Kakayanin Ko Ba ang Buhay Abroad?

Share this:

Kakayanin Ko Ba ang Buhay Abroad?
ni Racz Kelly
First posted in Faceboook

Bago ka mag-abroad, mag-isip ka ng maraming beses. Tanungin mo ang sarili mo nang maraming ulit..

Kakayanin mo bang malayo sa mga anak o mga magulang mo?

Kakayanin mo bang labanan ang tukso kung ikaw ay malayo sa asawa o kasintahan? O kaya mo bang ipagpatuloy ninyo ang inyong magandang samahan kahit malayo kayo sa isa’t isa?

Kakayanin mo ba ang ilang taong naninilbihan sa ibang tao habang hindi nasusubaybayang lumalaki ang iyong mga anak?

Kakayanin mo bang hindi sila kasama sa kanilang birthdays, tuwing pasko, New Year at iba pang mahahalagang okasyon?

Kakayanin mo bang mag-isa kapag nagkasakit ka? O kakayanin mo bang magtrabaho pa rin para sa ibang tao kahit maysakit ka?

Mahaba ba ang pasensiya mo para sa ibang tao/ lahi?

Kung kakayanin mo ang mga iyan, mag-isip ka kung para nga ba talaga sa iyo ang pag-aabroad.

Hindi lahat ng nasa kontrata ay nasusunod.. Ang iba ay nasusunod ang 400$ na sahod ngunit may iba naman na $200 lang ang tinatanggap sa isang buwan.

Marami ang sinusuwerte ngunit may mga umuuwi ring luhaan at bigo..Marami ang nakakapagpatayo ng bahay o natutulungan ang pamilya at mayroon naman na ilang taon na sa abroad, wala pang ipon dahil kinukulang pa rin ang kita sa abroad sa dami ng pangangailangan.
______

Malaki ang iyong isasakripisyo kung aalis ka ng Pilipinas.

Sapat nga ba ang kikitain mo sa abroad upang iwanan lahat ang iyong mga mahal sa buhay?

Kaya mo bang magpakatatag para sa pangarap?

Hanggang saan ang iyong kayang gawin upang matupad ang iyong pangarap?

Sapat ba ang lahat ng sakripisyo mo o pagsisisihan mo lang ang pag-aabroad?

Hindi magiging huli ang pagsisisi kung pag-iisipan mo itong mabuti.

_____________


Si Raquel Delfin Padilla ay kilalang Racz Kelly at ardipee sa kanyang pagsusulat ng buhay OFW. Isa siyang caregiver sa Canada at Siya ang isa sa co-author ng librong “Sindi ng Lampara” na lalabas sa National Bookstore sa Marso 2013.

Siya ay nagkaroon ng kauna-unahang libro na Tiis, Sipag at Tiyaga na pinarangalan ng Commission on Filipinos Overseas ng Office of the President bilang best book sa nakaraang 2012 Migration Advocacy and Media Awards..

Share this: