Ang mga mamamayan ng Al-Qawareer Village sa Al-Qura, Al-Bahah Province, Saudi Arabia; ay nagdalamhati para sa isang Pinay nurse na namatay noong isang linggo sa Pilipinas, dahil sa kidney failure.
Ang nurse ay kilala ng mga pamilya sa Al-Qawareer Village bilang “Umm Ismail”, na nakasama nila nang halos apatnapung (40) taon. Ayon sa pahayagan na “Sabq“, malaki ang naiambag ni “Umm Ismail” sa paggamot at pagtulong sa mga pasyente na bumisita sa health center.
Si “Umm Ismail” ay nagkaroon ng stroke habang nasa trabaho. Dinala siya sa hospital at napag-alaman na mayroon din siyang problema sa kidney.
Ang mamamayan ng Al-Qawareer Village ay nagkaisang nag-ambagan ng financial na tulong na umabot sa halagang 25 libong riyal at ibinigay nila kay “Umm Ismail” bilang isang hadiya (regalo) sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas.
Nagdesisyon si “Umm Ismail”na umuwi sa Pilipinas para doon na ipagpatuloy ang kanyang pagpagamot pero pumanaw din siya kalaunan.
Nakarating sa mga mamamayan ng Al-Qawareer Village ang balita at sila ay nagpahayag ng kanilang sobrang kalungkutan sa pagpanaw ni “Umm Ismail”… Sa social media, nagshare sila ng mga larawan ni “Umm Ismail” at ng kanilang mga dasal.
Patnubay Note: Nakikiramay po kami sa pamilya at mga mahal sa buhay ni “Umm Ismael”, na kapwa namin OFW, at isang bayani. Inna lillahi wa inna ilayhi rajiun!