Nasaan ang 2 Million SAR na donation, na para sana sa blood money ni yumaong Joselito Zapanta?

Share this:

Noong Disyembre 29, 2015, si Joselito Zapanta ay pinugotan ng ulo sa Saudi Arabia dahil sa pagkapatay sa isang Sudani. Maliligtas sana sa bitay si Zapanta kung nabayaran lamang nang buo ang 4 Million Saudi Arabian Riyals (SAR) na blood money. Kaso, kinulang ang donation ng 2 Million SAR dahil ang nalikom na donasyon ay 2 Million SAR lamang.

Ang tanong ngayon, ay nasaan na ang 2 Million SAR donation nalikom para sa blood money ni yumaong Joselito Zapanta?

  • ang sabi ng DFA OUMWA ay nasa Philippine Embassy sa Riyadh
  • ang sabi ng Embassy ay nasa kanila nga pero dapat ang DFA-OUMWA ang magdedesisyon kung paano ito gagamitin.

Ang mga kahilingan natin noon pa man ay

  1. Mabigyan ng kunting parte ng blood money ang naiwang pamilya ni Joselito Zapanta at ang mga pamilya ng dalawa pang OFW na napugotan din noong 2015 na sina Carlito Lana at Joven Esteva.
  2. Para din sa mga pamilya ng biktima ng Road Traffic Accidents na pinagkaitan na makatanggap ng bloodmoney dahil hindi naisampa ng embahada ang Private Rights of Actions noong bago pa lamang ang aksidente, halos sampung taon na ang nakalipas.
  3. Ang matitira ay maaring gamitin sa mga private rights na di pwedeng matulongan ng charity, katulad ng mga OFW na matagal nang stranded sa Saudi dahil may loan o may mga private rights obligations katulad ng mga nakasohan ng pagnanakaw ng kanilang mga employer. 

Ano naman ang sagot ng Embasssy at DFA OUMWA, kung papano gagastusin ang ang blood money na para sana mailigtas si Zapanta?

Noong August 14, 2017, bumisita si Usec Arreola sa KSA, sinamahan ko si Jhigz Nuguid na gustong magsumbong sa kapabayaan ng embahada sa kaso nya. Kaya isiningit ko na rin ang tanong tungkol sa blood money donation na intended sana kay OFW Zapanta at ang suggestion natin na dapat mabahagian ang pamilya nina Zapanta, Lana at Esteva.

Ang sagot ni Usec Arreola, based na rin sa bulong ng taga-embassy sa kanya, ay ang 2 Million SAR na para sana blood money ni Zapanta ay gagamitin para ipambabayad sa blood money ng ibang mga nasa death row dahil ganun daw ang Shariah Law.

Ewan kung sinong taga-embassy ang nagbulong sa kanya ng ganun. 

Nang matapos ang conference, lumapit kami ni Jhigz kay Usec Arreola . Unang, nakipagusap si Jhigz para sa sumbong niya.

Isinunod ko naman ang tanong tungkol sa blood money ni Zapanta. Sinabi ko kay USec na Muslim ako, at kabisado ko ang Shariah Law, at mali yong nagsabi sa kanya na “according to Shariah Law na yong blood money na di nagamit ay gamitin para sa blood money ng ibang murder cases”.

  1. Ang blood money na yon ay donation intended para maligtas si Zapanta. Sa Shariah ang donation ay wagaf, kung kanino ito intended hindi ito pwedeng gagamitin sa iba.
  2. Dahil hindi nagamit ang bloodmoney, ay dapat lamang ay sa kanyang next of kin (pamilya) ito mapupunta.
  3. Pero hindi po namin hiniling na ibigay sa pamilya ni Zapanta ang bloodmoney ng buo, kundi kunting parte lamang sa 2 million SAR ang maibahagi sana sa family ni Zapanta, ni Esteva at ni Lana. (kahit tig-500 Thousand Pesos ang bawat isa sa tatlong pamilya)
  4. Mali na gagamitin para sa ibang death row cases ang blood money na hindi nagamit sa isang murder case. Ako ay isang Muslim at halimbawa ako ay kapamilya ng biktima hindi ko tatanggapin ang blood money na intended para sa ibang tao.
  5. Sa Islam ang blood money ay maituturing na “wagaf”, isang donation na hindi pwedeng ibibigay sa iba. Isang halimbawa ng “wagaf” ay yong mga upoan sa masjid, o mga libro sa masjid na donated ng isang Muslim. Hindi pwede dalhin at gagamitin ang mga ito sa labas ng masjid. Dahil yon ay “wagaf” para sa masjid na yon
  6. Makipagusap daw kami sa embassy at magpadala daw ako sa kanya ng email tungkol sa issue. 
  7. May iilan pang mga topics na nairaise tayo kay Usec Arreola.

Noong January 11, 2018, nagkaroon kami ng meeting kay Ambassador Adnan Alonto, kasama ko si Ka Rey Villanueva at Ka Bhong Fincalero at Bro Joel Quiaoit. 

  1. Ang unang topic namin ulit ay ang 2 million SAR na blood money ni Zapanta.
  2. Ang sagot ni Ambassador Alonto ay nasa embassy ito pero ang DFA OUMWA ang magdedesisyon, pero pinagplanohan daw ito na gagamitin sa mga kaso na may blood money. 
  3. Nagpapaliwanag na naman tayo tungkol sa wagaf at kung bakit may right ang family ni Zapanta sa bloomoney. 
    Pero ang hiniling namin na matatanggap ng family ni Zapanta ay parte lamang sa blood money. Isinama na rin sa hiling namin na dapat mabigyan din ang pamilya nina Esteva at Lana, na parehong napugotan din sa taon 2015.
  4. Marami din kaming napag-usapan maliban sa blood money.

On a side note: Nakakainis ang nangyari noong 2015. Imagine ang Embassy natin sa Riyadh ay gumastos ng 4.8 million USD for foreign lawyers para sa mga death row cases specifically sa kaso nina Zapanta, Esteva at Lana

Ang 4.8 million USD, na kung iconvert natin to Saudi Riyals, ay mahigit 18 million SAR. Napagastos ang ating gobyerno ng 18 Million SAR pero napugotan ang tatlo. Isa ay maliligtas sana kung hindi lang kinulang ng 2 Million SAR.

Kung murder cases, at may pag-amin na, hindi na yan kailangan pa ng lawyer dahil hindi na mababago pa ang desisyon ng judge na pugot ulo.

Dapat ang hahanapin ay mga reconciliators para kakausap sa pamilya ng biktima. Katulad ng mga Sheikh or Amir or dumulog sa Saudi Reconciliation Committe. Hindi maghire ng lawyer at lalong hindi gagastos ng ganun kalaki.

Nakapanghinayang kasi, 18 million SAR ang naibayad ng ating gobyerno sa foreign lawyers pero hindi naman naligtas sina Zapanta, Esteva at Lana.

Si Zapanta napugotan dahil kinulang ng 2 million SAR ang blood money. Nakakainis na, nakakabayad ang gobyerno natin ng 18 million SAR para sa foreign lawyers pero napugotan si Zapanta dahil kinulang ng 2 Million SAR na bloodmoney.

Pero wala na tayong magagawa at tapos na yon. Ang hiling na lang natin ay yong parte ng 2 Million SAR na donation na nalikom para sa blood money ni Zapanta, halimbawa 500 thousand SAR ay mapaghati-hatian ng pamilya nina Zapanta, Esteva at Lana.

Kalokohan yong pagsabi na according to Shariah law, na ibibigay ang hindi nagamit na blood money para sa blood money ng ibang murder cases.

Dahil kung susundin natin talaga ang Shariah Law, ay dapat ibibigay ang lahat ng nalikom na bloodmoney sa sa next of kin. Sa kaso ni Zapanta, dapat mapunta yon sa kanyang pamilya dahil nalikom ang pera na yon gamit ang pangalan ni Zapanta.

O di kaya sundin natin yong kahilingan ni Zapanta na lumabas sa Balitang Middle East noon, na kung siya ay mapugotan, yong blood money ay gagamitin para ipatayo ng masjid sa Pampanga at bahagian ng kunti ang kanyang pamilya.

Noong november 29, 2018, bumisita si dir Iric Arribas sa riyadh kasama ng kanyang team sa DFA OUMWA.

Napagusapan namin ulit ang case ni Zapanta. Ang suggestion nya since funded ng office of the president yon. Kaya, dapat daw sa President kami makipag-usap.

Ang sagot naman namin ay hindi buong 2 million SAR ang galing sa office of the President. Mas malaki ang  donors doon ng individuals or groups.

Noong March 30, 2019, nagkaroon patipon-tipon sa Blas Ople Center ang mga kasamahan natin sa adbokasya kung saan nabigyan po tayo ng panahon na magsalita tungkol sa mga kaso ng mga OFW sa Saudi Arabia.

Isa sa mga naging paksa sa meeting ay kung nasaan na 2 Million Saudi Riyals na nalikom na bloodmoney para sana mailigtas sa bitay si Joselito Zapanta.

Narito ang video (Courtesy of Necitas Adordionisio)

June 30, 2020 – Pumanaw po si Nanay Maymona Zapanta, ang nanay ni Joselito Zapanta. Narito ang message ng kanyang anak na babae na si Rosemae.

ito lang po muna, Assalamu Alaikum wa Rahmatullahi wa Barakatuh!

Drafted by Abu Bakr Espiritu
for PATNUBAY HAGIT

Related links

Share this: