Ikaw ay aking kapiling sa lamig ng hatinggabi,
Yakap ka ng mahigpit, labi’y dumadampi sa ‘king pisngi,
Katahamikang bumabalot, tila nga ba nakabibingi,
Walang salitang namumutawi, sa ating mga labi.
Tila ba ang walang hanggan, sa atin ay hindi sasapat,
Hindi kayang tumbasan, pag ibig nating tunay at tapat,
Sa tuwing mata’y mangungusap at labi nati’y maglalalapat,
Ipinahihiwatig, tayo ang nababagay, ang karapat dapat.
Madilim kong nakaraan, kay daling nakalikdan,
Pagkat hawak mo ang kamay ko, puso’y iyong tangan,
Mapait na kabiguan, mga multo ng aking nakaraan,
Sa pag ibig mong handog, takot aking napaglabanan.
Puso mong busilak, ang sa akin laging umaakay,
Wagas na pag ibig, sa aki’y lagi mong inaalay,
Mga ngiting sa buhay ko, ang syang nagbibigay kulay,
Kapag ikaw ang kapiling, tanging langit ang kapantay.
Hindi ko inakalang, may pag ibig pang darating,
Ligaya ang dulot mo, sa tuwing tayo’y magkapiling,
Tangi lamang ninanais, at aking laging hinihiling,
Sana hanggang sa huli, ika’y manatiling akin.
Ngunit sa bawat paglipas, nitong mga oras,
Tila ba ako’y nauupos, nawawala aking lakas,
Pagkat pagmulat ng aking mata, sa paggising bukas,
Maamo mong mukha, hindi ko na mamamalas.
Kay pait na biro, sa aki’y bigay ng tadhana,
Bakit tunay na pag ibig, huli na ng aking makilala,
Ngayong puso ko’y tangan mo, wagas iyong pagsinta,
Bakit kailangang lumayo, sa piling ko’y mawalay ka.
Isang tunay na pag ibig, lagi kong dinadalangin,
Isang kaluluwang, magmamahal ng lubos sa akin,
Isang taimtim na dasal, ang lagi kong panalangin,
Sana hanggang sa huli, ika’y manatiling akin.
Ang tanging nais ko, tapat mong pangako,
Mananatiling wagas, tunay ang ating pagsuyo,
Sa ati’y walang hahadlang, kahit pa tayo’y magkalayo,
Pagkat tayong dalawa’y nakagapos ang mga puso.
Pansamantalang pamamaalam, ang aking masasambit,
Huwag kang malulumbay, pagkat lagi kang nasa isip.
Sa muling pagtatagpo, ako’y lubhang nasasabik,
Nakagapos nating puso’y ligaya ang tanging makakamit.