Ang National Emergency Crisis and Disaster Management Authority ng United Arab Emirates (NCEMA UAE) ay nag-anunsyo noong Martes, na sa buwan ng Ramadhan, sila ay magpapatupad ng bagong precautionary measures para labanan ang COVID19.
Ang buwan ng Ramadhan ngayong taon ay mag-uumpisa sa Abril 13 o 14, depende sa paglabas ng new moon.
(Nasa baba ang ating pagsalin sa kanilang anunsyo)
Para sa kalusugan at kaligtasan ng lipunan, pinapayuhan ang lahat na iwasan ang mga pagtitipon sa gabi sa buwan ng Ramadan, limitahan ang mga pagbisita sa pamilya, at iwasan ang pamamahagi at pagpapalitan ng mga pagkain sa pagitan ng mga tahanan at pamilya. Ang mga miyembro lamang ng parehong pamilya na nakatira sa iisang bahay ang maaaring magbahagi ng pagkain.
Hindi pinapayagan na gumawa ng mga iftar tents para pang-pamilya o pang-lipunan, o ang magbahagi at magbigay ng mga pagkain sa mga pampublikong lugar, sa harap ng mga bahay at masjid. Sa mga interesadong gawin ito, dapat na makipag-ugnayan sa mga charity organization at ang pagbibigay ng donasyon at zakat ay sa pamamagitan ng elektronikong paraan.
Pinagbabawalan ang mga restaurants sa pagpamamahagi ng mga iftar meals sa loob o sa harap ng restaurants, at ang kanilang deliveries ay limitado sa mga labor housing complexes at dapat may direktang koordinasyon sa management of labour housing sa bawat rehiyon, at tiyakin ang pagpapatupad ng social distancing.
Ang Tarawih prayers ay gaganapin alinsunod sa Covid19 precautionary measures, bilang karagdagan sa naunang preventive and precautionary measures para sa oras ng salah.
Hindi pinapayagan ang pagkain ng iftar sa loob ng mga masjid, at ang tagal ng mga salah ng Isha at Tarawih ay hindi dapat lalagpas sa tatlumpong minuto.
Ang mga masjid ay isasara kaagad pagkatapos ng salah, habang ang women’s prayer areas, at ang iba pang prayer areas ay mananatiling sarado.
Tungkol sa Qiyam-ul-layl o sa huling sampung araw ng Ramadan, patuloy ang pagsusuri sa status ng pandemic ng bansa, at magkakaroon ng anunsyo para sa preventive measures para sa Qiyam-ul-layl.
Ang mga aralin sa relihiyon at pagpupulong sa mga masjid ay mananatiling nakasuspinde. May mga pagpipiliang virtual na pakikilahok. Hinihimok ang pagbabasa ng Quran sa pamamagitan ng mga smart devices, at ang donasyon at zakat ay gagawin electronically.
Nananawagan ang pamahalaan ng UAE sa bawat isa na makipagtulungan at sumunod sa mga panukala at tagubilin, dahil magkakaroon masinsinang inspection sa panahon ng Ramadan, at lahat ng legal measures ay gagawin laban sa mga lumalabag, indibidwal man o institusyon.
Ang diwa ng Banal na buwan ng Ramadahan ay matatamasa kahit may may social distancing, dahil maaring makipag-ugnayan at batian sa mga pamilya at kaibigan sa pamamagitan ng social media o anumang digital platforms.