Setyembre 13, 2021 Riyadh – Lumabas sa mga Arabic News ngayong araw, ang tungkol sa pag-aresto sa isang Filipina domestic worker ng mga Saudi authorities sa mismong inuupahang apartment noong Linggo.
Ginawa ring massage therapy clinic umano ang apartment.
Sumugod sa apartment ng suspek ang pinagsamang puwersa ng Ministry of Health at police matapos silang makatanggap ng sumbong mula sa isang babaing Saudi.
Ayon sa sumbong, tumatanggap ng mga customer ang kasambahay na gustong magpahilot para ipaayos umano ang problema sa kanilang matris.
Bago ang pagsalakay, isang asset ang ipinain ng otoridad para magpanggap na pasyente. Nang sisimulan na ang paghihilot, agad nang sumugod ang mga pulis para dakpin ang kasambahay.
Ang naturang raid ay nailathala sa snapchat account ni Faisal Al-Abdulkarim, pinuno ng Consumer Awareness Committee in the Riyadh Chamber of Commerce.
Ayon sa opisyal, nakasaad sa Complementary and Alternative Medicine Regulations na dapat ay may kaukulang certificate at license ang maggagamot sa pamamagitan ng cupping, acupuncture, orthopedics, spine and physical therapy, at ang otorisadong magsadagawa nito ay kailangang may training mula sa ahensya ng gobyerno na may sakop nito.
Dagdag pa ng opisyal, delikado para sa mga pasyente kung magkakaroon ng kumplikasyon at walang kayang gagawin ang Pinay para sa taong may karamdaman dahil hindi naman ito lisensyado at wala rin syang mga tamang kagamitan.
Sources:
- https://www.okaz.com.sa/news/local/2081832
- https://stepagency-sy.net/2021/09/12
- Video Link: https://video.stepvideograph.net/wp-content/uploads/2021/09/8.mp4
Patnubay Notes
Sa kaugnay na balita, nakatanggap ng update ang Patnubay mula sa ilang kababayan tungkol sa mga kapwa Pinoy na nagbibigay ng health and wellness services na umano ay kanilang pinagkukunan ng extrang kita.
Payo ng Patnubay, pinapayagan naman ang mga school o community group sa pagtuturo ng mga bagong kaalaman o karagdagang skill sa mga kababayan. Pero bawal sa Saudi Arabia ang magkaroon ng ibang pagkakakitaan maliban sa trabahong nakasaad sa employment contract.