Patnubay Leaks: The Jameel Mabanto Story

Share this:

Noong September 29, 2010, isinama po ako ng Center for Migrant Advocacy (CMA) sa orientation seminar ng DFA OUMWA at OWWA para sa mga Foreign Service Officers nila. Nagkaroon po ako ng tsansa na makapagsalita at masabi ang aking hinanakit laban sa DFA at embahada ng Riyadh.

Inamin at sinabi ni Atty Rico Fos (Special Assistant to Usec Conejos) sa akin at sa mga attendees na maraming lapses ang OUMWA at Embassy officers sa paghandle ng aking kaso. Dagdag pa Atty Fos, “We owe him an apology!”.

Nagpapasalamat ako na alam nila ang kanilang pagkakamali. Pero hindi po sapat yon para sa aking mga hinaing. Hindi lang po yon ang kahilingan na sinabi ko sa harapan nila. Heto po ang aking sinabi doon at kayo na po ang bahalang umintindi.

Speech of Jameel Mabanto
September 29, 2010
DFA OUMWA – OWWA

Ako po si Pedro Mabanto. ‘Jameel” po ang pangalan ko mula ng ako ay magmuslim. Humarap po ako sa inyo ngayon para maghanap ng hustisya at katarungan sa pagpabaya ng ating gobyerno sa akin bilang OFW.

Ako po ay isang aircon technician na nagtrabaho sa Saudia Catering, sa bansang Saudi Arabia. Maayos naman ang aking trabaho at ang buhay ng aking pamilya noon, hanggang sa June 7, 2005 ng makulong ako at maakusahan na pinatay ang kapwa ko Filipino. Isang bagay na hindi ko ginawa at hindi ko kayang gagawin sa kapwa.

Wala akong pinatay, inatake sa puso yong tao sa harapan ko, tumawag ako ng ambulance at tulong. Pero nakulong ako ng halos limang na taon na kung hindi sa pagtulong ng Patnubay.com at Center for Migrant Advocacy (CMA), hindi mabigyang pansin ng embahada ang aking kaso. Paniniwala ko na hahayaan na lang ng ating embahada na ako ay mapugotan, para matabunan ang kanilang mga pagkakamali at pagpabaya sa kaso ko.

Nakadalawang ambassador na ang dumaan, at natapos na ang tour of duty ng officer na unang humawak ng kaso ko, si Rey Banda. Si Rey Banda na sa halip na mapalabas ako kaagad ay gustohin pa yata na magtatagal ako sa kulongan o mapugotan ako. Ilang Linggo ng mamatay si yumaong Benjamin Cruz, may dalawang medical report na nagsasaad na ang ikinamatay nya ay “of Natural Cause”. Atake sa puso walang pasa, walang sugat. Dalawang medical report na kung sana naibigay ito sa police at sa korte ay napalaya ako kaagad.

Nag-iisa ako sa kulongan na hindi alam kung ano ang mangyayari sa akin at sa aking pamilya. Naghananap ako ng solusyon sa problema ko. Lingid sa aking kaalaman ay mayroon palang medical report na itinago ni Rey Banda. Nilihim nila ang medical report na yon dahil may nauna na siyang na-ireport sa DFA na pinatay ko umano si yumaong Benjamin.

Ganon ang tauhan ng ating embahada, wala silang pakialam kung may mapugotan; mapanindigan lang ang kanilang maling report.

Lumipas ang halos dalawang taon, ng pumalit at naging head ng ANS si Vice Consul Israel. Hawak ni Vice Consul Israel ang kaso ng mga babae noon at nang umalis si Vice Consul Ady Cruz; ay pansamantala nyang hinawakan ang kaso ng mga lalaki. Nakita ni Vice Consul Israel ang medical report at masaya syang ininform ako. Sinabi nya na makakalaya na ako dahil sa dalawang medical report na nagpapatunay na “natural cause” ang pagkamatay ni yumaong Benjamin. Ang sabi nya ay ipapadala nya sa aking lawyer. Nagkaroon ako ng pag-asa na makalaya na.

Noong, 2007, dumating ang ambassador Villamor at ginawang personal assistant si Rey Banda, ang taong naging dahilan ng aking pagtitiis sa kulongan. Nilipat si Vice Consul Israel sa Passport Section nang dumating si Vice Consul Reyes. Naghintay ako sa mga pwedeng mangyayari sa aking kaso. Lumabo ang aking kaso. Sa loob ng dalawang taon 2006 to 2008 walang taga embassy na bumisita sa amin.

Pero kung tatawag ka naman sa embahada ang sagot ay nasa Jail Visitation umano si Rey Banda. Ang totoo ay dalawang taon (2006 – 2008) na walang dalaw ang mga nakakulong sa Malaz at Hair. Nag-umpisa lang silang bumisita sa mga kulongan ng sinaway sila ng patnubay.com at kinausap namin ang ambassador thru speaker phone (na pag-aari ni Joseph Espiritu). Ganon din ang nangyari sa kulongan ng hair.

Ang lawyer na naihire nila sa akin ay wala namang ginawa. Sa loob ng tatlong taon ay wala man lang akong hearing or hatol. Ang embahada din natin ay kulang sa pagpukpok sa lawyer. Hindi nga nila alam kung naihabol ba yong medical report sa court. Na sa bandang huli ay nalaman ko rin na hindi ito naisubmit sa korte.

Ang DFA Manila, ang palaging rason na saka na daw kakausapin ang pamilya ni Benjamin Cruz dahil galit na galit pa daw ito. Sa loob ng tatlong taon yan ang palaging sinabi nila sa asawa ko. Sa harap ng asawa ko ay mga masasakit at insulto na salita ang sinabi nila laban sa akin. Mamamatay tao ang asawa mo! yan ang bukang bibig nila kapag kausap ang asawa ko. Si Atty Roel Garcia, sa halip na gawin ang reconciliation or kumuha man lang sana ng Special Power of Attorney (wakala in arabic) sa pamilya ni yumaong Cruz, ay kalandian pa ang mga pinagsasabi sa asawa ko. Naassign si Atty Garcia sa ibang bansa at pumalit si Ali Junaid. Katulad ni Atty Garcia, ang palagi niyang sagot ay maaga pa para sa reconciliation dahil galit na galit daw ang pamilya ni yumaong Cruz sa akin. at baka daw mapugotan pa ako.. Si Director Relacion sa harap ng CMA at ng asawa ko ay nagbigay pa ng figures na milion2x daw na babayaran ko daw. Sinabi nya na magmamakaawa daw ang asawa ko sa malacaniang para humingi ng pangbayad ng bloodmoney.

Hindi imposible na marami sa katulad kong walang kasalanan ang mapuputan ng ulo dahil ganito ang approach ng mga taong dapat magprotekta sa amin. Dahil hindi sila nag-set ng move for reconciliation, Ang asawa ko na mismo kasama si Miss Anna Navarro (CMA Case Officer) ang naghanap sa mga pamilya ni yumaong Benjamin Cruz. Nakausap nila si Nestor. Lumabas ang katotohanan, na sa halip na ipacify or ireconcile ng DFA ang pamilya ni Benjamin Cruz ay sinulsolan pa nila. Ang DFA pa mismo ang nagbigay ng idea na milyon2x halaga na matatanggap daw nila for bloodmoney. Doon din nalaman ng asawa ko at ng CMA na sinabihan umano ni Rey Banda na wag silang maniwala sa medical reports dahil ginawa lang daw yon para mapadali ang pagpa-uwi ng bangkay ni Benjamin Cruz.

Hindi gawain ng Saudi ARabia na magpeke ng medical report. Alam ko dahil isa akong Muslim at malaki ang respeto namin sa mga patay. Ano naman ang dahilan ng Saudi Government na sadyang magpeke ng medical report kung ang parties involved ay parehong filipino?

Ano ang resulta? Nagagalit lalo ang pamilya ni Ginoong Benjamin sa akin! Dito naintindihan namin na talagang intention nila na itatago ang medical report para mapanindigan nila ang kanilang naunang maling report na pinatay ko daw si Benjamin Cruz. Di bale na kung mapugotan ako ng ulo.

Ang medical report, ang tanging pag-asa ko na pinagkait nila sa akin; ay yon din ang nagpapatunay ng mga maraming mali ng ating Embahada at DFA. Ito rin naging dahilan pa ng maraming kamalian na ginawa nila sa akin. Kinausap ng asawa ko at ng CMA ang DFA. Wala daw silang alam na may medical report na ganun at sa embassy daw humingi. Kinausap ng kapatid ko sa Riyadh ang Ambassador ang sabi hindi nya raw nila alam at sa Manila daw kami humingi.

Pinagpasa-pasahan kami. Samantalang ang medical report na yon ang makapagligtas sa akin. Tinanggi pa nila na may Report. Kasnungalingan, dahil hindi naman makauwi ang isang bangkay kung walang medical report.

Kalaunan ay inamin din nila na may dalawang (2) medical report at ang sabi pa ni Vice Consul Reyes ay doon nya ito nahugot sa Files for Repatriation of Remains at natambakan na ng maraming documents. Bakit hindi napasama ang medical report sa files ko kaso ko? Dahil sadya itong itinago ng officer na humawak sa kaso ko.

Nagrequest ang CMA sa DFA at ang Patnubay.com sa Embassy para sa kopya ng medical report. Ang sagot ng ambassador ay hihingin daw nila sa lawyer ko. Ganun ka-arrogante ang ating ambassador. Kinausap ko sya pero ganun din ang sagot nya. Kausapin ko daw ang lawyer ko. Karapatan ko po ang medical report na yon , dahil ako ang inakusahan, ako ang nakulong, ang pamilya ko ang naghihirap. Pero dahil pinoprotektahan ni Ambassador Villmar ang kanyang kababayan at personal assistant na si Rey Banda.

Nagkaroon ako ng schedule ng hearing noong May 2008, hindi dahil sa pagfollow-up ng embassy kundi dahil sa Human Rights Commission ng Saudi Arabia sa tulong na rin ng Patnubay.com. Sila na rin ang nag-inform ng embahada tungkol sa schedule ng hearing. Pero ikinagalit pa ito ng ating embahada.

Bakit sila magagalit? Anong ginawa nila sa loob ng 3 taon? Wala! pero nang magkaroon ng hearing dahil sa ibang orgnaization ay nagagalit pa sila. Sinabi ng korte na kailangan ng embahada ng Special Power of Attorney galing sa pamilya Cruz. Ang SPA na ito or wakala ay matagal ng naisuggest ng patnubay.com sa kanila. Pero pumunta sila doon sa korte na walang dala nito.

Na-reschedule yong hearing sa August 2008. Kaya patuloy na piniga ng Patnubay.com at ng CMA ang embahada tungkol sa medical report at ng special power of attorney.

Nakapag-issue ng SPA ang pamilya cruz. Subalit ang Medical Report ay pinagkait pa rin nila sa akin. Walang tigil patnubay.com at ako mismo sa pakipag-usap sa ambassador na ibigay yong medical report sa amin.

Dumating yong time ng hearing ko sa August 2008, nag-attend ang embahada at dinala na nila ang medical report. Nakita ito ng judge at nagkaroon na kaagad ng decision. Nahatulan ako na magbabayad ng 55,000SR na bloodmoney pero walang hatol na kulong at higit sa lahat walang pugot ulo na parusa sa murder.

Nagpapasalamat ako kay vice Consul Reyes, kay Attche Jerome Frias dahil ginawa nila ang nararapat, na sana noon pa ginawa ng ating embahada. Na sa kahit anong pagharang at paglihim ni Rey Banda at ng Ambassador ay ginawa pa rin nina Vice Consul Reyes at Jerome Friaz ang nararapat. Salamat na rin sa ating gobyerno sa pagbigay ng 20,000Sr at sa mga kapatid ko na Muslim na nag-ambag2x ng 35Thousand Riyals.

Masaya ako at nakalaya na, pero di ko nakalimutan na nagtiis ako sa kulongan ng limang (5) taon.. Naghihirap ang pamilya ko dahil sa pagkakamali, pagpapabaya at panlilinlang nga ating gobyerno. Hindi ko hiniling na makulong or matanggal sa serbisyo si Rey Banda, Roel Garcia at Ali junaid or magkarma si Amba Villamor at Cresente Relacion sa pagkawalang puso nila.

Hiniling ko sa ating gobyerno, na tulongan nyo akong makabangon ulit. Total kayo rin naman ang dahilan kung bakit ako nalugmok. Yan ang kahilingan ko para sa sarili at sa aking pamilya. (Kailan lang, pumunta ako sa OWWA para humingi ng pangkabuhayan. Hinanahapan nila ako ng COLLATERAL. Limang taon akong walang trabaho dahil sa bulok na sistema nyo? Hihingan nyo ako ng collateral? Hindi ako uutang dahil ang hiniling ko mula sa inyo ay KABAYARAN!)

Hiniling ko rin ang pagbabago ng inyong sistema dahil wala kayong alam sa batas at proceso. Para wala ng pamilya ng OFW na magdurusa.

Gumawa kayo ng isang sangay ng DFA para sa reconciliation committee para sa mga murder cases katulad ng sa akin. Yong marunong at may alam at hindi yong mga katulad nina Roel Garcia at Ali Junaid. Dapat parusahan nyo ang mga taong nagkakamali sa serbisyo at mga walang puso katulad nina Rey Banda, Cresente Relacion. Hayaan nyo na si Ambassador Villamor, Diyos na lang ang bahala sa kanya, matanda na sya.

Maraming salamat, Ako po si Jameel Mabanto. Inuulit ko, wala po akong pinatay at hindi ko magawang pumatay ng tao katulad ng pagbintang ng DFA at ating Embahada. Nakalaya man, naghahanap pa rin ako ng hustisya at kabayaran laban sa ating gobyerno.

Para sa karagdagang information ay pakitingin na lang po sa printout ng case study ng kaso ko na gawa ng Patnubay.com.

Jameel Mabanto

Si Jameel kasama ng ibang inmates sa kanilang selda sa Al Malaz Prison

Patnubay Notes:

Ang kaso ni Jameel nakapagbukas sa isipan ng mga sumusunod na officials ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh.  Mabasa nyo dyan sa huling parte ng kwento ni Jameel ang pasasalamat at papuri sa mga naturang tauhan ng ating embahada.  Sina Consul Roussel at lalo na sina Ka Jerome Friaz and Ebrahim Zailon na nakaintindi sa ating sinisigaw noon para sa pagbabago, itinama nila ang mali, itinuwid nila ang mga baluktot na nasayanang sistema.  Ang Patnubay ay saksi sa mga kaso  na sana ay pugot-ulo pero napawalang sala at napalaya dahil sa kanila. Mga Pamilya na noon ay hindi nakapagpatawad at hindi tatanggap ng bloodmoney ay napabago nila ang isipan.

Si Consul Roussel ay paalis na, susunod na rin si Ka Jerome Friaz at si Embrahim Zailon.  Nandito na yong mga bago na papalit sa kanilang posisyon at mga hinawakang kaso.  Sa umpisa pa lang ay ang dami ng kapalpakan at hindi natin nakita ang parehong dedikasyon katulad ng pinakita nina Consul Roussel, Ka Jerome at Bro Zailon noon.

Para sa karagdagang impormasyon at buong detalye sa kaso ni Jamil Mabanto ito po yong mga links:

  1. Case Backgroundhttps://docs.google.com
  2. The Medical Reporthttps://docs.google.com
  3. Complete Details  – http://patnubay.com

Related Links

Share this: