso at bago mangibang bansa ay alamin ninyo ang taong maaaring tumulong sa inyo kapag kayo’y nasa kapahamakan.

Umalis kayo ng Pilipinas na legal at mag-apply lamang sa agency na mapagkakatiwalaan. Ito ay upang makaiwas sa hindi magandang sasapitin sa ibang bansa,

Sana magbigay ng aral sa inyo ang aking istorya at maging babala sana sa mga naghahangad na mangibang bansa.

_____________

Si Raquel Delfin Padilla ay kilalang Racz Kelly at ardipee sa kanyang pagsusulat ng buhay OFW. Isa siyang caregiver sa Canada at Siya ang isa sa co-author ng librong “Sindi ng Lampara” na lalabas sa National Bookstore sa Marso 2013.

Siya ay nagkaroon ng kauna-unahang libro na Tiis, Sipag at Tiyaga na pinarangalan ng Commission on Filipinos Overseas ng Office of the President bilang best book sa nakaraang 2012 Migration Advocacy and Media Awards.

Share this: