URL : http://www.youtube.com/watch?v=KtPxLeZtQSc
Maganda na rin sigurong makita ng mga nasa atin ang Youtube video na ito para magkakaroon sila ng idea kung ano ang hitsura ng kulongan sa Saudi Arabia; kabaligtaran sa palaging pinalabas ng mga Philippine-based media na nagpapaniwala sa mga kwento at balitang katakot-takot mula sa sinungaling na ma-kaliwang NGO.
Kayo na ang bahalang magkumpara kung alin ang mas katakot-takot na kulongan. Dyan ba sa Pilipinas o ang kulongan nila dito? Maliban sa maayos ang kulongan sa Saudi Arabia, ay kahit papano kumikita pa ang mga nakakulong na pinapadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Yon na nga lang mas mahirap ang makulong sa ibang bansa at walang kapamilya na dadalaw sa yo.
Makikita nyo rin dyan sa 6:48 timeframe ng video ang interview ng MBC kay Joven “Abdulkareem” Esteva, isang Filipino na may hatol na qisas (pugot-ulo) dahil sa pagpatay ng kanyang kafil (sponsor) na Saudi sa Riyadh, apat na taon na ang nakaraan.
The Joven “AbdulKareem” Esteva Story
Napatay ni Joven ang kanyang amo na Saudi at muntik na rin ang anak nito. Nahatolan ng kamatayan si Joven, nag-apela ang abugado ng embahada pero na-reaffirm pa rin ang hatol na pugot-ulo
Nakilala natin si Joven noong bagong pasok pa lang sya Al Malaz Prison noong 2007, nang ibinalita ni Jamil Mabanto sa atin na may isa silang kasama sa kulongan na hindi natutulog ng ilang buwan mula nang napasok sa kanilang selda. Kinausap natin si Joven sa telepono at doon natin sya unang nakilala. Mula noon ilang beses na rin nating nabisita si Joven sa Al Malaz Prison.
Noong September 2006 dumating si Joven sa Saudi Arabia, maayos naman ang kanyang kalagayan. Mabait daw ang kanyang amo at mabait din ang mga pamilya nito sa kanya. Ang kanyang amo ay isang professor sa isang universidad sa Riyadh.
January 2007, ika-apat na buwan mula ng kanyang pagdating sa Kaharian, nagkaroon ng daw problema si Joven sa kanyang kalusugan; hindi nya maiintindihan kung anong sakit nya na hindi sya makatulog ng maayos. Lumala ang kanyang sakit na umabot ng ilang buwan na wala syang tulong. Pinacheck-up si Joven ng kanyang amo sa mga polyclinic at hospital para malaman kung ano ang kanyang sakit. Wala daw nakitang findings ang mga hospitals at clinic kung ano ang karamdaman ni Joven. Binigyan lang umano sya ng mga gamot pero hindi naman sya gumaling.
Mayo 2007, napatay ni Joven ang kanyang amo na Saudi at muntik na rin ang anak nito.
Dahil Sharia Law at dahil ito ay murder case, nahatolan ng korte si Joven ng kamatayan at ang pamilya lamang ng biktima ang makapag-desisyon kung magpapatawad o itutuloy ang hatol na pugot-ulo. Humiling ang pamilya ng bikitma sa korte na hintayin na dumating sa maturity age ang pinakbunsong anak bago sila makapagdesisyon.
Mabait din na tao si Joven. Maging ang kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas ay hindi makapaniwalang makapatay ito ng tao. Maaring nasa hindi maayos na pag-iisip si Joven nang maganap ang pangyayari. Kahit sinong tao ay maaburido kung kulang ng tulog kahit sa isang araw lamang. Ano pa kaya kung ilang buwan na walang tulog?
Kaya tinanong natin si Joven kung naalala nya ba ang mga pangalan ng hospital at clinic na pinagdalhan sa kanya. Sinabi ni Joven sa atin ang mga naalala nyang pangalan maliban sa pinakahuling clinic na pinagdalhan sa kanya ilang oras bago naganap ang pangyayari. Naalala din ni Joven ang mga gamot na ibinigay sa kanya.Ibinigay natin ang listahan ng mga hospitals at mga gamot sa ating embahada.
Nag-appeal ang embahada na wala sa katinuan si Joven nang mangyari ang insidente pero na-reaffirm pa rin yong hatol na Qisas (pugot-ulo) sa Court of Cassation. Sa batas ng kaharian, may karapatan ang akusado na mag-apela sa desisyon ng korte basta hindi ito lalagpas ng 30 na araw pagkatapos matanggap ang court decision or “sac”.
Masyadong maliit ang 30 days para makagawa ng tamang appeal for insanity. Sa katunayan nang ibinigay natin sa embahada ang mga pangalan ng mga hospitals at mga gamot ay kunting araw na lang ang natira sa 30 days. Ayon sa embahada ay ibinigay nila ito sa lawyer ni Joven.
Noong 2008, nahanap din namin ni ka Roland Blanco ang clinic kung saan dinala ng amo si joven ilang oras bago naganap yong krimen. Ito yong sinabi ni Joven na clinic na hindi nya maalala noon. Nang makuha namin ni Ka Roland ang tamang location, ay pinuntahan naman nina Mr. Jerome Friaz ang clinic at nakakuha sila ng medical report. Wala sa medical report ang sakit na insomia or any findings; may mga prescriptions na nakalagay sa kanilang records.
Tinanong natin si Joven kung nagkaroon ba sya ng parehong karamdaman noon nang nasa Pilipinas pa sya. Sinabi ni Joven na nagkaroon sya ng thypoid fever at gastritis noong 1993. Dito daw nagumpisa yong sakit nya na hindi makatulog. Pero kung noon ay ilang araw lang, pagdating lang dito sa Saudi Arabia lumala at umabot pa ng ilang buwan na wala syang tulog.
Sa tulong ni Ka Jimmy Umag, Region 9 Director ng OWWA, nakakuha ang asawa ni Joven ng medical records ni Joven South Cotabato Provincial Hospital. Pinaauthenticate natin ito sa DFA Manila at pinadala dito sa embassy para maipadala sa ating embahada sa Riyadh. Hindi na ito magagamit sa pag-apela dahi na-reaffirm na yong hatol. Pero magagamit ito kasama ng mga hospital and clinic records sa reconciliation process.
Reaction to youtube video
Mahigit dalawang taon na rin na hindi ko nabisita si Abdulkareem. Magmula noong may bagong patakaran ang Malaz Prison sa mga visitation kung saan kailanganin akong mag-leave ng buong araw sa trabaho para makabisita. Nang makita ko ang video na ito ay napahagulhol ako dahil alam ko na mabait na tao itong si Abdulkareem.
Consistent si Joven sa kanyang statement sa atin noon at sa video na ito. Palagi nyang sinabi na hindi nya ginusto ang pangyayari ngunit hindi sya takot na pananagutan ang kasalanan kahit kamatayan nya man ang maging hantungan. Pero umaasa siya na mapapatawad ng pamilya ng kanyang amo.
Hindi sya katulad ng ibang Pilipino na nakapatay na hindi umamin ng kanilang kasalanan o yong mga gumagawa pa ng mga alibi. Hindi sya katulad sa ibang Pilipino na ang tapang pumatay ng napakaraming saksak o pagtadtad per takot na takot naman na mapugotan. Hindi sya katulad sa ibang Pilipino na nakapatay na nagiisip ng tatawaging bayani kung makakalaya. Iba si Abdulkareem sa kanila, wala syang ibang hangad kundi ang mapatawad ng pamilya ng kanyang napatay, makakalaya at makakasama ang kanyang pamilya sa Pilipinas at maging Imam.
Sa ngayon, ibinuhos ni Abdulkareem ang kanyang oras sa kulongan sa pagbabasa ng Holy Quran at sa pag-dua (supplication prayer). Lahat daw ng kanyang pamilya sa Pilipinas ay nakumbinse nya nang mag-Muslim. Ito daw ang nagbigay sa kanya ng lakas na kung sakali mamatay man sya ay may maipagmamalaki kung kaharap nya na ang Allah.
Pananawagan
Dumating na sa maturity age ang pinakabunsong anak ng biktima. Ipagdarasal natin si Abdulkareem na sana mabigyan siya ng kapatawaran ng pamilya ng kanyang napatay. Marami namang mga Saudi na handang tutulong sa kanya para sa reconciliation at kung sakali ay makapagbigay ng tanazul (kapatawaran) ay handa ring tumulong sa bloodmoney. Nangako din sa kanya ang MBC Channel para sa bloodmoney kung sakali ay pagbigyan sya ng tanazul.
Scholarship para sa kanyang mga anak
Si Joven ay active member sa OWWA noong ito ay nakulong. Maraming beses na tayong humiling sa OWWA para sana sa maka-avail ng scholarship program ang kanyang mga anak. Pero dedma lang OWWA. Sana may mga NGOs or charity organizations na makatutok sa edukasyon ng mga anak ng nakakulong sa ibang bansa kahit para sa mga anak ng mga nasa death-row lamang.
Embassy’s Assistance to Joven
Maayos ang paghandle ng embassy sa kaso ni Abdulkarim, Thanks to Ka Jerome Friaz at kay Consul Reyes. Maraming salamat din kay USEC Seguis.
Related Links