“Sa bawat dolyar na tinatanggap ko mula sa aking mga paghihirap, sa mga sandaling nag iisa lamang ako at tanging anino lamang ang tanging mayayakap, sa bawat pisikal na karamdamang natatamo, sa bawat pagkutya ng mga tao sa paligid ko, sa pagyurak sa aking pagkatao, kapalit nito, isang kasiguruhang hindi mapapariwara ang buhay ng mga mahal ko.”
“Sa bawat pagpatak ng luha sa aking mga mata, ligaya ang sumisilay sa aking pamilya sa twina. Kapalit ng mga ginintuang sandaling sana’y kapiling ko sila, ginhawa ang kanilang tinatamasa. Sa lahat ng kawalan sa aking buhay, lahat ng kanilang mga pangangailangan ay napupunan. Sa bawat araw na lumilipas na hindi ko sila kasama, alam kong sumisilay ang pag asang muli ay makakapiling ko sila. Isang masaganang pamumuhay, kapiling ng aking pamilya, ito ang pangarap ko sa tuwina.”
“Pero bakit nga ba? Ang pagpapakahirap para sa pamilya ay hindi obligasyon, hindi isang responsibilidad na iaatang sa balikat ng isang tao para sa ikakaginhawa ng iba. Hindi din isang batas na ang sumuway ay makakatamo ng isang mabigat na parusa. Pero bakit nga ba?”
“Alam kong hindi ninais ng aking mga mahal na ako ay lumayo. Alam kong ano man ang mga kasaganaang aking maipadama, mas mahalaga pa din ang makapiling sila, lalo na sa panahon ng kanilang mga pangangailangan at walang ibang malalapitan at sa panahon ng mga pagdurusa. Hindi din pananamantala ang anumang pagsasaya o pamumuhay nila ng masagana sa kabila ng mga paghihirap ko. Ito ang aking ninais kaya’t lahat ay aking matitiis..”
“Hindi ko din iniisip na ako ay isang martir, dahil hindi pagpapakamartir ang pagtitiis at pagpapakahirap para sa mga minamahal. Hindi din sila dapat sisihin sa mga mapapait kong pinagdaraanan, dahil ako mismo ang may sariling kagustuhan kung bakit ako nalagak sa aking pinagkakalagyan.”
“Ano man ang aking pagdaanan, lahat aking malalampasan, ano man ang kahinatnan ng lahat, walang pagsisising sa mga labi ko ay magbubuhat. Pagkat hindi lamang sila ang dahilan, kung hindi para sa sarili ko ding kapakanan. At kung ako ang tatanungin kung bakit… Iisa lang ang dahilan. Ang lahat ng ito, ay dahil sa aking pangako, na kailan man ay hindi magbabago at hindi ko isusuko, dahil ang salita kong binitiwan ay mas higit pa sa ginto. Aking iniingatan..aking itinatago..At kahit ba buong pagkatao ko’y mabalot ng dugo…kailanman hindi ko sila bibiguin dahil ito ang aking pangako.”