Mga Pinay na pumasok sa UAE gamit ang tourist visa, dinala sa Syria, dumanas ng pangaabuso at karahasan!

Share this:

Nasulat sa pahayagang “Washington post” noong Enero 24, 2021 ang istorya tungkol sa mga Pinay workers sa Syria na dumanas ng pangaabuso, karahasan at panggagahasa.

Sa kwento ni Josephine Tawaging, 33 anyos, siya ay umalis sa Pilipinas at pumasok sa United Arab Emirates (UAE) gamit ang 30-day tourist visa.

Ayon kay Josephine, nang dumating sya sa Dubai noong 2019, siya ay ikinulong ng kanyang recruiter sa isang madilim na warehouse kasama ang iba pang mga Filipina. Doon nya nalaman na sila ay dadalhin sa Syria.

Dagdag pa ni Josephine, siya ay sinampal at pinagbantaan na papatayin nang tumanggi syang sumama papuntang Syria.

Marami naman sa mga Pinay ang napapayag dahil ayon sa kanilang recruiter ay wala na raw civil war sa Syria at pinangakuan sila ng 500 USD bilang buwanang sahod.

Ayon sa “Washington post”, napakaraming Pinay workers ang naipuslit mula sa UAE patungong Syria para maging kasambahay sa bansa kung saan may civil war pang nagaganap. Maliban sa pananakit at pang-aabuso na sekswal, hindi rin sila sinasahuran ayon sa 17 Pinay na biktima na kanilang nakapanayam.

Si Flordeliza Arejola, 32 anyos, dumating sa Syria noong taon 2018. Kwento ni Arejola, tumakas sya sa kanyang amo dahil sinampal siya nito at inuntog pa ang kanyang ulo sa pader. Siyam na buwan din na hindi sya sinahuran. Sya ngayon ay nasa shelter na ng Philippine Embassy sa Damascus.

Ayon sa mga Pinay workers, sila ay nakakulong sa bahay ng kanilang mga amo at nahirapan silang makatas papuntang Philippine Embassy sa Damascus.

Dagdag pa ni Flordeliza, sa kanyang pagtakas siya ay umakyat ng bakod at sumakay ng taxi papuntang embassy.

Kung may malakas ang loob na tumakas mayroon ding takot kahit anong pang-aabuso pa ang sinapit nila.

Sinabi ni Geraldine Pahigon, 30 anyos, na palagi siyang sinasaktan ng kanyang mga amo, sampal, tadyak at kagat. Apat na buwan na raw siyang nagtitiis.

Sinabi naman ng isang Pinay (na itinago ng pahayagan ang pangalan para sa kanyang seguridad) na 18 oras siyang nagtatrabaho araw-araw at wala day-off. Kabilang daw sa prominenteng pamilya ang kanyang mga amo at may mga bantay ang kanilang bahay. Gusto niyang makaalis pero ayaw naman niyang tumakas.

Si Lailanis Abduljaber ay 12 anyos, nang dumating sa Syria mula UAE tatlong taon na ang nakaraan. May recruiter daw na nag-alok sa kanya na magtrabaho sa Dubai gamit ang pekeng pasaporte. Tinanggap niya ang alok dahil pangarap na makaahon sa hirap.
Sa kasamaang palad, sa Syria pa siya napadpad.

Nang kinausap umano ng “Washington post” si Consul General Reymond Cortes ng Philippine Consulate sa Dubai ito umano ang kanyang sagot tungkol sa human trafficking mula UAE:

β€œOf course we are very concerned about their plight.” He said migrant workers should coordinate their overseas employment with Philippine government agencies and seek their help if they β€œare being lured to work outside the UAE.”

Patnubay side comment: Congen naman, yong tinawag nga nila na agency sa UAE mismo ang nanlinlang sa kanila. Tapos, papayohan mo na doon din sila magsumbong?

Isa pa, hindi yun lehitimong agencies kundi mga illegal recruiters na nagpupuslit ng mga Pinay mula Pilipinas gamit ang tourist visa at mahinang sistema ng Pilipinas para sugpuin ang human trafficking.

At hindi ito unang beses na nangyari, hindi lang sa Syria napunta kundi may mga nadala sa Iraq, Egypt, Qatar, Jordan at Lebanon mula sa UAE.

Maraming beses na kaming nagbigay sa konsulada at embahada ng mga pangalan, contact numbers at fb accounts ng mga recruiters na ito. Pero deadma lang kayo.

Nagkaroon ng interes ang “Washington post” na gumawa ng investigative report sa kwento ng mga Pinay workers sa Syria nang makita ng kanilang reporter ang panawagan ng 15 Pinay na nasa shelter ng Philippine Embassy sa Damascus.

Maliban sa kwento ng kanilang paghihirap sa kanilang mga amo, may reklamo rin sila sa hindi makatao na trato sa kanila ng mga tauhan ng embahada. Kinumpiska umano ang kanilang mga mobile phones. Hindi raw sila pinapakain ng dalawang meals kung may nagawang pagkakamali. Pinipilit rin daw silang bumalik sa kanilang mga amo na kanilang tinakasan.

Nangako naman ang Department of Foreign Affairs sa Manila na kanilang iimbestigahan ang mga bintang na ito.

News Source:

Patnubay Related Articles

Share this: