Nais kong damahin sa aking damdamin,
Marinig ang tinig mong tila naglalambing,
Ang rurok ng kalangitan ay aking marating,
Makamtan ang langit na sa yo lamang piling.
Bakit kay lupit, tadhana’y lubhang kay damot,
Damang dama ang pasakit, mga hapdi at kirot,
Sa damdami’y sumusugat, karayom na tumutusok,
Tanging pag ibig na inaasam, kay hirap maabot.
Sa tuwing hawak niya, itong aking mga kamay,
Walang ngiting namumutawi, sa labi ko’y sumisilay,
Sa bawat pagpikit, mukha mo ang aking natatanaw,
Mga ngiting nagpapakilig, naglalaro sa balintataw.
Sa bawat halik, mga yakap na kay higpit,
Kung ikaw ang may alay, katumbas nito ay langit,
Sa lamig ng gabi, ikaw ang magbibigay init,
Bubuhay sa damdaming, kaytagal ng sa yo’y sabik.
Subalit ang lahat, isang panaginip lamang,
Pagkat ako’y bilanggo, sa mapait kong nakaraan,
Naisin mang damhin, kamtin ang kaligayahan,
Makapiling ka’y bawal, ikaw ay isang kasalanan.
Isang pusong nakatali, at hindi na malaya,
Sa pait ng kahapon, pilit kumakawala,
Damhin ang pagsusumamo, at pagmamakaawa,
Puso’y nais na lumimot, huwad na pag ibig ay itatwa.
Ang mahalin ka’y isang bawal na pag ibig,
Isang kasalanan ang ipinahihiwatig,
Damdamin ma’y nasasaktan, di dapat maantig,
Pagkat isang kasalanan, kung puso’y sa yo pipintig.
Ngunit anong dapat, di malaman ang gagawin,
Pilit sumisigaw, itong aking damdamin,
Ikaw ang tanging mahal, lahat kaya kong limutin,
Ikaw man ay kasalanan, bawal ma’y aking hahamakin.
Halina’t lumapit ka, kamay ko’y iyong hawakan,
Halina’t lumipad, paimbabaw sa kalawakan,
Kung ikaw man ay isang bawal, tunay na nakasalanan,
Buhay ko ma’y ibibigay, pag ibig mo lang ay makamtan.