Human Trafficking of Minors in the Philippines – Explained

Share this:
image source: guardiangroup.org

Human Trafficking of Minors in the Philippines – Explained

Kung MINOR ang biktima, ang HUMAN TRAFFICKING ay nangyayari na kahit hindi pa siya nakakalabas ng Pilipinas. Kahit sabihin pa nating may pagsang-ayon ang biktima, kahit wala pang bentahan na nangyayari at kahit wala pang physical o psychological na pang-aabuso.

Basta MINOR, may HUMAN TRAFFICKING na, dahil sa batas ng Pilipinas ang pag-aalok pa lamang sa isang menor de edad na magtatrabaho sa abroad ay maituturing na CHILD TRAFFICKING.

Ang CHILD TRAFFICKING ay isang uri ng HUMAN TRAFFICKING.

Sa batas ng Pilipinas maituturing na isang CHILD o MINOR ang tao kung siya ay wala pa sa ikalabing-walong (18) taong gulang.

Kadalasan, sa mga biktima na MINORs ay dumaan sa tamang proseso ng pangungontrata; dumaan din sila sa recruitment agencies, nag-PDOS at nagkaroon ng OEC. Saka, na lamang mabibisto na sila ay mga MINORs kung may problema na pagdating sa abroad.

Paano ba napalusot ang mga MINORs?

  1. Birth Certificate Fraud– dito nag-umpisa ang panlilinlang sa edad.

    Ang isang MINOR ay gagamit ng fake birth certificate; maaring birth certificate ng ibang tao na nasa tamang edad o di kaya totoo na sa kanya ang birth certificate pero binago ang taon ng kanyang kapanganakan.

    Ang kadalasan na sangkot sa birth certificate fraud ay ang MINOR mismo, ang recruiter, mga fakers o forgers at fixers sa labas ng Regional PSA Office. Maaring may sangkot din na tauhan sa loob ng Regional PSA Office at Local Civil Registry Office.

    Suggestions: Ayusin ang sistema sa pagkuha o pag-authenticate ng birth certificate. Maliban sa MINOR, dapat mapaparusahan ang mga sangkot sa birth certificate fraud.

  2. Passport Fraud – gamit ang hindi totoong birth certificate ay mag-aaply ng passport ang MINOR at lalabas na sya ay nasa tamang taong gulang para magtrabaho sa abroad.

    Ang kadalasan na sangkot sa passport fraud ay ang MINOR mismo, ang kanyang pamilya, ang recruiter. Maaring may sangkot din na tauhan ng Passport Department ng DFA.

    Suggestions: Busisihin mabuti ang hitsura ng aplikante ng passport at tingnan mabuti at ikumpara sa edad based sa year of birth na nakasulat sa birth certificate.

    Kung may duda, ipapatawag ang mga magulang ng MINOR para sila magpatotoo at magprovide din ng kanilang mga birth certificate. Gagawa din sila ng kasulatan na totoo ang lahat na nakasulat sa birth certificate ng kanilang anak at handa silang mananagot sa batas kung hindi ito totoo.

    Maliban sa MINOR, dapat mapaparusahan ang mga sangkot sa birth certificate fraud.

  3. Weak Pre-Employment Screening – gamit ang passport na hindi totoo ang edad (maging ang pangalan), ay nakapag-apply ng trabaho ang MINOR sa isang recruitment agency. Nahire siya at nagkaroon ng legal na contract, nagkaroon ng PDOS certificate, OEC, Working Visa at Ticket.

    Ang kadalasan na sangkot sa Weak Pre-Employment Screening ay ang MINOR mismo at ang recruiter. Maari din na may sangkot na tauhan ng recruitment agency na inaplayan.

    Kadalasan, ang recruiter ay isang pribadong tao na pumupunta sa mga probinsya para maghahanap ng aplikante na gustong magtatrabaho sa abroad. Hindi siya nagtatrabaho sa recruitment agency. Ang ginagawa niya ay siya ang magdadala ng kanyang mga recruits mula sa mga probinsya, papunta sa Manila o saan mang syudad na may recruitment agencies. May sarili siyang accomodation para sa kanyang mga recruits. Sasamahan niya ang mga ito kung saang agency para mag-aapply ng trabaho (kadalasan bilang domestic worker). May kasulatan ang recruiter at kanyang mga recruits (o mga pamilya nila) na babayaran ang recruiter sa kanyang serbisyo kung ang recruit ay nasa abroad na. Ang pamilya ng recruit ang sisingilin ng recruiter.

    Maaring walang kaugnayan ang isang recruitment agency sa recruiter at maaring wala silang alam na isang MINOR ang aplikante. Hindi dapat sila papayag na malulusotan ng MINOR dahil alam nila na sila ang mananagot kung magkaproblema ang aplikante pagdating sa abroad.

    Bawal ang pagkakaroon ng recruiter o “middle man” dahil ipinagbabawal sa POEA ang may mamamagitan sa aplikante at recruitment agency. Dapat ang aplikante ay didirekta recruitment agency.

    Domestic worker ang maging trabaho ng MINOR sa abroad kung makalusot. Sa utos ng POEA, walang sisingilin na recruitment fees ang isang recruitment agency sa aplikante para domestic worker sa abroad.

    Suggestions: Siguradohin ng Recruitment Agency na hindi MINOR ang aplikante, busisihin ang hitsura at dokumento. Siguradohin na wala itong recruiter. At kung sakali ay mabisto na MINOR ang aplikante at mayroong recruiter, idulog na kaagad ito sa kinaukulan para hindi na makapunta sa ibang recruitment agency na maaring malulusotan nila.

    Ang recruitment agencies ay dapat laging maniniguro na hindi sila malusotan ng MINOR dahil kung magkaproblema ito sa abroad, ay mananagot sila.

    Sa PDOS naman, dapat titingnan ng taga-OWWA ang picture sa passport ng worker kung ito ba ang totoong tao na nag-attend sa PDOS at kung may duda na ito ay isang MINOR ay dapat mapaimbestigahan kaagad.

    Dapat din na maireview ang contract, visa at iba pang dokumento ng mga attendees habang isinagawa ang PDOS.

  4. Weak or Corrupt Immigration Officers – Sila dapat ang pinakahuli na mag-check para hindi makalabas ng Pilipinas ang isang MINOR at mapigilan sana ang HUMAN TRAFFICKING.

    Madali na lang makalusot ang isang MINOR sa immigration officer dahil mayroon na siyang passport at mga recruitment papers katulad ng work contract, PDOS Certificates, OEC, working visa at ticket.

    Pero sigurista ang mga recruiters. Kaya, magba-bribe sila ng immigration officer o magha-hire ng escort service para siguradong makakalusot ang isang MINOR.

    Ang kadalasan na sangkot ay ang MINOR mismo, ang recruiter at mga weak o corrupt na immigration officers.

    Suggestions: Kailangan may nakatalaga na mga awtoridad sa pila ng immigration, para magmamanman at mag-aanunsiyo na kung may mga MINOR ay huwag mag-atubiling lumapit sa kanila at huwag matakot kahit anong banta pa ng recruiter sa kanya.

    Maari din magtatalaga ng secret agents para huhuli sa mga recruiters at corrupt na immigration officers. Magtatalaga ng mga awtoridad na tututok sa CCTV kung may MINOR sa pila.

    Maliban sa MINOR, dapat mapaparusahan ang mga sangkot na recruiters at corrupt immigration officers.

  5. Departure – Makakalipad na ang MINOR palabas ng Pilipinas na walang hassles. Dito sinanay nya ang sarili sa hindi nya totoong pangalan at sa hindi totoong edad.

    Pero hindi pa huli ang lahat. Sa katunayan, sa boarding area, may malaking tsansa pa na mailigtas ang isang MINOR sa HUMAN TRAFFICKING. Mag-isa na lang ang MINOR paglagpas sa immigration at wala na sa tabi niya ang kinatatakotan na recruiter.

    Suggestions: Dapat magkaroon special desks sa loob ng airport, mula sa check-in hanggang sa paglagpas sa immigration para may masusumbongan ang mga biktima. Karamihan sa kanila ay tinakot ng recruiter na ipapakulong kung hindi tutuloy sa paglipad.

    I-anunsiyo sa lahat ng mga paliparan na ang mga pasahero na MINORs pero gumamit ng fake or falsified birth certificate para magtrabaho sa abroad ay biktima ng HUMAN TRAFFICKING. At sila ay magkakaproblema sa batas pagdating sa tamang edad kung ang totoong may-ari ng pangalan ay magrereklamo.

    Info drive katulad ng mga posters, o Ads sa TV screens sa airport tungkol sa HUMAN TRAFFICKING of MINORs.

    Kung may MINOR na dumulog sa special desk, i-review kaagad ang CCTV camera kung sino ang recruiter at immigration officer na nagpalusot o nag-escort sa kanya.

  6. Arrival in Another Country – Dumating ang MINOR, gamit ang peke na pangalan or binago na edad.

    Nagumpisa ang problema ng isang MINOR kung lalabas ang kanyang kahinaan. Hindi sya handa physically, emotionaly at psychologically sa trabaho na pinasokan, sa ugali at kultura ng mga taong makakasama sa bahay, maging sa klima ng lugar.

    Kaya kadalasan sa mga MINORs ay nagpapalipat-lipat ng employers bago nagreklamo. Mayroon din sadyang binenta ng employers sa iba.

    Ayaw nilang sumuko kaagad dahil sa hirap na pinagdaanan mula sa pagkuha ng birth certificate, passport hanggang sa makarating sa abroad.

    Pero kung mapagtanto na ng MINOR na hindi na talaga kaya ang paglipat-lipat ng employers at papasok na rin ang pang-aabuso; saka sila hihingi ng tulong at gagamitin ang kanilang karapatan bilang MINOR na hindi dapat nagtratabaho sa abroad.

    Vulnerable kasi ang isang MINOR. Kaya marami napalipat-lipat na ng employer at hindi maging mapanatag. Mayroong tumatakas sa kanilang mga employer, may tumalon sa bintana, mayroon nagbigti, may nagsaksak ng sarili, may nabaldado, may namatay at may nakapatay.

    Suggestions: Dito makikita ng kahalagahan ng PAOS (Post Arrival Orientation Seminar). Ang PAOS ay magagamit hindi lang para sa pag-orient ng worker at employer sa kanilang mga karapatan at obligasyon sa isa’t-isa. Hindi lang para sa pagbusisi sa mga kontrata at dokumento kundi para malalaman din kung ang worker ay isang MINOR para mahinto ang HUMAN TRAFFICKING.

    Tandaan na hindi lang ang MINOR ang biktima dito, kundi maging ang employer at maging ang FRA (Foreign Recruitment Agency). Kaya, kung mapapatunayan na ang bagong dating na worker ay isang MINOR, pauwiin na kaagad siya sa Pilipinas at maalalayan doon na makasohan ang mga nambiktima sa kanya.

PAGSUSURI

Ang mga MINOR, sa umpisa pa lamang ay alam naman nila na sila ay mga bitkima na ng HUMAN TRAFFICKING. Pero sila ay sumugal na mag-abroad dahil may pagsang-ayon o pagpupumilit ng kanilang mga magulang. Kadalasan, ang recruiter ay kakilala o kamag-anak din nila.

Kaya, kung magkaproblema na sa abroad, gagamitin nilang dahilan ang pagiging MINOR na dapat silang tulongan ng ating gobyerno. “MINOR ako at sa batas ng Pilipinas ay dapat akong tulongan dahil biktima ako ng HUMAN TRAFFICKING”

Ang problema ay kung nasa abroad na, hindi magagamit ng ating gobyerno ang salitang MINOR sa pakikipaglaban sa karapatan ng biktima dahil ang gobyerno din natin ang masisisi. Sasabihin ng employer, sa umpisa pa lang pala ay niloko nyo na kami. Pinadalhan nyo kami ng isang bata. Bakit pumayag ang gobyerno ng Pilipinas na makalusot ang fake na birth certificate at passport?

Ano pa man, ay dapat naman talaga silang tulongan dahil sa batas ng Pilipinas at ng UN, sila ay MINOR  at sila ay mga biktima. Sila ay MINOR, sila ay vulnerable at prone to abuses at sila ay hindi stable ang kaisipan.

Kaya na lamang, may mga domestic workers sa abroad, na tumakas at nagpunta sa mga embahada at POLO. Sila daw ay naabuso ng kanilang mga employers. Sila ay mga MINOR, gamit ang hindi totoong pangalan.

May domestic worker sa Riyadh nagsaksak ng sarili, patay – isang MINOR gamit ang hindi totoong pangalan.

May domestic worker sa Jeddah nagbigti, patay – isang MINOR gamit ang hindi totoong pangalan.

May domestic worker sa Madinah tumalon sa building, patay – isang MINOR gamit ang hindi totoong pangalan.

At ang mas malala, may domestic worker sa Makkah, nakapatay ng employer, isang MINOR gamit ang hindi totoong pangalan.

Ang murder case na yon sa Makkah ay may hatol na kamatayan. Sinubukan ng konsulado sa Jeddah na mag-apela gamit ang depensa na “Siya ay isang MINOR, dapat inosente ang hatol sa kanya dahil siya ay MINOR. Sa katunayan hindi nya tunay na pangalan ang nakalagay sa kanyang passport”.

Ang ganung palusot ay hindi uubra sa Court of Cassation dahil sa records ng nakapatay, siya ay pumasok ng Saudi Arabia na nasa tamang edad. At kung magpupumilit ang ating gobyerno, babalik sa atin ang sisi kung bakit nagkaroon siya ng fake birth certificate at passport.

Ngayon, mahihirapan na rin para makahingi ng kapatawaran kung malalaman ng pamilya ng biktima – na ang nakapatay ay isang MINOR pala at gumamit ng ibang pangalan. Ang sasabihin nila ay “Sa umpisa pa lang pala ay naloko na kami. Pinadalhan nyo kami ng isang bata. Bakit nakalusot ang fake nya na birth certificate at passport? Kaya, napatay ang nanay namin dahil din sa gobyerno ninyo.”

Katotohanan, sa statistics ng mga OFW na nagpakamatay at nakapatay ay hindi naman mga MINORs. Mas marami ang nasa tamang-edad.

At sa statistics, mas marami sa mga MINORs na nag-abroad ang hindi nagkaproblema sa employer. Marami sa kanila nakailang bakasyon na at yong iba ay nakailang employer na.

Sa katunayan may gusto pang maipasatama ang PASSPORT nila dahil inabot na daw ng retirement age yong pekeng pangalan.

Mayroon din mga kaso nang dalawang OFW na nahuli na parehong identity ang passport at pareho silang nagclaim sila ang totoong may-ari.

Kaya, kung isasantabi muna natin ang batas ng Pilipinas at ng UN, mapagtanto natin na may mas malaking problema at may mas maraming biktima maliban sa mga MINORS.

Ang mas malaking problema ay ang corruption kaya nagkaroon ng BIRTH CERTIFICATE FRAUD at PASSPORT FRAUD. Ang mas maraming biktima ay yong mga ninakawan ng kanilang pagkakakilanlan.

Kung matitigil ang corruption, ay matitigil na ring ang HUMAN TRAFFICKING OF MINORS at wala ng pagnanakaw ng pagkakakilanlan ng ibang tao.

Drafted by Abu Bakr Espiritu

Related Article:

TOURIST VISA ginagamit sa MIGRANT SMUGGLING, hahantong sa HUMAN TRAFFICKING at ORGAN TRAFFICKING

Share this: