Mga OFW nababahala sa “second wave” na paniningil ng UHC – Philhealth

Share this:

Kailangan nang mapagkukunan ng pondo ang Philhealth para sa pagpapatupad ng ginawang Universal Health Coverage (UHC) law, dahil nanakaw na ng taga-Philhealth ang pondo nila. Kaya wala na silang mapagkukunan ng pondo.

Hindi naman uubra ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas. Paano nila mababawi ang nagastos nila sa eleksiyon?

Pero naayos din nila. Dahil ang mga OFW ang pipilitin nilang magbayad nang malaki! Kaso, kinontra na ito ng mga OFW noon pang 2011 ang pagtaaas na gawing 2400 pesos mula sa 1200 pesos na sapilitan din nilang in-apply sa mga OFW noong 2005. Sisigurohin nilang hindi makapalag ang mga OFW.

Inayos nila. Ginawa ang batas nang walang konsultasyon sa hanay ng mga OFW. Binalangkas nila ang UHC law na sila-sila lang. Ang resulta: pagbayarin ang mga OFW ng napakalaking contribution na base sa salary nila.

Atat na atat na ang Philhealth na may pondo na nanakawin at wawaldasin kaya inayos nila ang Implementing Rules and Regulations (IRR) noong Oktubre 2019.

Nakasaad sa IRR na sapilitang masingil ang mga OFW bago makaalis ng Pilipinas. Kung hindi magbabayad ang isang OFW sa Philheath ay walang Overseas Employment Certificate (OEC).

Sa madaling salita hindi makakalabas ng Pilipinas at hindi makakabalik sa kani-kanilang trabaho abroad! Sinisiguro nilang magbabayad ang mga OFW.

Pero hindi pa pumayag ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ang siste, wala na talagang pondo ang Philheath. Naubos ang tubig sa balon!

Kaya, sinubukan nilang ayusin. Ang plano, maniningil sila sa mga OFW kahit kalagitnaan ng pandemya sa covid19. Akala nila walang kakayahan ang mga OFW na lumaban habang gipit sa krisis. Kaso, nagkamali ang Philhealth. Umangal ang mga OFW.

Sa gitna ng isang pandaigdigang krisis, nakakabingi ang ingay ng mga OFW. Kaya para ‘tumahan’ pansamantala ang mga OFW, inayos agad ng mga mambabatas at pinagsabihan ang Philheallth. Hindi umano makatarungan na maningil ang Philhealth sa kalagitnaan ng krisis.

Kaya ipagpaliban muna at singilin na lang ang mga OFW pagkatapos ng krisis. Nauunawaan daw nila na walang pambayad ang mga OFW. Pero dapat pababayarin pa rin dahil wala nang pagkukunan pa ng pondo ang Philheath.

Paano na ang ginawang UHC law? Bakit ang mga OFW lang ang sapilitang pagbayarin? “Holdap to! Walang papalag kung gusto pa ninyong magpatuloy ang trabaho sa abroad!”.

Hindi aamyendahan ng mga mambabatas ang batas na kanilang ginawa.Wala silang interes na baguhin ang batas.Dahil wala silang maiisip na pagkukunan ng pondo kundi ang mga OFW lamang. Wala silang ituturo kung sino ang nagsingit ng salitang “migrant worker” sa Section 4 ng UHC Law dahil sila lahat ay tuwang-tuwa na maghihirap ang ilang milyon na OFW.

Hindi katulad sa prangkisa ng ABS-CBN na ura-urada silang gumawa ng paraan at naayos nila agad-agad. At ang bilis nilang magturo ng sisi sa kung sino ang may pagkukulang sa pagkasarado ng ABS-CBN na nakaapekto umano ng 11 thousand workers ng kompanya.

Concerned sila sa 11 thousand workers ng ABS-CBN pero sa kapakanan ng ilang milyon na OFW, hindi sila ganun. Wala silang pakialam.

Sabagay, kung hindi pababayarin nang malaki ang mga OFW, saan nga naman hahagilap ng pondo para sa UHC-Philhealth? Hindi naman uubra sa PDAF ng mga mambabatas. Wala na silang mananakaw? Paano na ang Philhealth? Wala na rin silang mananakaw?

Sa iba-ibang kadahilanan, ayaw ng mga OFW magbayad nang ganun kalaki. May mga OFW na wala talagang pambayad.

Walang kasiguraduhan ang paga-abroad: maaring matanggal sa trabaho anumang oras, parehong gumagastos ang OFW sa abroad at gumagastos din ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Marami ding mga OFW ang lubog pa sa utang. Marami sa kanila ang nakaranas ng panga-abuso ng amo.

LIBRE ang health care ng mga OFW sa abroad. Kaya aayusin ng Philhealth at mambabatas yan, hindi para amyendahan ang batas kundi ang biglaang singil sa mga OFW! Bulagain sila! Bago pa muling mangalampag at mag-ingay ang mga OFW.

Tulad nang pagbalangkas ng UHC law na walang konsultasyon sa mga OFW. Gugulatin.nila ang mga OFW sa singilan nang hindi na makapagreklamo pa.

Aayusin ng mga mambatatas yan. Kaya huwag nang magugulat kung may lalabas na panukala na kakasuhan ang mga OFW na aangal sa UHC law at bayarin sa Philhealth.

Tila tatanggalan ng karapatan ang OFW na tumanggi sa pagbabayad
dahil simot na talaga ang pondo. Wala nang mananakaw! Yan ang totoo!

Kawawang OFW. Lagi na lang kawawa, lagi na lang talo.

Hindi naman nakakalimot ang mga OFW kung kailan nagsimula ang pamimilit ng abusadong Philhealth na yan.

Bago mag-2005, wala namang sapilitang bayarin sa Philhealth dahil ang medical care ng mga OFW ay kasama sa mga benepisyo ng OWWA. Pero noong 2004, inilipat ng OWWA ang 530-million peso fund para sa medicare ng OFW sa Philhealth.

Nagpa-print ang Philheath ng mga card na may mukha ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) na syang ipinamahagi sa mga botante sa panahon ng presidential election. Nanalo si PGMA.

Noong 2005 pormal nang inilipat ng OWWA ang medicare fund sa Philhealth na nakatanggap ng dagdag na 230 million pesos mula sa OWWA. Ang presidente ng Philhealth na si Franciso Duque ay naging Secretary ng Department of Health.

Sa parehong taon, sapilitan nang pinagbabayad ang mga OFW ng 1200 pesos sa Philheath, PAG-IBIG at SSS kasama sa USD 25 ng OWWA bago makakuha ng OEC.

Kaya GALIT ang mga OFW. Noong taong 2010, natalo ang manok ni PGMA sa presidential election. Magaling pa naman sana si Gibo Teodoro.

Si PNoy ang nanalo. Pero pagka-upo pa lamang ba ay nagawa na agad ang batas na gawing 2400 pesos ang babayaran ng mga OFW sa Philhealth at yun ay mandatory! Kabilang ng PAG-IBIG, SSS at OWWA bago makakuha ng OEC. Pumasok pa ang laglag-bala, bukas-OFW cargo at 550 airport terminal fee.

Sumilakbo ang galit ng mga OFW. Kaya noong 2016, natalo ang manok ni PNoy. Ang galit ng mga OFW sa mga ‘dilawang’ politiko ay hindi pa rin napapawi hanggang ngayon.

Magdasal tayo. Parusahan sana ng ating Dakilang Tagapaglikha ang lahat ng nang-aapi sa ating mga OFW at ating mga pamilya!

See Also:

GMA 7 Video: FACT OR FAKE – Are OFWs the only PhilHealth contributors affected by the rate hike to 3%?

Related Links and Articles

Share this: